Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
19 Simpait ng apdo ang alalahanin sa aking paghihirap at kabiguan.
20 Lagi ko itong naaalaala, at ako'y labis na napipighati.
21 Gayunma'y nanunumbalik ang aking pag-asa kapag naalala kong:
22 Pag-ibig mo, Yahweh, ay hindi nagmamaliw; kahabagan mo'y walang kapantay.
23 Ito ay laging sariwa bawat umaga; katapatan mo'y napakadakila.
24 Si Yahweh ay akin, sa kanya ako magtitiwala.
25 Si Yahweh ay mabuti sa mga nananalig at umaasa sa kanya,
26 kaya't pinakamainam ang buong tiyagang umasa sa ating kaligtasang si Yahweh ang may dala.
Giniba ang Templo(A)
12 Noong ikasampung araw ng ikalimang buwan, ng ikalabing siyam na taon ng paghahari ni Nebucadnezar sa Babilonia, si Nebuzaradan, kapitan ng mga bantay ng hari, ay nagpunta sa Jerusalem. 13 Sinunog(B) niya ang Templo ni Yahweh, ang palasyo ng hari, at lahat ng mga bahay doon, pati ang mga tahanan ng mga kilalang tao. 14 Ang pader sa palibot ng Jerusalem ay iginuho ng mga sundalo ng Babilonia sa pangunguna ng kapitan ng mga bantay. 15 Binihag ni Nebuzaradan ang mga taong nalabi sa lunsod, ang mga tumakas patungo sa hari ng Babilonia at ang mga nalabi sa mga manggagawa. 16 Subalit iniwan niya ang ilan sa pinakamahihirap sa lupain upang magtrabaho sa mga ubasan at bukirin.
17 Sinira(C) nilang lahat ang mga haliging tanso sa Templo ni Yahweh, pati ang tuntungan at ang malaking lalagyan ng tubig na tinatawag na dagat-dagatang tanso, at dinala nila sa Babilonia ang mga tinunaw na tanso. 18 Kinuha rin nila ang mga palayok, pala, gunting, mangkok, kutsara at lahat ng sisidlang tanso na gamit sa paglilingkod sa Templo. 19 Kinuha rin ng kapitan ng mga bantay ang mga kopa, apuyan, mangkok, palayok, kandelero, kutsara at tasang yari sa ginto at pilak. 20 Hindi na makayang timbangin ang tanso ng dalawang haligi, ng dagat-dagatang nasa ilalim ng tuntungan, at ng labindalawang hugis-bakang tuntungan. Ang mga ito'y ipinagawa ni Haring Solomon para sa bahay ni Yahweh. 21 Ang isa sa mga haligi'y walong metro ang taas at lima't kalahating metro ang bilog. Walang laman ang loob nito ngunit apat na daliri ang kapal ng tanso niyon. 22 Ito'y may kapitel na tanso rin, dalawa't kalahating metro ang taas. May palamuti itong parang lambat at mga prutas na granada sa palibot. Ang lahat ng ito'y yari sa tanso. Ang isa pang haligi, na may mga palamuti ring granada ay kahawig ng unang haligi. 23 May siyamnapu't anim na lahat ang palamuting granada na nakikita, ngunit isandaang lahat ang nagawa na makikita sa buong palibot.
Binihag ang mga Taga-Juda at Dinala sa Babilonia(D)
24 Kinuha ng kapitan ng mga bantay ang punong paring si Seraias, at si Zepanaias, ang pangalawang pari, pati ang tatlong pinuno sa Templo. 25 Kumuha rin siya sa lunsod ng isang pinuno na mamamahala sa mga mandirigma, pitong lalaki sa konseho ng hari na naroon pa sa lunsod, isang kalihim ng kapitan at siyang nagsasanay sa mga tao para sa pakikidigma, at may animnapung lalaking naroroon pa rin. 26 Sila'y dinala ni Nebuzaradan sa harapan ng hari ng Babilonia sa Ribla, na nasa lupain ng Hamat, 27 sila'y ipinahampas ng hari ng Babilonia saka ipinapatay. Gayon naging bihag at inalis sa sariling lupain ang taga-Juda.
