Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Katarungan ng Kautusan ni Yahweh
(Tsade)
137 Matuwid ka, O Yahweh, matapat ka nga at banal,
matapat ang tuntunin mo sa bigay mong kautusan.
138 Yaong mga tuntunin mong iniukol mo sa amin,
sa lahat ay naaangkop, at matapat ang layunin.
139 Nag-aapoy ang galit ko, sa puso ko'y nag-aalab,
pagkat yaong kaaway ko sa utos mo'y yumuyurak.
140 Ang pangako mo sa amin ay subok na't walang mintis,
kaya naman ang lingkod mo'y labis itong iniibig.
141 Kung ako ma'y walang saysay at kanilang itinakwil,
gayon pa man, ang utos mo'y hindi pa rin lilimutin.
142 Ang taglay mong katapatan, kailanma'y di kukupas,
katuruan mo'y totoo at ito ay walang wakas.
143 Ang buhay ko'y nalilipos ng hirap at suliranin,
ngunit ang iyong kautusan ang sa aki'y umaaliw.
144 Ang lahat ng tuntunin mo'y matuwid at walang hanggan,
bigyan ako ng unawa at ako ay mabubuhay.
Ang Kapahamakan ng mga Makasalanan
5 Ang kayamanan[a] ay mandaraya.
Ang ganid sa salapi ay hindi makukuntento.
Ang kanyang katakawan ay kasinlawak ng libingan,
tulad ng kamatayan na walang kasiyahan.
Kaya sinasakop niya ang mga bansa,
upang maging kanya ang mga mamamayan.
6 Darating ang araw na hahamakin ng mga nasakop ang mga sumakop sa kanila.
Sasabihin nila, “Kinuha ninyo ang hindi sa inyo, kaya't kayo'y mapapahamak!
Hanggang kailan pa kayo magpapayaman, habang pinipilit na magbayad ang mga may utang sa inyo?”
7 Biglang darating ang panahon na kayo naman ang mangungutang,
at pipiliting magbayad ng interes.
Darating ang inyong kaaway at sisindakin kayo.
Pagnanakawan nila kayo!
8 Sinalanta ninyo ang maraming bansa,
iyan din ang gagawin sa inyo ng mga nakaligtas.
Uusigin kayo dahil sa dugong inyong pinadanak,
dahil sa inyong karahasan sa mga tao,
sa daigdig at sa mga lunsod nito.
9 Mapapahamak kayong mga nagpayaman ng inyong pamilya sa pamamagitan ng inyong mga ninakaw.
Ngayo'y nagsisikap kayong ilayo sa kapahamakan at panganib ang inyong sambahayan.
10 Ang inyong mga pagbabalak ang nagbigay ng kahihiyan sa inyong sambahayan.
Winasak ninyo ang maraming bansa,
kaya kayo naman ngayon ang wawasakin.
11 Sisigaw laban sa inyo ang mga bato ng pader,
at aalingawngaw sa buong kabahayan.
Ang Diyablo ang Inyong Ama
39 Sumagot sila, “Si Abraham ang aming ama.”
Sinabi sa kanila ni Jesus, “Kung kayo'y tunay na mga anak ni Abraham, gagawin sana ninyo ang kanyang ginawa. 40 Sinasabi ko lang ang katotohanang narinig ko mula sa Diyos ngunit pinagsisikapan ninyong ako'y patayin. Hindi ganoon ang ginawa ni Abraham. 41 Ang ginagawa ninyo'y tulad ng ginawa ng inyong ama.”
Sumagot sila, “Hindi kami mga anak sa labas. Iisa ang aming Ama, ang Diyos.”
42 Sinabi ni Jesus, “Kung talagang ang Diyos ang inyong Ama, inibig sana ninyo ako, sapagkat sa Diyos ako nanggaling. Hindi ako naparito sa sarili kong kagustuhan, kundi isinugo niya ako. 43 Bakit di ninyo maunawaan ang sinasabi ko? Hindi ba't ito'y dahil sa ayaw ninyong tanggapin ang itinuturo ko? 44 Ang(A) diyablo ang inyong ama! At ang gusto ninyong gawin ay kung ano ang gusto niya. Sa simula pa lang ay mamamatay-tao na siya. Hindi siya pumanig sa katotohanan kailanman, sapagkat walang puwang sa kanya ang katotohanan. Kapag nagsasalita siya ng kasinungalingan, nagsasalita siya ayon sa kanyang kalikasan sapagkat siya'y sinungaling, at siya ang ama ng kasinungalingan. 45 Ayaw ninyong maniwala sa akin sapagkat katotohanan ang sinasabi ko sa inyo. 46 Sino sa inyo ang maaaring magpatunay na ako'y nagkasala? At kung katotohanan ang sinasabi ko, bakit ayaw ninyong maniwala sa akin? 47 Ang mula sa Diyos ay nakikinig sa mga salita ng Diyos, subalit ayaw ninyong makinig sa akin sapagkat kayo'y hindi mula sa Diyos.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.