Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 87

Awit ng Pagpaparangal sa Jerusalem

Isang Awit na katha ng angkan ni Korah.

87 Sa Bundok ng Zion, itinayo ng Diyos ang banal na lunsod,
ang lunsod na ito'y
    higit niyang mahal sa alinmang bayan ng angkan ni Jacob.
Kaya't iyong dinggin
    ang ulat sa iyong mabubuting bagay, O lunsod ng Diyos: (Selah)[a]

“Kapag isinulat ko at ang mga bansang sa iyo'y sasama,
    aking ibibilang ang bansang Egipto at ang Babilonia;
ibibilang ko rin bansang Filistia, Tiro at Etiopia.”[b]
At tungkol sa Zion,
    sasabihin nila, “Ang lahat ng bansa ay masasakupan,
    siya'y palalakasin at patatatagin ng Kataas-taasan.”
Si Yahweh ay gagawa,
    ng isang talaan ng lahat ng taong doo'y mamamayan, (Selah)[c]
sila ay aawit, sila ay sasayaw, at sila'y sabay-sabay na magsasabing,
    “Ang aking mga pagpapala'y ang Zion ang bukal.”

Joel 3:17-21

17 “Sa gayon, malalaman mo, O Israel, na ako si Yahweh ay iyong Diyos!
    Ang aking tahanan ay ang Zion, ang banal na bundok.
Magiging banal na lunsod ang Jerusalem;
    hindi na ito muling masasakop ng mga dayuhan.
18 Sa panahong iyon, mapupuno ng ubasan ang mga kabundukan;
    bakahan ang makikita sa bawat burol,
    at sasagana sa tubig ang buong Juda!
Dadaloy mula sa Templo ni Yahweh ang isang batis,
    na didilig sa Libis ng Sitim.

19 “Magiging disyerto ang Egipto,
    at magiging tigang ang lupain ng Edom,
sapagkat sinalakay nila ang lupain ng Juda
    at pinatay ang mga mamamayang walang kasalanan.
20-21 Ipaghihiganti ko[a] ang lahat ng nasawi;
    paparusahan ko ang sinumang nagkasala.
Ang Juda at ang Jerusalem ay pananahanan magpakailanman,
    at ako ay mananatili sa Bundok ng Zion.”

Mateo 21:28-32

Ang Talinghaga tungkol sa Dalawang Anak

28 “Ano ang palagay ninyo rito? May isang taong may dalawang anak na lalaki. Lumapit siya sa nakatatanda at sinabi, ‘Anak, pumunta ka ngayon sa ubasan at magtrabaho ka roon.’ 29 ‘Ayoko po,’ tugon nito, ngunit nagbago ito ng pasya at nagtrabaho sa ubasan. 30 Lumapit din ang ama sa ikalawa at ganoon din ang kanyang sinabi. At tumugon ito, ‘Opo,’ ngunit hindi naman pumunta sa ubasan. 31 Sino sa dalawa ang sumunod sa kalooban ng kanyang ama?”

“Ang nakatatanda po,” sagot nila.

Sinabi sa kanila ni Jesus, “Tandaan ninyo: ang mga maniningil ng buwis at ang mga bayarang babae ay nauuna pa sa inyo na makapasok sa kaharian ng Diyos. 32 Sapagkat(A) naparito sa inyo si Juan at itinuro ang pagsunod sa kalooban ng Diyos, at hindi ninyo siya pinaniwalaan, ngunit naniwala sa kanya ang mga maniningil ng buwis at ang mga bayarang babae. Nakita ninyo ito subalit hindi pa rin kayo nagsisi't tumalikod sa inyong mga kasalanan, at hindi rin kayo naniwala sa kanya.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.