Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 119:97-104

Ang Pag-ibig sa Kautusan ni Yahweh

(Mem)

97 O ang iyong mga utos ay tunay kong iniibig,
    araw-araw, sa maghapon ay siya kong iniisip.
98 Kasama ko sa tuwina'y yaong iyong kautusan,
    kaya ako'y dumurunong nang higit pa sa kaaway.
99 Sa lahat kong mga guro, ang unawa ko ay higit,
    pagkat ang aral mo't turo ang laman ng aking isip.
100 Ang taglay kong karununga'y higit pa sa matatanda,
    pagkat ang iyong mga utos ay hindi ko sinisira.
101 Di ko gustong matutuhan ang ugaling masasama,
    ang hangad ko na masunod ay ang iyong sinalita.
102 Hindi ako nagpabaya sa utos mo at tuntunin,
    pagkat ikaw ang guro ko na nagturo ng aralin.
103 O kay tamis na namnamin ang utos mong ibinigay,
    matamis pa kaysa pulot lasa nitong tinataglay.
104 Sa bigay mong mga utos, natamo ko'y karunungan,
    kaya ako'y namumuhi sa ugaling mahahalay.

Jeremias 31:15-26

Ang Pagkahabag ni Yahweh sa Israel

15 Sinabi(A) ni Yahweh:
“Narinig sa Rama ang isang tinig—
    panaghoy at mapait na pagtangis
tinatangisan ni Raquel ang kanyang mga anak.
    Ayaw niyang paaliw sapagkat patay na sila.”
16 Sinasabi ni Yahweh:
“Itigil na ninyo ang inyong pag-iyak,
    huwag na kayong lumuha;
sapagkat gagantimpalaan ang inyong mga ginawa,
    babalik sila mula sa lupain ng kaaway.
17 May pag-asa sa hinaharap, sabi ni Yahweh,
    magbabalik sa sariling bayan ang inyong mga anak.

18 “Narinig kong nananaghoy ang mga taga-Efraim:
‘Pinarusahan ninyo kami
    na parang mga guyang hindi pa natuturuan.
Ibalik ninyo kami nang kami'y gumaling,
    sapagkat kayo si Yahweh na aming Diyos.
19 Tumalikod kami sa inyo ngunit ngayo'y nagsisisi na;
    natuto kami matapos ninyong parusahan.
Napahiya kami't nalungkot dahil nagkasala kami
    sa panahon ng aming kabataan.’

20 “Si Efraim ang aking anak na minamahal,
    ang anak na aking kinalulugdan.
Kung gaano kadalas ko siyang pinaparusahan,
    gayon ko siya naaalaala.
Kaya hinahanap ko siya,
    at ako'y nahahabag sa kanya.”
Ito ang sabi ni Yahweh.

21 “Maglagay ka ng mga batong pananda sa iyong landas;
    hanapin mo ang daang iyong nilakaran.
Magbalik ka, Israel, sa mga lunsod na dati mong tinirhan.
22 Anak ko, hanggang kailan ka pa mag-aalinlangan?
Ako, si Yahweh, ay nagtatag ng isang bagong kaayusan:
    ang babae ang siyang magtatanggol sa lalaki.”

Ang Kasaganaang Mararanasan ng Israel

23 Ito ang sabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel: “Muling sasabihin ang mga salitang ito sa lupain ng Juda at sa kanyang mga lunsod, kapag ibinalik ko na sila sa kanilang tahanan:

‘Pagpapalain ni Yahweh
    ang bundok na banal ng Jerusalem, na kanyang tinatahanan.’

24 Ang mga nagsasaka at mga pastol ay muling magkakasamang maninirahan sa Juda. 25 Bibigyan ko ng inumin ang nauuhaw, at bubusugin ang nanlulupaypay dahil sa matinding gutom. 26 At masasabi ng sinumang tao: ‘Ako'y natulog at nagising na maginhawa.’”

Marcos 10:46-52

Pinagaling si Bartimeo(A)

46 Dumating sina Jesus sa Jerico. Nang papaalis na siya kasama ang kanyang mga alagad at marami pang iba, may nadaanan silang isang bulag na nakaupo sa tabi ng daan at namamalimos. Siya'y si Bartimeo na anak ni Timeo. 47 Nang marinig ng bulag na ang nagdaraan ay si Jesus na taga-Nazaret, sumigaw siya nang sumigaw, “Jesus, Anak ni David, mahabag po kayo sa akin!”

48 Pinagsabihan siya ng mga taong naroroon upang tumahimik, ngunit lalo pa siyang nagsisigaw, “Anak ni David, mahabag po kayo sa akin!”

49 Tumigil si Jesus at kanyang sinabi, “Dalhin ninyo siya rito.”

At tinawag nga nila ang bulag. “Lakasan mo ang iyong loob. Tumayo ka. Ipinapatawag ka ni Jesus,” sabi nila.

50 Inihagis niya ang kanyang balabal, paluksong tumayo at lumapit kay Jesus.

51 “Ano ang gusto mong gawin ko para sa iyo?” tanong sa kanya ni Jesus.

Sumagot ang bulag, “Guro, gusto ko pong makakitang muli.”

52 Sinabi ni Jesus, “Makakaalis ka na. Magaling ka na dahil sa iyong pananampalataya.”

Noon di'y nakakita siyang muli, at sumunod kay Jesus.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.