Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 65

Pagpupuri at Pagpapasalamat

Awit ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.

65 Marapat na ikaw, O Diyos, sa Zion ay papurihan,
    dapat nilang tupdin doon ang pangakong binitiwan,
    pagkat yaong panalangin nila'y iyong dinirinig.
Dahilan sa kasalanan, lahat sa iyo ay lalapit.
    Bunga nitong pagkukulang, kaya kami nalulupig,
    gayon pa man, patawad mo'y amin pa ring nakakamit.
Silang mga hinirang mo, upang sa templo manahan,
    silang mga pinili mo'y mapalad na tuturingan!
Magagalak kaming lubos sa loob ng templong banal,
    dahilan sa dulot nitong pagpapala sa nilalang.

Kami'y iyong dinirinig, Tagapagligtas naming Diyos,
    sa kahanga-hangang gawa, kami'y iyong tinutubos.
Kahit sino sa daigdig, sa ibayong karagatan,
    may tiwala silang lahat sa taglay mong kabutihan.
Sa taglay mong kalakasan, mga bundok tumatatag;
    dakila ka't ang lakas mo ay sa gawa nahahayag!
Ang ugong ng karagatan, iyong pinatatahimik,
    pati along malalaki sa panahong nagngangalit;
    maging mga kaguluhan nilang mga nagagalit.
Dahilan sa ginawa mong mga bagay na dakila,
    natatakot ang daigdig, at ang buong sangnilikha.
Bunga nitong ginawa mo, sa galak ay sumisigaw,
    buong mundo, kahit saang sulok nitong daigdigan.

Umuulan sa lupain, ganito mo kinalinga,
    umuunlad ang lupai't tumataba yaong lupa.
Patuloy na umaagos ang bigay mong mga batis,
    sa halamang nasa lupa, ay ito ang dumidilig;
ganito ang ginawa mo na hindi mo ikinait.
10     Sa binungkal na bukirin ang ulan ay masagana,
    ang bukirin ay matubig, at palaging basang-basa;
sa banayad na pag-ulan ay lumambot yaong lupa,
    kaya naman pati tanim ay malago at sariwa.
11 Nag-aani nang marami sa tulong mong ginagawa,
    at saanman magpunta ka'y masaganang-masagana.
12 Ang pastula'y punung-puno ng matabang mga kawan,
    naghahari yaong galak sa lahat ng kaburulan.
13 Gumagala yaong tupa sa gitna ng kaparangan,
    at hitik na hitik naman ang trigo sa kapatagan.
Ang lahat ay umaawit, sa galak ay sumisigaw!

Joel 1

Pagdadalamhati Dahil sa Pagkasira ng Pananim

Ang aklat na ito ay naglalaman ng mensahe ni Yahweh sa pamamagitan ni Joel na anak ni Petuel.

Makinig kayo, matatandang pinuno,
    pakinggan ninyo ito, lahat ng nasa Juda.
May nangyari na bang ganito sa inyong panahon,
    o sa panahon ng inyong mga ninuno?
Isalaysay ninyo ito sa inyong mga anak,
    upang maisalaysay naman nila ito sa magiging mga anak nila,
    at sila ang magsasabi nito sa kasunod nilang salinlahi.

Pinagsawaan ng laksa-laksang balang ang mga pananim;
    kinain ng sumunod ang natira ng una.
Gumising kayo at tumangis, mga maglalasing!
    Umiyak kayo, mga manginginom!
    Sapagkat wala nang ubas na magagawang alak.

Sinalakay(A) ng makapal na balang ang ating lupain.
    Sila'y mapangwasak at di mabilang;
    parang ngipin ng leon ang kanilang mga ngipin.
Sinira nila ang ating mga ubasan
    at sinalanta ang mga puno ng igos.
Sinaid nila ang balat ng mga puno,
    kaya't namuti pati mga sanga.

