Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 137

Panaghoy ng mga Israelitang Dinalang-bihag

137 Sa pampang ng mga ilog nitong bansang Babilonia,
    kami'y nakaupong tumatangis, sa tuwing Zion, aming naaalala.
Sa sanga ng mga kahoy, sa tabi ng ilog nila,
    isinabit namin doon, yaong dala naming lira.
Sa amin ay iniutos ng sa amin ay lumupig,
    na aliwin namin sila, ng matamis naming tinig,
    tungkol sa Zion, yaong paksa, niyong nais nilang awit.

Ang awit para kay Yahweh, pa'no namin aawitin,
    samantalang kami'y bihag sa lupaing hindi amin?
Ayaw ko nang ang lira ko'y hawakan pa at tugtugin,
    kung ang bunga sa pagtugtog, limutin ang Jerusalem;
di na ako aawit pa, kung ang aking sasapitin
    sa isip ko't alaala, ika'y ganap na limutin,
    kung ang kaligayahan ko ay sa iba ko hahanapin.

Yahweh, sana'y gunitain, ginawa ng Edomita,
    nang ang bayang Jerusalem ay malupig at makuha;
sumisigaw silang lahat na ang wikang binabadya:
    “Iguho na nang lubusan, sa lupa ay ibagsak na!”

Tandaan(A) mo, Babilonia, ika'y tiyak wawasakin,
    dahilan sa ubod sama ang ginawa mo sa amin;
    yaong taong magwawasak, mapalad na ituturing
    kung ang inyong mga sanggol kunin niya at durugin!

Panaghoy 1:16-22

16 “Dahil dito, hindi mapigil ang pagdaloy ng aking luha,
    walang makaaliw sa akin ni makapagpalakas ng aking loob.
    Nagtagumpay ang aking kalaban, kawawang mga anak, iniwan silang wasak.

17 “Ako'y nagpasaklolo ngunit walang tumulong sa akin,
    inatasan ni Yahweh ang mga karatig-bansa upang ako'y gawing isang kawawa,
    kaya ako'y nagmistulang maruming basahan.

18 “Nasa panig ng katuwiran si Yahweh, ako ang naghimagsik laban sa kanyang salita;
    ngunit makinig kayo, mga bansa, at tingnan ninyo ang aking paghihirap;
    binihag ang aking kadalagahan at kabinataan.

19 “Tinawag ko ang aking mga kakampi ngunit hindi nila ako tinulungan;
    namatay ang aking mga pari at mga pinuno ng lunsod,
    sa paghahanap ng pagkaing magpapanumbalik ng kanilang lakas.

20 “Masdan mo ako, O Yahweh, sapagkat labis akong nababagabag.
    Naliligalig ang aking kaluluwa, ako'y lubhang naguguluhan, sapagkat naging mapaghimagsik ako.
    Kabi-kabila ang patayan, sa loob at labas ng kabahayan.

21 “Pakinggan mo ang aking daing; walang umaaliw sa akin.
    Natuwa pa nga ang mga kaaway ko sa ginawa mo sa akin.
    Madaliin mo ang araw na iyong ipinangako, na sila'y magiging gaya ko rin.

22 “Hatulan mo sila sa kanilang kasamaan; pahirapan mo sila,
    tulad ng pagpapahirap mo sa akin dahil sa aking mga pagsalangsang;
    napapahimutok ako sa tindi ng hirap at para akong kandilang nauupos.”

Santiago 1:2-11

Pananampalataya at Karunungan

Mga(A) kapatid, magalak kayo kapag kayo'y dumaranas ng iba't ibang uri ng pagsubok. Dapat ninyong malaman na nagiging matatag ang inyong pananampalataya sa pamamagitan ng mga pagsubok. At dapat kayong magpakatatag hanggang wakas upang kayo'y maging ganap at walang pagkukulang.

Ngunit(B) kung ang sinuman sa inyo ay kulang sa karunungan, humingi siya sa Diyos at siya'y bibigyan, sapagkat ang Diyos ay nagbibigay nang sagana at hindi nanunumbat. Subalit ang humihingi ay dapat magtiwala sa Diyos at huwag mag-alinlangan, sapagkat ang nag-aalinlangan ay parang alon sa dagat na itinataboy ng hangin kahit saan. Huwag umasang tatanggap ng anuman mula sa Panginoon ang taong pabagu-bago ang isip at di alam kung ano talaga ang nais niya.

Ang Mahirap at ang Mayaman

Dapat magalak ang mahirap na kapatid kapag siya'y itinataas ng Diyos, 10 at(C) gayundin naman ang mayamang kapatid kapag siya'y ibinababâ, sapagkat ang mayaman ay lilipas na gaya ng bulaklak ng damo. 11 Ang damo ay nalalanta sa matinding sikat ng araw, nalalagas ang kanyang mga bulaklak at kumukupas ang kanyang kagandahan. Gayundin naman, ang mayaman ay mamamatay sa gitna ng kanyang mga kaabalahan.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.