Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 102:1-17

Panalangin ng Isang Nababagabag na Kabataan

Panalangin ng isang dumaranas ng hirap at humihingi ng tulong kay Yahweh.

102 Dinggin mo, O Yahweh, ang aking dalangin,
    lingapin mo ako sa aking pagdaing.
O huwag ka sanang magkubli sa akin,
    lalo sa panahong may dusa't bigatin.
Kapag ako'y tumawag, ako'y iyong dinggin
    sa sandaling iyo'y agad mong sagutin.

Nanghihina akong usok ang katulad,
    damdam ko sa init, apoy na maningas.
Katulad ko'y damong natuyo sa parang,
    pati sa pagkai'y di ako ganahan.
Kung ako'y tumaghoy ay ubod nang lakas,
    yaring katawan ko'y buto na at balat.
Tulad ko'y mailap na ibon sa ilang,
    para akong kuwago sa dakong mapanglaw;
ang aking katulad sa hindi pagtulog,
    ibon sa bubungang palaging malungkot.
Sa buong maghapon, ang kaaway ko, nililibak ako, kinukutyang todo;
    gamit sa pagsumpa'y itong pangalan ko.

Pagkain ko'y abo at hindi tinapay,
    luha'y hinahalo sa aking inuman.
10 Dahil sa galit mo, aking Panginoon,
    dinaklot mo ako't iyong itinapon.
11 Ang buhay kong taglay ay parang anino;
    katulad ko ngayo'y natuyo nang damo.

12 Ngunit ikaw, Yahweh, ay haring walang hanggan,
    di ka malilimot ng buong kinapal.
13 Ikaw ay mahabag, tulungan ang Zion,
    pagkat dumating na ang takdang panahon,
    sa kalagayan niya ay dapat tumulong.
14 Mahal pa rin siya ng iyong mga lingkod
    bagama't nawasak at gumuhong lubos.

15 Ang lahat ng bansa kay Yahweh ay takot,
    maging mga hari sa buong sinukob.
16 Itatayong muli ni Yahweh ang Zion,
    kaluwalhatian niya'y mahahayag doon.
17 Daing ng mahirap ay iyong papakinggan,
    di mo tatanggihan ang kanilang kahilingan.

Jeremias 29:8-23

Huwag kayong magpapalinlang sa inyong mga propeta at mga manghuhula. Huwag kayong basta-bastang maniniwala sa kanilang mga panaginip. Tandaan ninyo: Kasinungalingan ang sinasabi nila sa inyo; sila'y hindi ko sinugo, ang sabi ni Yahweh.

10 “Subalit(A) ito ang aking sinabi: Pagkatapos lamang ng pitumpung taon ng pagkabihag sa Babilonia, muli kong ipadarama ang pag-ibig ko sa inyo. Tutuparin ko ang aking pangakong ibabalik kayo sa lupaing ibinigay ko sa inyo. 11 Sapagkat batid kong lubos ang mga plano ko para sa inyo; mga planong hindi ninyo ikakasama kundi para sa inyong ikabubuti. Ito'y mga planong magdudulot sa inyo ng kinabukasang punung-puno ng pag-asa. 12 Kung maganap na ito, kayo'y tatawag, lalapit, at dadalangin sa akin, at diringgin ko naman kayo. 13 Kapag(B) hinanap ninyo ako, ako'y inyong matatagpuan; kung buong puso ninyo akong hahanapin. 14 Oo, ako'y matatagpuan ninyo, sabi ni Yahweh, at ibabalik ko ang inyong mga kayamanan. Titipunin ko kayo mula sa lahat ng bansa at pook na pinagdalhan ko sa inyo, at ibabalik sa dakong pinagmulan ninyo bago kayo nabihag.

15 “Sinasabi ninyong si Yahweh ay humirang ng mga propeta para sa inyo diyan sa Babilonia. 16 Ganito naman ang sinasabi ni Yahweh tungkol sa haring nakaupo sa trono ni David at sa lahat ng inyong kababayang nakatira sa lunsod na ito at sa hindi nabihag na mga kasama ninyo: 17 Padadalhan ko sila ng digmaan, taggutom, at salot, at matutulad sila sa mga igos na bulok kaya't hindi na makakain. 18 Sila'y mamamatay sa labanan, sa gutom at salot. Masisindak ang lahat ng bansa sa kanilang sasapitin. Sila'y hahamakin at susumpain ng lahat ng bansang pinagtapunan ko sa kanila. 19 Kung paanong hindi nila pinakinggan ang mga propetang sinugo ko sa kanila, gayon din kayo. 20 Ngunit kayong mga taga-Jerusalem na dinalang-bihag sa Babilonia, makinig kayo sa ipinapasabi ni Yahweh: 21 Paparusahan ni Yahweh si Ahab na anak ni Kolaias, at si Zedekias, na anak naman ni Maasias, sapagkat ginamit nila sa kasinungalingan ang aking pangalan. Sila'y ibibigay ko kay Haring Nebucadnezar ng Babilonia at papatayin sa inyong harapan. 22 Ang kanilang pangala'y babanggitin ng lahat ng taga-Juda na dinalang-bihag sa Babilonia, kapag sinusumpa nila ang kanilang kapwa; sasabihin nila, ‘Gawin sana sa inyo ni Yahweh ang ginawa kina Zedekias at Ahab, na sinunog nang buháy ng hari ng Babilonia!’ 23 Ganito ang mangyayari sa kanila sapagkat kasuklam-suklam ang kanilang ginawa sa Israel. Sila'y nangalunya at ginamit pa ang aking pangalan sa kasinungalingan. Nalalaman ko ito at nasaksihan.”

Mga Gawa 26:24-29

24 Habang nagsasalita pa si Pablo, malakas na sinabi ni Festo, “Nababaliw ka na, Pablo! Sa sobrang pag-aaral mo'y nasira na ang iyong ulo.”

25 Ngunit sumagot si Pablo, “Hindi ako nababaliw, Kagalang-galang na Festo! Ang sinasabi ko'y mga salita ng katinuan at pawang katotohanan. 26 Nalalaman po ninyo, Haring Agripa, ang tungkol sa mga bagay na ito, kaya malakas ang loob kong magsalita sa inyong harapan. Tiyak na hindi lingid sa inyo ang mga ito sapagkat hindi sa isang sulok lamang nangyari ito. 27 Haring Agripa, naniniwala ba kayo sa mga propeta? Alam kong naniniwala kayo!”

28 Sinabi ni Agripa kay Pablo, “Sa palagay mo ba'y mahihikayat mo akong maging Cristiano sa loob ng maikling panahon?”

29 Sumagot si Pablo, “Maging sa maikli o sa mahabang panahon, loobin nawa ng Diyos na hindi lamang kayo, kundi ang lahat ng nakakarinig sa akin ngayon ay maging kagaya ko, maliban sa mga tanikalang ito.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.