Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Panaghoy ng mga Israelitang Dinalang-bihag
137 Sa pampang ng mga ilog nitong bansang Babilonia,
kami'y nakaupong tumatangis, sa tuwing Zion, aming naaalala.
2 Sa sanga ng mga kahoy, sa tabi ng ilog nila,
isinabit namin doon, yaong dala naming lira.
3 Sa amin ay iniutos ng sa amin ay lumupig,
na aliwin namin sila, ng matamis naming tinig,
tungkol sa Zion, yaong paksa, niyong nais nilang awit.
4 Ang awit para kay Yahweh, pa'no namin aawitin,
samantalang kami'y bihag sa lupaing hindi amin?
5 Ayaw ko nang ang lira ko'y hawakan pa at tugtugin,
kung ang bunga sa pagtugtog, limutin ang Jerusalem;
6 di na ako aawit pa, kung ang aking sasapitin
sa isip ko't alaala, ika'y ganap na limutin,
kung ang kaligayahan ko ay sa iba ko hahanapin.
7 Yahweh, sana'y gunitain, ginawa ng Edomita,
nang ang bayang Jerusalem ay malupig at makuha;
sumisigaw silang lahat na ang wikang binabadya:
“Iguho na nang lubusan, sa lupa ay ibagsak na!”
8 Tandaan(A) mo, Babilonia, ika'y tiyak wawasakin,
dahilan sa ubod sama ang ginawa mo sa amin;
yaong taong magwawasak, mapalad na ituturing
9 kung ang inyong mga sanggol kunin niya at durugin!
Dalanging Paghingi ng Awa
5 Gunitain mo, Yahweh, ang nangyari sa amin;
masdan mo ang sinapit naming kahihiyan!
2 Ang aming mana ay ibinigay sa mga dayuhan,
at ang aming mga tahanan nama'y ipinagkaloob sa mga taga-ibang bayan.
3 Ang aming mga ama'y pinatay ng mga kaaway;
kaya't aming mga ina, wala nang kaagapay.
4 Kailangang bayaran namin ang tubig na iinumin,
pati ang panggatong ay binibili na rin.
5 Pinagtrabaho kaming parang mga hayop,
hindi man lamang pinagpapahinga.
6 Para lang magkaroon ng sapat na pagkain,
nakipagkasundo kami sa Egipto at Asiria.
7 Nagkasala nga ang aming mga ninuno,
at dahil sa kanila kami ay nagdurusa.
8 Mga alipin ang namamahala sa amin;
walang makapagligtas sa amin mula sa kanilang mga kamay.
9 Sa paghahanap ng pagkain, nanganganib ang aming buhay,
sapagkat naglipana ang aming mga kaaway.
10 Dahil sa matinding gutom, nag-aapoy ang aming katawan,
para kaming nakalagay sa mainit na pugon.
11 Ang aming mga asawa ay ginahasa sa Zion,
ang mga dalaga nama'y pinagsasamantalahan sa mga bayan ng Juda.
12 Ginagapos at ibinibitin ang mga pinuno;
at ang matatanda ay hindi na nirespeto.
13 Ang mga kabataang lalaki'y pinagtatrabahong parang alipin;
nakukuba sa bigat ng pasan nilang kahoy ang mga batang lalaki.
14 Ayaw nang magpulong ang matatanda ng bayan,
ayaw nang tumugtog ng mga kabataan.
15 Naparam ang kagalakan sa aming puso;
ang aming pagsasaya ay naging pagluluksa.
16 Walang natira sa aming ipinagmamalaki;
“tayo'y nagkasala kaya tayo'y nagdurusa!”
17 Nanlupaypay kami,
at nagdilim ang aming paningin,
18 pagkat iniwan ng tao ang Bundok ng Zion,
mga asong-gubat na lang ang naninirahan doon.
19 Ngunit ikaw, O Yahweh, ang hari magpakailanman,
ang iyong luklukan ay walang katapusan.
20 Kay tagal mo kaming pinabayaan.
Kailan mo kami aalalahaning muli?
21 Ibalik mo kami, O Yahweh,
sa dati naming kaugnayan sa iyo!
22 Talaga bang itinakwil mo na kami?
Sukdulan na bang talaga ang galit mo sa amin?
Sinumpa ang Puno ng Igos(A)
12 Kinabukasan, nang pabalik na sila mula sa Bethania, si Jesus ay nakaramdam ng gutom. 13 Nakita niya sa di-kalayuan ang isang malagong puno ng igos. Nilapitan niya ito upang tingnan kung may bunga. Dahil hindi pa panahon ng igos noon, wala siyang nakita kundi mga dahon lamang. 14 Kaya't sinabi niya sa puno ng igos, “Wala nang makakakain pa ng iyong bunga.” Ang sinabi niyang iyon ay narinig ng kanyang mga alagad.
Ang Aral Mula sa Puno ng Igos(A)
20 Kinaumagahan, pagdaan nila'y nakita nilang natuyo ang puno ng igos hanggang sa mga ugat nito. 21 Naalala ni Pedro ang nangyari dito kaya't kanyang sinabi kay Jesus, “Guro, tingnan ninyo! Patay na ang puno ng igos na isinumpa ninyo.”
22 Sumagot si Jesus, “Manalig kayo sa Diyos. 23 Tandaan(B) ninyo ito: kung kayo'y nananampalataya sa Diyos at hindi kayo nag-aalinlangan, maaari ninyong sabihin sa bundok na ito, ‘Umalis ka riyan at tumalon ka sa dagat,’ at ito nga ay mangyayari. 24 Kaya't sinasabi ko sa inyo, anuman ang hingin ninyo sa inyong panalangin, maniwala kayong natanggap na ninyo iyon, at matatanggap nga ninyo iyon.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.