Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Haring Pinili ni Yahweh
2 Bakit(A) nagbabalak maghimagsik ang mga bansa?
Sa sabwatan nilang ito'y anong kanilang mapapala?
2 Mga hari ng lupa'y nagkasundo at sama-samang lumalaban,
hinahamon si Yahweh at ang kanyang hinirang:
3 Sinasabi nila: “Ang paghahari nila sa atin ay dapat nang matapos;
dapat na tayong lumaya at kumawala sa gapos.”
4 Si Yahweh na nakaupo sa langit ay natatawa lamang,
lahat ng plano nila ay wala namang katuturan.
5 Sa tindi ng kanyang galit, sila'y kanyang binalaan;
sa tindi ng poot, sila'y kanyang sinabihan,
6 “Doon sa Zion, sa bundok na banal,
ang haring pinili ko'y aking itinalaga.”
7 “Ipahahayag(B) ko ang sinabi sa akin ni Yahweh,
‘Ikaw ang aking anak,
mula ngayo'y ako na ang iyong ama.
8 Hingin mo ang mga bansa't ibibigay ko sa iyo,
maging ang buong daigdig ay ipapamana ko.
9 Dudurugin(C) mo sila ng tungkod na bakal;
tulad ng palayok, sila'y magkakabasag-basag.’”
10 Kaya't magpakatalino kayo, mga hari ng mundo,
ang babalang ito'y unawain ninyo:
11 Paglingkuran ninyo si Yahweh nang may takot at paggalang,
sa paanan ng kanyang anak
12 yumukod kayo't magparangal,
baka magalit siya't bigla kayong parusahan.
Mapalad ang taong ang Diyos ang kanlungan.
12 Ang isasagot nila, ‘Hindi! Lalo pa kaming magmamatigas at magpapakasama hanggang gusto namin.’”
Itinakwil ng mga Tao si Yahweh
13 Kaya nga, ito ang sabi ni Yahweh:
“Tanungin mo ang alinmang bansa,
kung may nangyari na bang ganito kahit kailan?
Napakasama ng ginawa ng bayang Israel!
14 Nawawalan ba ng yelo ang mabatong kabundukan ng Lebanon?
Natutuyo ba ang umaagos at malamig na batis doon?
15 Subalit ako'y kinalimutan ng aking bayan;
nagsusunog sila ng kamanyang sa mga diyus-diyosan.
Nadapa sila sa daang dapat nilang lakaran,
at hindi na nila dinaanan ang lumang kalsada;
lumakad sila sa mga daang walang palatandaan.
16 Ang lupaing ito'y ginawa nilang pook ng katatakutan,
at pandidirihan habang panahon.
Masisindak ang bawat dadaan dito dahil sa makikita nila;
mapapailing na lamang sila sa malaking pagtataka.
17 Pangangalatin ko ang aking bayan sa harapan ng kanilang mga kaaway,
gaya ng alikabok na hinihipan ng malakas na hangin.
Tatalikuran ko sila at hindi tutulungan
pagdating ng araw ng kapahamakan.”
Ang Pagtatangka Laban kay Jeremias
18 Nang marinig ito ng mga tao, sinabi nila, “Patayin na natin si Jeremias! May mga pari namang magtuturo sa atin, mga matatalino na magbibigay ng payo, at mga propetang magpapahayag ng mensahe ng Diyos. Isakdal natin siya, at huwag nang pakinggan ang mga sinasabi niya.”
19 Kaya nanalangin si Jeremias, “Yahweh, pakinggan mo ang aking dalangin; nalalaman mo ang binabalak ng aking mga kaaway. 20 Ang kabayaran ba ng kabutihan ay kasamaan? Ano't naghanda sila ng hukay upang ako'y patayin? Nalalaman mo kung paano ko sila idinalangin sa iyo upang huwag mong ipalasap sa kanila ang iyong poot. 21 Kaya ngayon, Yahweh, pabayaan mo nang mamatay sa gutom ang kanilang mga anak. Pabayaan mong mamatay sila sa digmaan. Pabayaan mong maulila sa asawa't mga anak ang mga babae, mamatay sa sakit ang mga kalalakihan, at masawi sa pakikidigma ang kanilang mga kabataang lalaki. 22 Magpadala ka ng masasamang-loob upang nakawan ang kanilang mga tahanan nang walang babala. Pabayaan mo silang magsigawan sa takot. Naghanda sila ng hukay upang mahulog ako at ng mga bitag upang ako'y mahuli. 23 Yahweh, nalalaman mo ang kanilang balak na pagpatay sa akin. Huwag mo silang patawarin sa kanilang kasamaan; huwag mong alisin sa iyong paningin ang kanilang kasalanan. Ibagsak mo silang lahat. Parusahan mo sila habang nag-aalab ang iyong poot.”
Ang Hiwaga ng Ating Relihiyon
14 Umaasa akong magkikita tayo sa lalong madaling panahon, ngunit isinulat ko ang mga ito 15 upang kung hindi man ako makarating agad ay malaman mo kung ano ang dapat na maging ugali ng mga tao sa sambahayan ng Diyos na buháy, sa iglesya na haligi at saligan ng katotohanan. 16 Hindi maikakaila na napakadakila ng hiwaga ng ating relihiyon:
Siya'y[a] nahayag sa anyong tao,
pinatunayang matuwid ng Espiritu,[b] at nakita ng mga anghel.
Ipinangaral sa mga bansa,
pinaniwalaan sa sanlibutan, at itinaas sa kaluwalhatian.
Mga Huwad na Guro
4 Maliwanag ang sinasabi ng Espiritu na sa mga huling araw ay tatalikuran ng ilan ang pananampalataya. Susunod sila sa mga mapanlinlang na espiritu at sa mga katuruan ng mga demonyo. 2 Ang mga katuruang ito'y pinalalaganap ng mga taong sinungaling at may mga manhid na budhi. 3 Ipinagbabawal nila ang pag-aasawa at ang ilang uri ng pagkain, mga pagkaing nilikha ng Diyos upang kaining may pasasalamat ng mga mananampalataya at nakakaunawa ng katotohanan. 4 Ang lahat ng nilikha ng Diyos ay mabuti at walang dapat ipalagay na masama; sa halip ay dapat tanggaping may pagpapasalamat 5 sapagkat ang mga ito'y nililinis ng salita ng Diyos at ng panalangin.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.