Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Jeremias 29:1

Ang Sulat ni Jeremias para sa mga Dinalang-bihag

29 Nagpadala(A) ng sulat si Propeta Jeremias mula sa Jerusalem para sa nalalabing matatandang bihag, mga pari at mga propeta, at lahat ng taong dinalang-bihag ni Nebucadnezar sa Babilonia.

Jeremias 29:4-7

“Ito ang sinasabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel, sa lahat ng mga taga-Jerusalem na dinalang-bihag sa Babilonia: Magtayo kayo ng mga bahay at diyan na kayo tumira; magtanim kayo at inyong kanin ang bunga niyon. Mag-asawa kayo upang magkaanak; bayaan ninyong mag-asawa ang inyong mga anak, nang sila'y magkaanak din. Magpakarami kayo, at huwag ninyong hayaang kayo'y umunti. Ngunit pagyamanin ninyo ang lunsod na pinagdalhan ko sa inyo. Idalangin ninyo sila kay Yahweh sapagkat kayo rin ang makikinabang kung sila'y umunlad.

Mga Awit 66:1-12

Awit ng Pagpupuri at Pasasalamat

Isang Awit na kinatha para sa Punong Mang-aawit.

66 Sumigaw sa galak ang mga nilalang!
At purihin ang Diyos na may kagalakan; wagas na papuri sa kanya'y ibigay!
    Awitan siya't luwalhatiin siya!
Ito ang sabihin sa Diyos na Dakila:
    “Ang mga gawa mo ay kahanga-hanga;
    yuyuko sa takot ang mga kaaway, dahilan sa taglay mong kapangyarihan.
Ang lahat sa lupa ika'y sinasamba,
    awit ng papuri yaong kinakanta;
    ang iyong pangala'y pinupuri nila.” (Selah)[a]

Ang ginawa ng Diyos, lapit at pagmasdan,
    ang kahanga-hangang ginawa sa tanan.
Naging(A) tuyong lupa kahit na karagatan,
    mga ninuno nati'y doon dumaan;
doo'y naramdaman labis na kagalakan.
Makapangyarihang hari kailanman,
    siya'y nagmamasid magpakailanman;
    kaya huwag magtatangkang sa kanya'y lumaban. (Selah)[b]

Ang lahat ng bansa'y magpuri sa Diyos,
    inyong iparinig papuring malugod.

Iningatan niya tayong pawang buháy,
    di tayo bumagsak, di niya binayaan!

10 O Diyos, sinubok mo ang iyong mga hirang,
    sinubok mo kami upang dumalisay;
    at tulad ng pilak, kami'y idinarang.
11 Iyong binayaang mahulog sa bitag,
    at pinagdala mo kami nang mabigat.
12 Sa mga kaaway ipinaubaya,
    sinubok mo kami sa apoy at baha,
    bago mo dinala sa dakong payapa.

2 Timoteo 2:8-15

Alalahanin mo si Jesu-Cristo, ang muling binuhay at nagmula sa angkan ni David, ayon sa Magandang Balitang ipinapangaral ko. Ito ang dahilan ng aking pagdurusa at pagkagapos na parang isang kriminal. Subalit hindi kailanman maigagapos ang salita ng Diyos. 10 Tinitiis ko ang lahat ng bagay alang-alang sa mga hinirang ng Diyos upang magkaroon sila ng kaligtasan at walang hanggang kaluwalhatian mula kay Cristo Jesus. 11 Totoo ang kasabihang ito:

“Kung tayo'y namatay na kasama ni Jesu-Cristo,
    mabubuhay din tayong kasama niya.
12 Kung(A) tayo'y nagtitiis ng hirap sa mundong ito,
    maghahari din tayong kapiling niya.
Kapag itinakwil natin siya,
    itatakwil rin niya tayo.
13 Kung tayo man ay hindi tapat,
    siya'y nananatiling tapat pa rin
    sapagkat hindi niya maaaring itakwil ang kanyang sarili.”

Tapat na Lingkod ni Cristo

14 Ipaalala mo sa kanila ang mga bagay na ito at pagbilinan mo sila, sa pangalan ng Diyos, na iwasan nila ang mga pagtatalo tungkol sa mga salita na walang kabuluhan at walang ibinubungang mabuti; sa halip, ito'y nagpapahamak lamang sa mga nakikinig. 15 Sikapin mong maging kalugud-lugod sa paningin ng Diyos, isang manggagawang walang dapat ikahiya at tama ang paggamit sa salita ng katotohanan.

Lucas 17:11-19

Pinagaling ang Sampung Ketongin

11 Sa paglalakbay ni Jesus papuntang Jerusalem, nagdaan siya sa hangganan ng Samaria at Galilea. 12 Habang papasok na siya sa isang nayon, sinalubong siya ng sampung ketongin. Tumigil ang mga ito sa may kalayuan 13 at sumigaw, “Jesus! Panginoon! Mahabag po kayo sa amin!”

14 Pagkakita(A) sa kanila ay sinabi ni Jesus, “Lumakad na kayo at magpatingin sa mga pari.”

Habang sila'y naglalakad, silang lahat ay gumaling at luminis. 15 Nang mapuna ng isa na siya'y magaling na, nagbalik siyang sumisigaw ng pagpupuri sa Diyos. 16 Nagpatirapa siya sa paanan ni Jesus at nagpasalamat. Ang taong ito'y isang Samaritano.

17 “Hindi ba't sampu ang pinagaling?”

tanong ni Jesus. “Nasaan ang siyam? 18 Wala bang nagbalik upang magpuri sa Diyos kundi ang dayuhang ito?” 19 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Tumayo ka na at umuwi. Pinagaling ka ng iyong pananampalataya.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.