Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Panaghoy 3:19-26

19 Simpait ng apdo ang alalahanin sa aking paghihirap at kabiguan.
20     Lagi ko itong naaalaala, at ako'y labis na napipighati.
21     Gayunma'y nanunumbalik ang aking pag-asa kapag naalala kong:

22 Pag-ibig mo, Yahweh, ay hindi nagmamaliw; kahabagan mo'y walang kapantay.
23     Ito ay laging sariwa bawat umaga; katapatan mo'y napakadakila.
24     Si Yahweh ay akin, sa kanya ako magtitiwala.

25 Si Yahweh ay mabuti sa mga nananalig at umaasa sa kanya,
26     kaya't pinakamainam ang buong tiyagang umasa sa ating kaligtasang si Yahweh ang may dala.

Panaghoy 1:7-15

Ngayong ang mga taga-Jerusalem ay nasa panahon ng pagdadalamhati at paggala, nagugunita nila ang maliligayang araw na nagdaan.
    Nang mahulog sila sa kamay ng kaaway ay walang sinumang sa kanila'y umalalay;
    nang sila'y bumagsak, sila'y kinutya ng mga sumakop sa kanila.

Mabigat ang nagawang kasalanan ng Jerusalem, kaya't siya'y naging katatawanan; itinatakwil na siya ng mga pumupuri noon sa kanya.
    Sa matinding kahihiyan mukha'y tinakpan,
    sa isang sulok nanaghoy na lamang.

Ang kanyang karumhan ay di maikakaila,
    malagim ang kanyang pagbagsak at wala man lamang umaliw sa kanya.
    Nagtagumpay ang kanyang mga kaaway at siya'y dumulog kay Yahweh.

10 Sinamsam ng mga kaaway ang lahat niyang kayamanan;
    ang mga di-dapat pumasok na mga taga-ibang bayan,
    ang banal na Templo'y kanilang nilapastangan.

11 Dumaraing ang lahat ng kanyang mamamayan sa paghahanap ng pagkain;
    ipinagpapalit nila ng pagkain ang kanilang mga kayamanan para lamang mabuhay.
    “Yahweh, masdan po ninyo kami. Mahabag ka sa aming kalagayan!”

12 “Wala ba kayong pakialam, mga nagdaraan?
    Hirap na ganito'y inyo na bang naranasan?
    Ito'y parusa ni Yahweh dahil sa kanyang matinding poot.

13 “Nagpababa siya ng apoy mula sa itaas; nanuot ito sa aking mga buto;
    sa nilagay na bitag, doon ako'y nahulog,
    isang matinding hirap sa aki'y pinalasap.

14 “Inipon niya ang lahat kong pagkakasala at ito'y ipinapasan sa akin;
    dahil sa bigat nito'y unti-unting nauubos ang aking lakas.
    Ako'y ibinigay ni Yahweh sa aking mga kalaban at aking sarili'y hindi ko man lang matulungan.

15 “Tinawanan lang ni Yahweh ang magigiting kong kawal.
    Nagpadala siya ng isang hukbo upang lipulin ang mga kabataang lalaki.
    Dinurog niya ang buong bayan, parang ubas sa pisaan.

Mateo 20:29-34

Pinagaling ang Dalawang Bulag(A)

29 Pag-alis nila sa Jerico, si Jesus ay sinundan ng napakaraming tao. 30 Doon ay may dalawang bulag na nakaupo sa tabi ng daan. Nang marinig nilang dumaraan si Jesus, sila'y nagsisigaw, “Panginoon, Anak ni David,[a] mahabag po kayo sa amin!”

31 Pinagsabihan sila ng mga tao at pinatahimik, ngunit lalo silang nagsisigaw, “Panginoon, Anak ni David, mahabag po kayo sa amin!”

32 Tumigil si Jesus, tinawag sila at tinanong, “Ano ang gusto ninyong gawin ko sa inyo?”

33 Sumagot sila, “Panginoon, gusto po naming makakita!”

34 Nahabag si Jesus sa kanila at hinipo ang kanilang mga mata. Agad silang nakakita,[b] at sila'y sumunod sa kanya.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.