Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Pagpupuri at Pagpapasalamat
Awit ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.
65 Marapat na ikaw, O Diyos, sa Zion ay papurihan,
dapat nilang tupdin doon ang pangakong binitiwan,
2 pagkat yaong panalangin nila'y iyong dinirinig.
Dahilan sa kasalanan, lahat sa iyo ay lalapit.
3 Bunga nitong pagkukulang, kaya kami nalulupig,
gayon pa man, patawad mo'y amin pa ring nakakamit.
4 Silang mga hinirang mo, upang sa templo manahan,
silang mga pinili mo'y mapalad na tuturingan!
Magagalak kaming lubos sa loob ng templong banal,
dahilan sa dulot nitong pagpapala sa nilalang.
5 Kami'y iyong dinirinig, Tagapagligtas naming Diyos,
sa kahanga-hangang gawa, kami'y iyong tinutubos.
Kahit sino sa daigdig, sa ibayong karagatan,
may tiwala silang lahat sa taglay mong kabutihan.
6 Sa taglay mong kalakasan, mga bundok tumatatag;
dakila ka't ang lakas mo ay sa gawa nahahayag!
7 Ang ugong ng karagatan, iyong pinatatahimik,
pati along malalaki sa panahong nagngangalit;
maging mga kaguluhan nilang mga nagagalit.
8 Dahilan sa ginawa mong mga bagay na dakila,
natatakot ang daigdig, at ang buong sangnilikha.
Bunga nitong ginawa mo, sa galak ay sumisigaw,
buong mundo, kahit saang sulok nitong daigdigan.
9 Umuulan sa lupain, ganito mo kinalinga,
umuunlad ang lupai't tumataba yaong lupa.
Patuloy na umaagos ang bigay mong mga batis,
sa halamang nasa lupa, ay ito ang dumidilig;
ganito ang ginawa mo na hindi mo ikinait.
10 Sa binungkal na bukirin ang ulan ay masagana,
ang bukirin ay matubig, at palaging basang-basa;
sa banayad na pag-ulan ay lumambot yaong lupa,
kaya naman pati tanim ay malago at sariwa.
11 Nag-aani nang marami sa tulong mong ginagawa,
at saanman magpunta ka'y masaganang-masagana.
12 Ang pastula'y punung-puno ng matabang mga kawan,
naghahari yaong galak sa lahat ng kaburulan.
13 Gumagala yaong tupa sa gitna ng kaparangan,
at hitik na hitik naman ang trigo sa kapatagan.
Ang lahat ay umaawit, sa galak ay sumisigaw!
Ang mga Balang na Babala sa Pagdating ng Araw ni Yahweh
2 Hipan ninyo ang trumpeta sa Zion
at ibigay ang hudyat sa banal na bundok ng Diyos.
Manginig kayong mga taga-Juda,
sapagkat malapit nang dumating ang araw ni Yahweh.
2 Ito'y makulimlim at malungkot na araw,
madilim ang buong kapaligiran;
at lilitaw ang napakakapal na balang
tulad ng paglaganap ng dilim sa kabundukan.
Hindi pa nangyayari ang ganito nang mga nakaraang panahon,
at hindi na mangyayari pang muli maging sa darating na panahon.
3 Nilalamon nilang tulad ng apoy ang mga halaman.
Parang halamanan ng Eden ang lupain bago sila dumating,
ngunit naging malungkot na ilang nang kanilang iwan;
wala silang itinira.
4 Parang(A) mga kabayo ang kanilang anyo,
waring mga kabayong pandigma kung sila'y tumakbo.
5 Kapag dumaraan sila sa ibabaw ng mga bundok,
ang ingay nila ay parang rumaragasang karwahe,
parang tuyong damo na sinusunog.
Nakahanay sila, tulad ng isang hukbo na handang makipagdigma.
6 Habang sila'y papalapit, nasisindak ang lahat;
namumutla sa takot ang bawat isa.
7 Sumasalakay sila, gaya ng mga mandirigma;
inaakyat nila ang mga pader gaya ng mga kawal.
Walang lingun-lingon silang sumusugod.
Walang lumilihis sa landas na tinatahak.
8 Lumulusot sila sa mga tanggulan
at walang makakapigil sa kanila.
9 Sinasalakay nila ang lunsod,
inaakyat ang mga pader;
pinapasok ang mga bahay,
lumulusot sila sa mga bintana, gaya ng mga magnanakaw.
10 Sa(B) pagdaan nila'y nayayanig ang lupa;
at umuuga ang langit.
Nagdidilim ang araw at ang buwan,
at pati mga bitui'y ayaw nang magliwanag.
11 Parang(C) kulog ang tinig ni Yahweh, kung mag-utos sa kanyang hukbo.
Ang mga pangkat na tumatalima sa kanya
ay marami at malalakas.
Nakakapangilabot ang araw ni Yahweh!
Sino ang makakatagal dito?
Mga Huling Tagubilin
10 Ngunit sinunod mo ang aking itinuro sa iyo, ang aking ugali at layunin sa buhay. Tinularan mo ang aking pananampalataya, pagtitiyaga, pag-ibig at katapatan. 11 Nasaksihan(A) mo ang mga pag-uusig at paghihirap na dinanas ko sa Antioquia, Iconio at Listra. Napagtiisan ko ang mga ito! At sa lahat ng ito ay iniligtas ako ng Panginoon. 12 Gayundin naman, ang lahat ng nagnanais mamuhay nang matuwid bilang tagasunod ni Cristo Jesus ay daranas ng mga pag-uusig, 13 samantalang ang masasama ay lalo namang magpapakasama, at ang manlilinlang ay patuloy na manlilinlang at sila man ay malilinlang din.
14 Ngunit ikaw, magpatuloy ka sa mga aral na natutunan mo at matibay mong pinaniwalaan, sapagkat kilala mo ang mga nagturo nito sa iyo. 15 Mula pa sa pagkabata alam mo na ang Banal na Kasulatan, na may kapangyarihang magbigay sa iyo ng karunungan tungo sa kaligtasan sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo Jesus.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.