Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Panalangin Laban sa mga Kaaway ng Israel
Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba.
129 Ihayag mo, O Israel, ang ginawa ng kaaway,
sa simulang usigin ka, mula pa nang kabataan!
2 “Simula pa noong bata, ako'y di na nilubayan,
mahigpit na pinag-usig, bagaman di nagtagumpay.
3 Ako ay sinaktan nila, ang likod ko'y sinugatan,
mga sugat na malalim, parang bukid na binungkal.
4 Ngunit ang Diyos na si Yahweh, palibhasa ay matuwid,
pinalaya niya ako at sa hirap ay inalis.”
5 Nawa itong mga bansang laging namumuhi sa Zion,
sa labanan ay malupig, mapahiya't mapaurong!
6 Matulad sa mga damong tumubo sa mga bubong,
natutuyong lahat ito, kahit ito'y bagong sibol,
7 di na ito binibigkis at hindi na tinitipon.
8 Kahit isang dumaraa'y di man lamang banggitin,
“Nawa ang pagpapala ni Yahweh ay iyong tanggapin!
Sa pangalan ni Yahweh, pagpapala ay iyong tanggapin!”
Si Zedekias ay Humingi ng Payo kay Jeremias
14 Ipinatawag ni Haring Zedekias si Jeremias at kinausap sa ikatlong pintuan ng Templo. “May itatanong ako sa iyo at huwag kang maglilihim sa akin kahit ano,” sabi ng hari.
15 Sumagot si Jeremias, “Kung sabihin ko sa inyo ang katotohanan, ipapapatay ninyo ako, at kung payuhan ko naman kayo, ayaw ninyong pakinggan.”
16 Palihim na nangako kay Jeremias si Haring Zedekias, “Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy[a] na nagbibigay-buhay sa atin! Ipinapangako kong hindi kita ipapapatay, at hindi rin kita ipagkakanulo sa mga taong ibig pumatay sa iyo.”
17 Matapos marinig ang gayon, sinabi ni Jeremias kay Zedekias ang sabi ni Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel, “Kung kayo'y susuko sa mga pinuno ng hari ng Babilonia, maliligtas ang buhay ninyo at hindi nila susunugin ang lunsod. Kayo at ang inyong sambahayan ay mabubuhay. 18 Ngunit kung hindi kayo susuko, ibibigay sa taga-Babilonia ang lunsod na ito. Susunugin nila ito, at hindi kayo makakaligtas.”
19 Sumagot si Haring Zedekias, “Natatakot ako sa mga Judiong kumampi sa mga taga-Babilonia. Baka ibigay ako sa kanila, at ako'y pahirapan nila.”
20 “Hindi kayo ibibigay sa kanila,” sabi ni Jeremias. “Ipinapakiusap kong sundin ninyo ang salita ni Yahweh, gaya ng pagkakasabi ko sa inyo. Sa gayo'y mapapabuti kayo at maliligtas. 21 Ipinaalam na sa akin ni Yahweh, sa pamamagitan ng isang pangitain, ang mangyayari kapag hindi kayo sumuko. 22 Nakita kong inilalabas ng mga pinunong taga-Babilonia ang lahat ng babaing naiwan sa palasyo ng hari sa Juda. Pakinggan ninyo ang sinasabi nila:
‘Ang hari'y iniligaw ng pinakamatalik niyang mga kaibigan;
naniwala siya sa kanila.
At ngayong nakalubog sa putik ang kanyang mga paa,
iniwan na siya ng mga kaibigan niya.’”
23 Pagkatapos ay sinabi ni Jeremias, “Bibihagin ng mga taga-Babilonia ang lahat ng babae at mga bata; pati ikaw ay hindi makakaligtas. Dadalhin kang bihag, at susunugin ang lunsod na ito.”
24 Sumagot si Zedekias, “Huwag mong ipapaalam kahit kanino ang pag-uusap na ito, at hindi na manganganib ang buhay mo. 25 Kung mabalitaan ng mga pinuno na kinausap kita, lalapitan ka nila at itatanong kung ano ang pinag-usapan natin. Mangangako pa sila na hindi ka papatayin kung magtatapat ka. 26 Ngunit sabihin mong nakikiusap ka lang sa akin na huwag na kitang ipabalik sa bahay ni Jonatan upang doon mamatay.” 27 Nagpunta nga kay Jeremias ang lahat ng pinuno at tinanong siya. At sinabi naman niya sa kanila ang iniutos ng hari na kanyang isasagot. Wala silang magawâ sapagkat walang nakarinig sa pag-uusap nila. 28 At(A) nanatili si Jeremias sa himpilan ng mga bantay hanggang sa masakop ang Jerusalem.
Ayusin ang Awayan ng Kapatiran
6 Kung may reklamo ang sinuman sa inyo laban sa kanyang kapatid sa pananampalataya, bakit siya nagsasakdal sa mga hukom na di-mananampalataya, sa halip na ipaubaya sa mga hinirang ng Diyos ang pag-aayos ng usapin nila? 2 Hindi ba ninyo alam na ang mga hinirang ng Diyos ang hahatol sa sanlibutan? Kung kayo ang hahatol sa sanlibutan, hindi ba ninyo kayang hatulan ang ganyang kaliit na bagay? 3 Hindi ba ninyo alam na hahatulan natin ang mga anghel? Gaano na lang ang mga bagay na may kinalaman sa buhay na ito! 4 Kung may mga usapin kayo, bakit ninyo ito idinudulog sa mga taong hindi kinikilala ng iglesya? 5 Dapat kayong mahiya! Wala bang isa man lang sa inyo na marunong mag-ayos ng awayan ng magkakapatid? 6 Bakit nagsasakdal kayo sa hukuman, kapatid laban sa kapatid, at sa harap pa naman ng mga di-mananampalataya?
7 Ang pagkakaroon ninyo ng usapin laban sa isa't isa ay isa nang kabiguan sa inyo. Bakit hindi na lang ninyo hayaang gawan kayo ng masama? Bakit hindi na lamang ninyo hayaang madaya kayo? 8 Subalit kayo mismo ang gumagawa ng masama at nandaraya, kahit na sa mga sarili ninyong mga kapatid sa pananampalataya. 9 Hindi ba ninyo alam na ang mga makasalanan ay walang bahagi sa kaharian ng Diyos? Huwag ninyong dayain ang inyong sarili! Ang mga nakikiapid, sumasamba sa diyus-diyosan, nangangalunya, nakikipagtalik sa kapwa lalaki o kapwa babae, 10 nagnanakaw, sakim, naglalasing, nanlalait ng kapwa, o nandaraya, ay walang bahagi sa kaharian ng Diyos. 11 Ganyan ang ilan sa inyo noon. Subalit nilinis na kayo sa inyong mga kasalanan at ginawa na kayong banal ng Diyos. Pinawalang-sala na kayo sa pangalan ng Panginoong Jesu-Cristo at sa pamamagitan ng Espiritu ng ating Diyos.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.