Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Panalangin Upang Iligtas ang Buong Bansa
Awit ni Asaf.
79 O(A) Diyos,
pinasok ng Hentil ang lupang pangako, hayo't iyong masdan!
Winasak ang lunsod, ang banal mong templo ay nilapastangan;
2 ang mga katawan
ng mga lingkod mo ay ginawang pagkain ng mga ibon,
ang kanilang laman, sa mga halimaw ay ipinalamon.
3 Dugo ng bayan mo'y
ibinubo nila, sa buong palibot nitong Jerusalem,
katulad ay tubig; sa dami ng patay ay walang maglibing.
4 Ang karatig-bansang
doo'y nakasaksi, kami'y kinutya at nagtatawa sila,
lahat sa palibot ay humahalakhak sa gayong nakita.
5 Iyang iyong galit
sa amin, O Yahweh, hanggang kailan ba kaya matatapos?
Di na ba titigil ang pagkagalit mong sa ami'y tutupok?
6 Doon mo ibaling
ang matinding galit sa maraming bansang ayaw kang kilanlin,
mga kahariang ang banal mong ngala'y ayaw na tawagin.
7 Masdan ang ginawa
nila sa bayan mo, ang mga lingkod mo ay pinatay nila,
pati ang tahanan nila ay winasak, walang itinira.
8 Huwag mong parusahan
kaming mga anak, sa pagkakasala ng aming magulang,
ikaw ay mahabag sa mga lingkod mong pag-asa'y pumanaw.
9 Mahabag ka sana,
kami ay tulungan, Diyos na aming Tagapagligtas,
dahil sa ngalan mo, kaming nagkasala'y patawaring ganap;
at sa karangalan ng iyong pangalan, kami ay iligtas.
14 “Bakit tayo nakaupo at walang ginagawa?” tanong nila. “Halina kayo, tayo'y magtago sa mga lunsod na matibay, at doon na tayo mamatay. Hinatulan na tayo ni Yahweh na ating Diyos upang mamatay. Binigyan niya tayo ng tubig na may lason upang inumin sapagkat nagkasala tayo sa kanya. 15 Naghintay tayo ng kapayapaan ngunit walang nangyari; umasa ng kaligtasan ngunit kakila-kilabot na hirap ang dumating sa atin. 16 Naririnig hanggang sa lunsod ng Dan ang ingay ng mga kabayo ng kaaway. Nanginginig na sa takot ang buong bansa sa yabag pa lamang ng mga kabayong pandigma. Dumating na ang wawasak sa ating lupain at sa lahat ng naroon; sa ating lunsod at sa lahat ng naninirahan doon.”
17 “Humanda kayo!” sabi ni Yahweh. “Magpapadala ako ng mga ahas na makamandag, mga ulupong na hindi mapaaamo, upang kayo'y tuklawin.”
2 Sana'y may mapagtaguan ako doon sa disyerto,
kung saan malayo ako sa aking mga kababayan.
Sila'y mapakiapid
at pawang mga taksil.
3 Sila'y laging handang magsabi ng kasinungalingan;
kasamaan ang namamayani sa halip na katotohanan.
Ganito ang sabi ni Yahweh:
“Sunud-sunod na kasamaan ang ginagawa ng aking bayan,
at ako'y hindi nila nakikilala.”
4 Mag-ingat kayo kahit sa inyong mga kaibigan,
kahit kapatid ay huwag pagkatiwalaan;
sapagkat mandaraya lahat ng kapatid, katulad ni Jacob,
at bawat isa'y naninira sa kanyang kaibigan.
5 Ang lahat ay nandaraya sa kanyang kapwa,
walang nagsasabi ng katotohanan;
dila nila'y sanay sa pagsisinungaling,
sila'y patuloy sa pagkakasala, at hindi naiisip ang magsisi.
6 Ang kanilang kasalanan ay patung-patong na,
hindi tumitigil sa pandaraya sa iba.
Kahit na si Yahweh hindi kinikilala.
7 Kaya sinabi ni Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat,
“Pahihirapan ko ang bansang ito upang sila'y subukin.
Sapagkat ano pa ang aking magagawa sa bayan kong naging masama?
8 Parang makamandag na pana ang kanilang mga dila,
lahat ng sinasabi ay pawang pandaraya.
Magandang mangusap sa kanilang kapwa,
ngunit ang totoo, balak nila ay masama.
9 Hindi ba nararapat na parusahan ko sila?
Hindi ba dapat lang na maghiganti ako sa kanila?
Ako, si Yahweh, ang nagsasabi nito.”
10 Ang sabi ni Jeremias, “Ang mga bundok ay aking tatangisan,
at iiyakan ko ang mga pastulan;
sapagkat natuyo na ang mga damo, at wala nang nagdaraang tao.
Hindi na naririnig ang unga ng mga baka;
pati mga ibon at hayop sa gubat ay nag-alisan na.”
11 Ang sabi ni Yahweh: “Ang Jerusalem ay wawasakin ko.
Kanyang mga pader, paguguhuin ko,
at wala nang maninirahan doon kundi mga asong-gubat.
Magiging disyerto, mga lunsod ng Juda,
wala nang taong doon ay titira.”
Ang Kaloob ng Biyuda(A)
41 Naupo si Jesus sa tapat ng hulugan ng mga kaloob sa Templo, at pinagmasdan ang mga naghuhulog ng salapi. Napansin niyang maraming mayayaman ang naghuhulog ng malalaking halaga. 42 Lumapit naman ang isang biyudang dukha at naghulog ng dalawang salaping tanso. 43 Tinawag ni Jesus ang kanyang mga alagad at sinabi sa kanila, “Sinasabi ko sa inyo, ang inihandog ng biyudang iyon ay higit na marami kaysa sa inihulog nilang lahat. 44 Sapagkat ang lahat ay nagkaloob ng bahagi lamang ng kanilang kayamanan, ngunit ang ibinigay ng babaing iyon, bagama't siya'y dukha, ay ang buo niyang ikinabubuhay.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.