Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 119:97-104

Ang Pag-ibig sa Kautusan ni Yahweh

(Mem)

97 O ang iyong mga utos ay tunay kong iniibig,
    araw-araw, sa maghapon ay siya kong iniisip.
98 Kasama ko sa tuwina'y yaong iyong kautusan,
    kaya ako'y dumurunong nang higit pa sa kaaway.
99 Sa lahat kong mga guro, ang unawa ko ay higit,
    pagkat ang aral mo't turo ang laman ng aking isip.
100 Ang taglay kong karununga'y higit pa sa matatanda,
    pagkat ang iyong mga utos ay hindi ko sinisira.
101 Di ko gustong matutuhan ang ugaling masasama,
    ang hangad ko na masunod ay ang iyong sinalita.
102 Hindi ako nagpabaya sa utos mo at tuntunin,
    pagkat ikaw ang guro ko na nagturo ng aralin.
103 O kay tamis na namnamin ang utos mong ibinigay,
    matamis pa kaysa pulot lasa nitong tinataglay.
104 Sa bigay mong mga utos, natamo ko'y karunungan,
    kaya ako'y namumuhi sa ugaling mahahalay.

Jeremias 26:16-24

16 Nang makapagsalita si Jeremias, sinabi ng mga pinuno at lahat ng tao sa mga pari at mga propeta, “Hindi dapat hatulan ng kamatayan ang taong ito sapagkat ipinahayag niya sa atin ang ipinapasabi ni Yahweh.” 17 Tumayo ang ilang matatanda sa lupain at sinabi sa mga taong naroon, 18 “Si(A) Mikas na taga-Moreset ay nagpahayag noong panahon ni Haring Hezekias ng Juda; sinabi niya sa lahat ng naninirahan sa Juda ang pahayag na ito ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat:

‘Ang Zion ay bubungkaling tulad ng isang bukirin,
    magiging isang bunton ng gumuhong bato ang Jerusalem,
    at ang burol na kinatatayuan ng Templo'y magiging gubat.’

19 Pinatay ba ni Haring Hezekias at ng lahat ng taga-Juda si Mikas? Hindi! Sa halip, natakot ang hari at nagmakaawa kay Yahweh. Nagbago naman ang isip ni Yahweh at hindi na itinuloy ang parusang ipapataw sa kanila. Ngunit tayo mismo ang naghahatid ng malaking kapahamakan sa ating sarili.”

20 May isa pang lalaking nagpahayag sa pangalan ni Yahweh; siya si Urias, anak ni Semaya na taga-Lunsod ng Jearim. Nagpahayag siya laban sa lunsod na ito at sa lupaing ito, kagaya rin ng sinabi ni Jeremias. 21 Nang ito'y marinig ni Haring Jehoiakim at ng kanyang mga kawal at mga pinuno, binalak ng haring ipapatay siya. Ngunit nang malaman ni Urias ang gagawin sa kanya, tumakas siya patungong Egipto dahil sa malaking takot. 22 Kaya sinugo ni Haring Jehoiakim sa Egipto si Elnatan na anak ni Acbor at ilan pang kasama nito. 23 Kinuha nila sa Egipto si Urias, dinala sa harapan ni Haring Jehoiakim at pinatay sa pamamagitan ng tabak saka inihagis ang kanyang bangkay sa libingan ng mga karaniwang tao.

24 Subalit si Jeremias ay binantayan ni Ahikam, anak ni Safan, kaya hindi siya napatay ng mga tao.

2 Timoteo 2:14-26

Tapat na Lingkod ni Cristo

14 Ipaalala mo sa kanila ang mga bagay na ito at pagbilinan mo sila, sa pangalan ng Diyos, na iwasan nila ang mga pagtatalo tungkol sa mga salita na walang kabuluhan at walang ibinubungang mabuti; sa halip, ito'y nagpapahamak lamang sa mga nakikinig. 15 Sikapin mong maging kalugud-lugod sa paningin ng Diyos, isang manggagawang walang dapat ikahiya at tama ang paggamit sa salita ng katotohanan. 16 Iwasan mo ang mga usapang walang paggalang sa Diyos, sapagkat ang mga iyan ang lalong naglalayo ng mga tao sa Diyos. 17 Ang mga salita nila ay parang ganggrena na kumakalat sa katawan. Kabilang sa mga nagturo ng ganito ay sina Himeneo at Fileto. 18 Lumihis sila sa katotohanan at ginugulo nila ang pananampalataya ng iba sa pamamagitan ng pagtuturo na ang muling pagkabuhay ay naganap na. 19 Ngunit(A) matibay ang pundasyong itinatag ng Diyos, at doo'y nakatatak: “Kilala ng Panginoon kung sinu-sino ang tunay na kanya,” at, “Ang bawat nagsasabing siya'y sa Panginoon ay dapat lumayo sa kasamaan.”

20 Sa isang malaking bahay ay may iba't ibang uri ng kasangkapan; may yari sa ginto o pilak, at mayroon namang yari sa kahoy o putik. May ginagamit para sa mga tanging okasyon at mayroon namang pang-araw-araw. 21 Ang sinumang lumalayo sa kasamaan ay katulad ng sisidlang natatangi, malinis at karapat-dapat gamitin ng may-ari para sa lahat ng mabubuting gawain. 22 Kaya nga, iwasan mo ang masasamang hilig ng kabataan, sa halip ay pagsikapan mong maging matuwid, tapat, mapagmahal at mapayapa, kasama ng mga taong may pusong malinis na tumatawag sa Panginoon. 23 Iwasan mo ang mga hangal at walang kabuluhang pakikipagtalo sapagkat alam mo namang nauuwi lamang iyan sa mga pag-aaway. 24 Ang lingkod ng Panginoon ay hindi dapat makipag-away, sa halip ay dapat siyang maging mabait sa lahat, mahusay magturo at matiyaga. 25 Mahinahon niyang itinutuwid ang mga sumasalungat sa kanya, baka sakaling sila'y bigyan ng Diyos ng pagkakataong magsisi't tumalikod sa kanilang mga kasalanan at malaman nila ang katotohanan. 26 Sa gayon, maliliwanagan ang kanilang isip at makakawala sila sa bitag ng diyablo na bumihag sa kanila upang kanilang sundin ang kagustuhan niya.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.