Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Joel 2:23-32

23 “Magalak kayo, mga taga-Zion!
    Matuwa kayo dahil sa ginawa ni Yahweh na inyong Diyos.
    Pinaulan niya nang sapat sa taglagas,
    at gayundin sa taglamig;
    tulad ng dati, uulan din sa tagsibol.
24 Mapupuno ng ani ang mga giikan;
    aapaw ang alak at langis sa mga pisaan.
25 Ibabalik ko ang lahat ng nawala sa inyo
    nang pinsalain ng katakut-takot na balang ang inyong mga pananim.
    Ako ang nagpadala ng hukbong ito laban sa inyo.
26 Magkakaroon kayo ngayon ng saganang pagkain at kayo'y mabubusog.
    Pupurihin ninyo si Yahweh na inyong Diyos,
    na gumawa ng mga kahanga-hangang bagay para sa inyo.
    Hindi na muli pang kukutyain ang aking bayan.
27 Kaya nga malalaman ninyo na ako'y sumasainyo
    at akong si Yahweh lamang ang inyong Diyos.
    Hindi na muling hahamakin ang aking bayan.

Ang Araw ni Yahweh at ang Kanyang Espiritu

28 “Pagkatapos(A) nito, ipagkakaloob ko ang aking Espiritu[a] sa lahat ng tao:
    ipahahayag ng inyong mga anak na lalaki't babae ang aking mga mensahe.
    Magkakaroon ng mga panaginip ang inyong matatandang lalaki,
    at makakakita ng mga pangitain ang inyong mga kabataang lalaki.
29 Sa panahong iyon, ibubuhos ko rin ang aking Espiritu
    maging sa mga alipin, lalaki man o babae.
30 “Magpapakita ako ng mga kababalaghan
    sa langit at sa lupa;
    dugo, apoy at makapal na usok.
31 Ang(B) araw ay magdidilim,
    at ang buwan ay pupulang parang dugo
    bago dumating ang dakila at nakakatakot na araw ni Yahweh.
32 At(C) sa panahong iyon, ang lahat ng hihingi ng tulong kay Yahweh ay maliligtas.
Gaya ng kanyang sinabi,
    may ilang makakatakas sa Bundok ng Zion
    at ang aking mga pinili'y makakaligtas sa Jerusalem.”

Mga Awit 65

Pagpupuri at Pagpapasalamat

Awit ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.

65 Marapat na ikaw, O Diyos, sa Zion ay papurihan,
    dapat nilang tupdin doon ang pangakong binitiwan,
    pagkat yaong panalangin nila'y iyong dinirinig.
Dahilan sa kasalanan, lahat sa iyo ay lalapit.
    Bunga nitong pagkukulang, kaya kami nalulupig,
    gayon pa man, patawad mo'y amin pa ring nakakamit.
Silang mga hinirang mo, upang sa templo manahan,
    silang mga pinili mo'y mapalad na tuturingan!
Magagalak kaming lubos sa loob ng templong banal,
    dahilan sa dulot nitong pagpapala sa nilalang.

Kami'y iyong dinirinig, Tagapagligtas naming Diyos,
    sa kahanga-hangang gawa, kami'y iyong tinutubos.
Kahit sino sa daigdig, sa ibayong karagatan,
    may tiwala silang lahat sa taglay mong kabutihan.
Sa taglay mong kalakasan, mga bundok tumatatag;
    dakila ka't ang lakas mo ay sa gawa nahahayag!
Ang ugong ng karagatan, iyong pinatatahimik,
    pati along malalaki sa panahong nagngangalit;
    maging mga kaguluhan nilang mga nagagalit.
Dahilan sa ginawa mong mga bagay na dakila,
    natatakot ang daigdig, at ang buong sangnilikha.
Bunga nitong ginawa mo, sa galak ay sumisigaw,
    buong mundo, kahit saang sulok nitong daigdigan.

Umuulan sa lupain, ganito mo kinalinga,
    umuunlad ang lupai't tumataba yaong lupa.
Patuloy na umaagos ang bigay mong mga batis,
    sa halamang nasa lupa, ay ito ang dumidilig;
ganito ang ginawa mo na hindi mo ikinait.
10     Sa binungkal na bukirin ang ulan ay masagana,
    ang bukirin ay matubig, at palaging basang-basa;
sa banayad na pag-ulan ay lumambot yaong lupa,
    kaya naman pati tanim ay malago at sariwa.
11 Nag-aani nang marami sa tulong mong ginagawa,
    at saanman magpunta ka'y masaganang-masagana.
12 Ang pastula'y punung-puno ng matabang mga kawan,
    naghahari yaong galak sa lahat ng kaburulan.
13 Gumagala yaong tupa sa gitna ng kaparangan,
    at hitik na hitik naman ang trigo sa kapatagan.
Ang lahat ay umaawit, sa galak ay sumisigaw!

2 Timoteo 4:6-8

Sapagkat dumating na ang panahon ng pagpanaw ko sa buhay na ito. Ako'y mistulang isang handog na ibinubuhos sa dambana. Pinagbuti ko ang aking pakikipaglaban, natapos ko na ang dapat kong takbuhin, at nanatili akong tapat sa pananampalataya. Kaya naghihintay sa akin ang koronang gantimpala para sa mga namuhay ayon sa kalooban ng Diyos. Sa Araw na iyon, ang Panginoon na siyang makatarungang Hukom, ang siyang magpuputong sa akin ng korona; hindi lamang sa akin, kundi sa lahat ng nananabik sa kanyang pagbabalik.

2 Timoteo 4:16-18

16 Sa unang pagharap ko sa hukuman ay walang sumama sa akin; pinabayaan nila akong mag-isa. Patawarin nawa sila ng Diyos. 17 Ngunit sinamahan ako ng Panginoon at binigyan ng lakas upang makapangaral nang lubusan sa lahat ng Hentil, at ako'y naligtas sa tiyak na kamatayan. 18 Ang Panginoon ang magliligtas sa akin sa lahat ng kasamaan at siya rin ang maghahatid sa akin nang ligtas sa kanyang kaharian sa langit. Purihin nawa siya magpakailanman! Amen.

Lucas 18:9-14

Ang Talinghaga ng Pariseo at ng Maniningil ng Buwis

Sinabi rin niya ang talinghagang ito sa mga taong matuwid ang tingin sa sarili at hinahamak naman ang iba. 10 “May dalawang lalaking pumasok sa Templo upang manalangin, ang isa ay Pariseo at ang isa ay maniningil ng buwis. 11 Tumayo ang Pariseo at nanalangin nang ganito: ‘O Diyos, nagpapasalamat ako sa iyo sapagkat hindi ako katulad ng iba na mga magnanakaw, mandaraya, mangangalunya, o kaya'y katulad ng maniningil ng buwis na ito. 12 Dalawang beses akong nag-aayuno sa isang linggo at nagbibigay rin ako ng ikasampung bahagi mula sa lahat ng aking kinikita.’ 13 Samantala, ang maniningil ng buwis nama'y nakatayo sa malayo at di man lamang makatingin sa langit. Dinadagukan niya ang kanyang dibdib at sinasabi, ‘O Diyos, mahabag po kayo sa akin na isang makasalanan!’ 14 Sinasabi(A) ko sa inyo, ang lalaking ito'y umuwing matuwid sa harapan ng Diyos, at hindi ang Pariseo. Sapagkat ang sinumang nagmamataas ay ibababa at ang nagpapakababa ay itataas.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.