Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Panalangin Upang Tulungan ng Diyos
Isang(A) Maskil[a] ni David, nang siya'y nasa kuweba. Ito'y isa ring panalangin.
142 O Yahweh, ako ay humingi ng tulong,
ako'y maghihintay sa iyong pagtugon;
2 ang aking dinala'y lahat kong hinaing,
at ang sinabi ko'y pawang suliranin.
3 Nang ako ay halos wala nang pag-asa,
ang dapat kong gawi'y nalalaman niya.
Sa landas na aking pinagdaraanan,
may handang patibong ang aking kaaway.
4 Sa aking paligid, nang ako'y lumingon,
wala ni isa man akong makatulong;
wala kahit isa na magsasanggalang,
ni magmalasakit na kahit sinuman.
5 Ako ay humibik, kay Yahweh dumaing,
sa Tagapagligtas, ako'y dumalangin;
tunay na ikaw lang mahalaga sa akin.
6 Dinggin ang hibik ko, ako ay tulungan,
pagkat halos ako'y di makagulapay;
iligtas mo ako sa mga kaaway,
na mas malalakas ang mga katawan.
7 Sa suliranin ko, ako ay hanguin,
at ang pangalan mo'y aking pupurihin, sa gitna ng madlang mga lingkod mo rin
sa kabutihan mong ginawa sa akin!
12 Mapapahamak kayo! Nagtatag kayo ng lunsod sa pamamagitan ng kasamaan;
itinayo ninyo ang bayan sa pamamagitan ng pagpatay.
13 Ang(A) mga sinakop ninyong bansa ay nagpakahirap sa walang kabuluhan,
at lahat ng itinayo nila ay natupok sa apoy.
Si Yahweh na Makapangyarihan sa lahat ang gumawa nito.
14 Subalit(B) ang buong mundo ay mapupuno
ng mga taong kumikilala at dumadakila kay Yahweh,
kung paanong ang karagatan ay napupuno ng tubig.
15 Mapapahamak kayo! Pinainom ninyo ang inyong mga kalapit bansa,
ng alak na tanda ng inyong pagkapoot.
Nilasing ninyo sila at hiniya,
nang inyong titigan ang kanilang kahubaran.
16 Malalagay rin kayo sa kahihiyan at hindi sa karangalan.
Iinom din kayo at malalasing.
Ipapainom sa inyo ni Yahweh ang inyong kaparusahan,
at ang inyong karangalan ay magiging kahihiyan.
17 Hinubaran ninyo ang kagubatan ng Lebanon;
ngayon, kayo naman ang huhubaran.
Pinatay ninyo ang mga hayop doon;
ngayo'y kayo naman ang sisindakin nila.
Uusigin kayo dahil sa dugong inyong pinadanak,
dahil sa inyong karahasan sa mga tao,
sa daigdig at sa mga lunsod nito.
18 Ano ang kabuluhan ng diyus-diyosan?
Tao lamang ang gumawa nito,
at pawang kasinungalingan ang sinasabi nito.
Ano ang ginagawa nitong mabuti upang pagkatiwalaan ng gumawa?
Ito ay isang diyos na hindi man lang makapagsalita.
19 Mapapahamak kayo! Ginigising ninyo ang isang pirasong kahoy!
Pinababangon ninyo ang isang bato!
May maipapahayag ba sa inyo ang isang diyus-diyosan?
Maaaring ito'y nababalot sa pilak at ginto,
ngunit wala naman itong buhay.
20 Si Yahweh ay nasa kanyang banal na templo,
tumahimik ang lahat sa harapan niya.
Manahimik ang buong sanlibutan sa kanyang presensya.
9 Sinabi ko sa aking sulat na huwag kayong makikisama sa mga nakikiapid. 10 Hindi ang mga di-mananampalatayang nakikiapid, sakim, magnanakaw, o sumasamba sa diyus-diyosan ang tinutukoy ko, sapagkat kinakailangan ninyong umalis sa mundong ito para sila'y maiwasan. 11 Ang tinutukoy ko na huwag ninyong papakisamahan ay ang nagsasabing sila'y Cristiano ngunit nakikiapid, sakim, sumasamba sa diyus-diyosan, nanlalait, naglalasing, at nagnanakaw. Ni huwag kayong makikisalo sa ganyang uri ng tao.
12-13 Wala akong karapatang humatol sa mga hindi Cristiano; ang Diyos ang hahatol sa kanila. Ngunit hindi ba't dapat ninyong hatulan ang mga nasa loob ng iglesya? Sabi nga sa kasulatan, “Itiwalag ninyo ang masamang tao.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.