Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
19 Simpait ng apdo ang alalahanin sa aking paghihirap at kabiguan.
20 Lagi ko itong naaalaala, at ako'y labis na napipighati.
21 Gayunma'y nanunumbalik ang aking pag-asa kapag naalala kong:
22 Pag-ibig mo, Yahweh, ay hindi nagmamaliw; kahabagan mo'y walang kapantay.
23 Ito ay laging sariwa bawat umaga; katapatan mo'y napakadakila.
24 Si Yahweh ay akin, sa kanya ako magtitiwala.
25 Si Yahweh ay mabuti sa mga nananalig at umaasa sa kanya,
26 kaya't pinakamainam ang buong tiyagang umasa sa ating kaligtasang si Yahweh ang may dala.
Ang Kasaysayan ng Pagbagsak ng Jerusalem(A)
52 Si Zedekias ay dalawampu't isang taóng gulang nang maging hari sa Juda, at labing-isang taóng naghari sa Jerusalem. Ang kanyang ina'y si Hamutal, anak ni Jeremias ng Libna. 2 Tulad ng masamang ginawa ni Jehoiakim, ginawa rin niya ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh. 3 Nagalit si Yahweh sa Jerusalem at sa Juda kaya sila'y itinakwil niya. At si Zedekias ay naghimagsik laban sa hari ng Babilonia.
4 Noong(B) ikasiyam na taon ng kanyang paghahari, ikasampung araw ng ikasampung buwan, sumalakay sa Jerusalem ang buong hukbo ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia. Kinubkob nila iyon, at nagtayo sila ng mga toreng bantayan sa palibot. 5 Ang pagkubkob ay tumagal hanggang sa ika-11 taon ng paghahari ni Zedekias. 6 Noong ikasiyam na araw ng ikaapat na buwan ng taóng iyon, 7 nagkaroon(C) ng matinding taggutom sa lunsod. Walang makain ang mga mamamayan. Nang makita ito ni Haring Zedekias, gumawa sila ng butas sa pader ng lunsod at tumakas nang gabing iyon kasama ang mga sundalo. Dumaan sila sa pintuang-bayan sa pagitan ng dalawang pader, malapit sa hardin ng hari. Nakatakas sila patungong Araba, kahit napapaligiran ng mga hukbo ng Babilonia ang buong lunsod. 8 Ngunit hinabol ng hukbo ng Babilonia ang hari, at inabutan si Zedekias sa kapatagan ng Jerico; nagkawatak-watak ang kanyang mga kasama at iniwan siya. 9 Binihag ang hari at dinala sa hari ng Babilonia na noo'y nasa Ribla, sa lupain ng Hamat. Doon siya hinatulan. 10 Pinatay ng hari ng Babilonia ang mga anak na lalaki ni Zedekias sa harapan niya. Pinatay rin sa Ribla ang lahat ng pinuno ng Juda. 11 Pagkatapos,(D) dinukit ng hari ang mga mata ni Zedekias, ginapos, dinala sa Babilonia, at ibinilanggo hanggang sa araw ng kanyang kamatayan.
Ang Mensahe para sa Iglesya sa Esmirna
8 “Isulat(A) mo sa anghel ng iglesya sa Esmirna:
“Ito ang sinasabi sa iyo ng simula at wakas, ang namatay at muling nabuhay. 9 Alam ko ang mga kapighatian na dinaranas mo. Alam kong mahirap ka, ngunit ang totoo'y mayaman ka. Nalalaman ko rin ang mga paninirang-puri sa iyo ng mga nagpapanggap na mga Judio; ngunit ang totoo, sila'y mga kampon ni Satanas. 10 Huwag kang matakot sa mga pag-uusig na malapit mo nang danasin. Makinig ka! Ipabibilanggo ng diyablo ang ilan sa inyo bilang pagsubok; magdurusa kayo sa loob ng sampung araw. Manatili kang tapat hanggang kamatayan, at gagantimpalaan kita ng korona ng buhay.
11 “Ang(B) lahat ng may pandinig ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesya!
“Ang magtatagumpay ay hindi masasaktan ng pangalawang kamatayan.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.