Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
11 Sa panahong iyon ay sasabihin sa mga taga-Jerusalem: “Umiihip mula sa disyerto ang nakakapasong hangin patungo sa kaawa-awa kong bayan. Hindi upang linisin silang tulad ng trigo kung pinahahanginan. 12 Mas malakas ang hanging aking padala upang hampasin ang bayan ko. Ako, si Yahweh, ang nagpaparusa ngayon sa kanila.”
22 At sinabi ni Yahweh, “Napakahangal ng aking bayan;
hindi nila ako nakikilala.
Tulad nila'y mga batang wala pang pang-unawa.
Sanay sila sa paggawa ng masama
ngunit bigo sa paggawa ng mabuti.”
Ang Pangitain ni Jeremias tungkol sa Darating na Pagkawasak
23 Pagkatapos ay tiningnan ko ang daigdig; wala itong hugis o anumang kaanyuan,
at sa langit ay walang anumang tanglaw.
24 Tumingin ako sa mga bundok at mga burol;
ang mga ito'y nayayanig dahil sa lindol.
25 Wala akong makitang tao, wala kahit isa;
pati mga ibon ay nagliparan na.
26 Ang masaganang lupain ay naging disyerto;
wasak ang mga lunsod nito
dahil sa matinding poot ng Diyos.
27 Sinabi ni Yahweh, “Masasalanta ang buong lupain ngunit hindi ko lubusang wawasakin.”
28 Magluluksa ang sanlibutan,
magdidilim ang kalangitan.
Sinabi ni Yahweh ang ganito
at ang isip niya'y di magbabago.
Nakapagpasya na siya
at hindi na magbabago pa.
Ang Kasamaan ng Tao(A)
Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.
14 “Wala(B) namang Diyos!” ang sabi ng hangal sa kanyang sarili.
Silang lahat ay masasama, kakila-kilabot ang kanilang mga gawa;
walang gumagawa ng mabuti, wala nga, wala!
2 Nagmamasid si Yahweh mula sa itaas, sangkatauha'y kanyang sinisiyasat;
tinitingnan kung may taong marunong pa,
na sa kanya'y gumagalang at sumasamba.
3 Silang lahat ay naligaw ng landas,
at naging masasama silang lahat;
walang gumagawa sa kanila ng tama,
wala ni isa man, wala nga, wala!
4 Ang tanong ni Yahweh: “Di ba nila alam,
itong masasama, lahat na ba'y mangmang?
Itong aking baya'y pinagnanakawan
at akong si Yahweh ay ayaw dalanginan!”
5 Darating ang araw na sila'y matatakot, sapagkat kakampi ng Diyos ang mga sa kanya'y sumusunod.
6 Hadlangan man nila ang balak ng mga taong hamak,
ngunit si Yahweh ang sa kanila'y mag-iingat.
7 Ang aking hinihiling nawa ay dumating,
mula sa Zion, ang kaligtasan ng Israel.
Labis na magagalak ang bayang Israel,
kapag muli silang pasaganain ni Yahweh.
Pagkilala sa Habag ng Diyos
12 Nagpapasalamat ako sa ating Panginoong Jesu-Cristo na nagbibigay sa akin ng lakas, dahil itinuring niya akong karapat-dapat na maglingkod sa kanya, 13 kahit(A) na noong una'y nilapastangan, inusig at nilait ko siya. Sa kabila nito'y nahabag sa akin ang Diyos sapagkat hindi ko nalalaman ang aking ginagawa noong ako'y hindi pa sumasampalataya. 14 Pinasagana sa akin ang kagandahang-loob ng ating Panginoon at ipinagkaloob niya sa akin ang pananampalataya at pag-ibig na natatagpuan sa ating pakikipag-isa kay Cristo Jesus. 15 Totoo ang pahayag na ito at dapat paniwalaan ng lahat: Si Cristo Jesus ay dumating sa sanlibutan upang iligtas ang mga makasalanan. At ako ang pinakamasama sa kanila. 16 Ngunit akong pinakamasama ay kinahabagan, upang ipakita ni Cristo Jesus sa pamamagitan ko, ang kanyang lubos na pagtitiyaga, at upang ito'y maging halimbawa sa mga sasampalataya at bibigyan ng buhay na walang hanggan.
17 Purihin natin at luwalhatiin magpakailanman ang iisang Diyos, Haring walang hanggan, walang kamatayan at di-nakikita! Amen.
Ang Nawala at Natagpuang Tupa(A)
15 Isang(B) araw, ang mga maniningil ng buwis at ang mga makasalanan ay lumapit kay Jesus upang makinig. 2 Nagbulung-bulungan ang mga Pariseo at mga tagapagturo ng Kautusan. Sabi nila, “Ang taong ito'y nakikisama at nakikisalo sa mga makasalanan.” 3 Dahil dito, sinabi sa kanila ni Jesus ang talinghagang ito.
4 “Kung ang sinuman sa inyo ay may isandaang tupa at mawalan ng isa, ano ang gagawin niya? Hindi ba't iiwan niya ang siyamnapu't siyam sa pastulan at hahanapin ang nawawala hanggang sa ito'y matagpuan? 5 Kapag nakita na niya ang tupa ay masaya niya itong papasanin. 6 Pagdating sa bahay, aanyayahan niya ang kanyang mga kaibigan at mga kapitbahay at sasabihin sa kanila, ‘Makipagsaya kayo sa akin dahil nakita ko na ang tupa kong nawawala!’ 7 Sinasabi ko sa inyo, magkakaroon ng higit na kagalakan sa langit dahil sa isang makasalanang tumatalikod sa kasalanan kaysa sa siyamnapu't siyam na matuwid na di nangangailangang magsisi.”
Ang Nawala at Natagpuang Salaping Pilak
8 “O kaya, kung ang isang babae ay may sampung salaping pilak at mawala ang isa, ano ang gagawin niya? Hindi ba't magsisindi siya ng ilawan, wawalisan ang buong bahay at hahanaping mabuti ang nawawalang salapi hanggang sa ito'y kanyang makita? 9 Kapag nakita na niya ito, aanyayahan niya ang kanyang mga kaibigan at mga kapitbahay at sasabihin sa kanila, ‘Makipagsaya kayo sa akin, sapagkat nakita ko na ang nawawala kong salaping pilak!’ 10 Sinasabi ko sa inyo, gayundin ang kagalakan ng mga anghel ng Diyos dahil sa isang makasalanang tumatalikod sa kasalanan.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.