Tumangis ka, bayan, gaya ng isang dalagang nagluluksa
    dahil sa pagkamatay ng binatang mapapangasawa niya.
Walang butil o alak na maihahandog sa Templo ni Yahweh;
    kaya't nagdadalamhati pati mga pari dahil wala silang maihandog kay Yahweh.
10 Walang maani sa mga bukirin,
nagdadalamhati ang lupa;
    sapagkat nasalanta ang mga trigo,
    natuyo ang mga ubas,
    at nalanta ang mga punong olibo.

11 Malungkot kayo, mga magsasaka!
Umiyak kayong nag-aalaga ng mga ubasan, trigo at sebada,
    sapagkat lahat ng pananim ay pawang nasalanta.
12 Natuyo ang mga ubasan, nalanta ang mga puno ng igos;
    ang mga punong granada, palma at mansanas—lahat ng punongkahoy ay natuyo;
at nawala ang kagalakan ng mga tao.
13 Magluksa kayo at tumangis,
    mga paring naghahandog sa altar.
Pumasok kayo sa Templo at magdamag na magluksa.
Walang trigo o alak na naihahandog sa inyong Diyos.
14 Iutos ninyo na mag-ayuno ang lahat.
    Tipunin ninyo ang mga tao.
Tipunin ninyo ang matatandang pinuno
    at ang lahat ng taga-Juda,
    sa Templo ni Yahweh na inyong Diyos
    at dumaing sa kanya.
15 Malapit(B) na ang araw ni Yahweh,
    ang araw ng pangwawasak ng Makapangyarihang Diyos.
16 Di ba't kitang-kita natin ang pagkasira ng mga pananim,
    at ang pagkapawi ng kagalakan at kasiyahan sa templo ng ating Diyos?
17 Hindi sumisibol ang mga binhi sa tigang na lupa.
Walang laman ang mga kamalig,
    at wasak ang mga imbakan, sapagkat ang mga trigo ay hindi sumibol.
18 Umungal ang mga baka
    sapagkat walang mapagpastulan sa kanila.
    Gayundin naman, ang mga kawan ng tupa ay wala na ring makain.
19 O Yahweh, dumaraing ako sa iyo,
    sapagkat natuyo ang mga pastulan,
    at ang mga punongkahoy ay parang sinunog ng apoy.
20 Maging ang mga hayop sa gubat ay dumaraing sa iyo
    sapagkat natuyo rin ang mga batis,
    at ang pastulan ay parang tinupok ng apoy.

2 Timoteo 3:1-9

Ang mga Huling Araw

Dapat mong malaman na sa mga huling araw ay darating ang mga panahon ng kaguluhan. Sapagkat ang mga tao'y magiging maibigin sa sarili, maibigin sa salapi, palalo, mapagmataas, mapagsamantala, suwail sa magulang, walang utang na loob at lapastangan sa Diyos. Sila'y magiging walang pagmamahal sa kapwa, walang habag, mapanirang-puri, walang pagpipigil sa sarili, marahas, at walang pagpapahalaga sa mabuti. Sila'y magiging mga taksil, padalus-dalos, mayayabang, maibigin sa kalayawan sa halip na maibigin sa Diyos. Sila'y may anyo ng pagiging maka-Diyos, ngunit hindi naman nakikita ang kapangyarihan nito sa kanilang pamumuhay. Iwasan mo ang ganyang uri ng mga tao. May ilan sa kanila na gagamit ng panlilinlang upang makapasok sa mga bahay ng mga babaing madaling malinlang. Ang mga babaing ito'y inuusig ng bigat ng kanilang mga pagkakasala at itinutulak sa sari-saring pagnanasa. Lahat na'y gustong matutunan ng mga babaing ito ngunit kailanma'y hindi nila nauunawaan ang katotohanan. At(A) tulad nina Janes at Jambres na sumalungat kay Moises, sila ay sumasalungat din sa katotohanan. Wala silang iniisip na kabutihan at hindi tunay ang kanilang pananampalataya. Ngunit hindi magpapatuloy ang kanilang kasamaan, sapagkat makikita ng lahat ang kanilang kahangalan, gaya ng nangyari kina Janes at Jambres.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.