28-30 Ito ang bilang ng mga taga-Juda na dinalang-bihag sa Babilonia ni Nebucadnezar:
Noong ika-7 taon ng kanyang paghahari 3,023
Noong ika-18 taon ng kanyang paghahari 832 mula sa Jerusalem
Noong ika-23 taon ng kanyang paghahari 745 na dinalang-bihag ni Nebuzaradan
Lahat-lahat ay 4,600 katao.
Ang Mensahe para sa Iglesya sa Pergamo
12 “Isulat mo sa anghel ng iglesya sa Pergamo:
“Ito ang sinasabi ng may hawak ng matalas na tabak na sa magkabila'y may talim. 13 Alam ko kung saan ka nakatira, sa kinaroroonan ng trono ni Satanas. Gayunma'y nananatili kang tapat sa akin. Hindi mo tinalikuran ang iyong pananampalataya sa akin kahit noong si Antipas na tapat kong lingkod ay patayin diyan sa kalagitnaan ninyo sa lugar na tinitirhan ni Satanas. 14 Subalit(A) may ilang bagay na ayaw ko sa iyo: may ilan sa inyo na sumusunod sa katuruan ni Balaam na nagturo kay Balac upang mahikayat ang mga Israelita na magkasala. Kaya't kumain sila ng mga pagkaing inihandog sa mga diyus-diyosan at nakiapid. 15 May ilan din sa inyong sumusunod sa katuruan ng mga Nicolaita. 16 Kaya magsisi na kayo't talikuran ang inyong mga kasalanan! Kung hindi, pupunta ako diyan sa lalong madaling panahon at pupuksain ko ang mga taong iyon sa pamamagitan ng tabak na lumalabas sa aking bibig.
17 “Ang(B) lahat ng may pandinig ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesya!
“Ang magtatagumpay ay bibigyan ko ng nakatagong pagkain[a]. Bibigyan ko rin siya ng batong puti na kinasusulatan ng isang bagong pangalan, na walang sinumang nakakaalam maliban sa tatanggap niyon.”
Ang Mensahe para sa Iglesya sa Tiatira
18 “Isulat mo sa anghel ng iglesya sa Tiatira:
“Ito ang sinasabi ng Anak ng Diyos na may mga matang parang apoy na nagliliyab at mga paang kumikinang na parang tansong pinakintab. 19 Alam ko ang mga ginagawa mo: ang iyong pag-ibig, katapatan, paglilingkod at pagtitiyaga. Nalalaman kong ang mga ginagawa mo ngayon ay higit kaysa noong una. 20 Ngunit(C) ito ang ayaw ko sa iyo: pinapayagan mo si Jezebel, ang babaing nagpapanggap na propeta, na turuan at linlangin ang aking mga lingkod upang makiapid at kumain ng pagkaing inihandog sa mga diyus-diyosan. 21 Binigyan ko siya ng sapat na panahon upang pagsisihan at talikuran ang kanyang pakikiapid, ngunit ayaw niya. 22 Kaya nga bibigyan ko siya ng malubhang sakit, pati ang mga kasama niya sa pangangalunya. Daranas sila ng matinding kapighatian kung hindi nila pagsisisihan at tatalikuran ang kahalayang ginawa nila sa piling ng babaing iyan. 23 Papatayin(D) ko ang kanyang mga anak upang malaman ng mga iglesya na sinisiyasat ko ang puso't isip ng mga tao at gagantihan ko ang bawat isa sa inyo ayon sa inyong mga gawa.
24 “Ngunit para sa ibang mga taga-Tiatira, na hindi sumusunod sa katuruan ni Jezebel at hindi natuto ng tinatawag na ‘malalalim na lihim ni Satanas,’ ito ang sinasabi ko sa inyo: hindi ko kayo bibigyan ng ibang pasanin, 25 ngunit panghawakan ninyo kung anong mayroon kayo hanggang ako'y dumating. 26 Sa(E) magtatagumpay at tutupad ng ipinapagawa ko hanggang wakas, ibibigay ko sa kanya ang pamamahala sa mga bansa. 27 Mamamahala siya sa pamamagitan ng tungkod na bakal at dudurugin niya ang mga bansa na parang mga palayok. 28 Ibinibigay ko ito kung paanong ibinigay ito sa akin ng Ama. Ibibigay ko rin sa mga magtatagumpay ang bituin sa umaga.
29 “Ang lahat ng may pandinig ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesya!”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.