Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
40 Kaya(A) naman muli, si Yahweh'y nagalit sa mga hinirang,
siya ay nagdamdam sa ginawa nilang pawang kataksilan.
41 Sa bansang kaaway itong bayan niya'y ipinaubaya,
sila ay nasakop at ang mga Hentil ay siyang namahala.
42 Inalipin sila at pinahirapan ng mga kaaway,
pinasuko sila't ipinailalim sa kapangyarihan.
43 Hindi na miminsan, marami nang beses iniligtas sila,
naghimagsik pa rin, kaya naman sila'y lalong nagkasala.
44 Gayunman, hindi rin tinitiis ng Diyos, kapag nananambitan,
dinirinig niya't sa taglay na hirap kinahahabagan.
45 Dinirinig sila at inaalaala kanyang kasunduan,
nahahabag siya dahilan sa wagas niyang pagmamahal.
46 Maging ang sumakop sa mga hinirang ay nangahabag din,
sapagkat si Yahweh ang siyang nag-utos na iyon ang gawin.
47 Iligtas(B) mo kami, O Yahweh, aming Diyos, Panginoon namin,
saanman naroon ang mga anak mo ay muling tipunin,
upang ang ngalan mo ay pasalamata't aming dakilain.
48 Purihin si Yahweh, ang Diyos ng Israel,
purihin siya, ngayon at magpakailanman!
Ang lahat ng tao ay magsabing, “Amen!”
Purihin si Yahweh!
12 At nagtanong si Jeremias, “Yahweh, bakit po nasalanta ang lupain at natuyo tulad sa isang disyerto, kaya wala nang may gustong dumaan? Sinong matalino ang makakaunawa nito? Kanino ninyo ipinaliwanag ang nangyaring ito upang masabi naman niya sa iba?”
13 Sumagot si Yahweh, “Nangyari ito sapagkat tinalikuran ng aking bayan ang kautusang ibinigay ko sa kanila at hindi sila sumunod sa akin. 14 Sa halip, nagmatigas sila at sumamba sa diyus-diyosang si Baal, gaya ng itinuro ng kanilang mga magulang. 15 Kaya, akong si Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel, ganito ang gagawin ko. Mapapait na halaman ang ipapakain ko sa kanila at tubig na may lason ang ipapainom ko sa kanila. 16 Pangangalatin ko sila sa iba't ibang bansa, mga bansang ni hindi man lamang nabalitaan ng kanilang mga magulang. At magpapadala ako ng mga hukbong sasalakay sa kanila hanggang sa lubusan silang malipol.”
Napapasaklolo ang mga Taga-Jerusalem
17 Ang sabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat:
“Isipin ninyo ang mga nangyayari!
Tawagin ninyo ang mga taga-iyak,
ang mga babaing sanay managhoy.”
18 Sabi naman ng mga tao,
“Pagmadaliin sila upang managhoy para sa atin,
hanggang sa bumalong ang ating mga luha
at mamugto sa pag-iyak ang ating mga mata.”
19 Dinggin mo ang panaghoy sa Zion,
“Nasalanta na tayo!
Napakalaking kahihiyan nito!
Lisanin na natin ang ating lupain;
sapagkat wasak na, mga tahanan natin.”
20 Sinabi naman ni Jeremias,
“Mga babae, pakinggan ninyo si Yahweh,
at unawain ang kanyang sinasabi.
Turuan ninyong managhoy ang inyong mga anak na babae,
gayon din ang kanilang mga kaibigan.
21 Nakapasok na ang kamatayan sa ating mga tahanan,
at sa magagarang palasyo;
pinuksa niya ang mga batang nasa lansangan,
at ang mga kabataang nasa pamilihan.
22 Nagkalat kahit saan ang mga bangkay,
tila bunton ng dumi sa kabukiran,
parang uhay na ginapas ng mga mang-aani
at saka iniwang walang nag-iipon.
Ito ang ipinapasabi sa akin ni Yahweh.”
23 Ang sabi ni Yahweh:
“Huwag ipagmayabang ng matatalino ang kanyang karunungan
o ng malakas ang lakas na kanyang taglay
ni ng mayaman ang kanyang kayamanan.
24 Kung(A) may nais magmalaki,
ang ipagmalaki niya'y ang pagkakilala't pagkaunawa sa akin,
sapagkat ang aking pag-ibig ay hindi nagbabago,
makatarungan at matuwid ang mga ginagawa ko.
Ito ang mga bagay na nais ko.
Ako, si Yahweh, ang nagsasabi nito.”
25 Sinabi pa ni Yahweh, “Darating ang panahong paparusahan ko ang lahat ng tinuli ngunit ang puso'y hindi naman nababago; 26 mga taga-Egipto, Juda, Edom, Ammon, Moab at lahat ng naninirahan sa disyerto at ang mga nagpuputol ng kanilang buhok. Sila at lahat ng mga taga-Israel ay hindi pa nagkakaroon ng panloob na pagbabago bagaman sila ay tinuli ayon sa laman.”
Sina Pedro at Juan sa Harap ng Kataas-taasang Kapulungan ng mga Judio
4 Nagsasalita pa sina Pedro at Juan sa mga taong bayan nang dumating ang mga paring Judio,[a] ang kapitan ng mga bantay sa Templo at ang mga Saduseo. 2 Galit na galit sila sa dalawang apostol dahil itinuturo ng mga ito sa mga tao na si Jesus ay muling nabuhay, at iyon ang katibayan na muling mabubuhay ang mga patay. 3 Kaya't dinakip nila ang dalawa, at ikinulong muna hanggang kinabukasan sapagkat gabi na noon. 4 Gayunman, marami sa nakarinig ng kanilang pangangaral ang sumampalataya kay Jesus, kaya't umabot sa limanlibo ang bilang ng mga lalaki.
5 Kinabukasan, nagtipon sa Jerusalem ang mga pinuno ng mga Judio, ang mga matatandang namumuno sa bayan at ang mga tagapagturo ng Kautusan. 6 Kasama nila si Anas, ang pinakapunong pari, si Caifas, si Juan, si Alejandro, at ang iba pang mga kamag-anak ng pinakapunong pari. 7 Pinatayo nila sa harap ang mga apostol at tinanong, “Sa anong kapangyarihan o sa kaninong pangalan ninyo ginagawa ang bagay na ito?”
8 Sumagot si Pedro na puspos ng Espiritu Santo, “Mga tagapanguna at mga pinuno ng bayan, 9 kung sinisiyasat ninyo kami ngayon tungkol sa kabutihang ginawa namin sa lumpong ito at kung paano siya gumaling, 10 nais kong malaman ninyong lahat at ng buong Israel na ang taong ito ay nakatayo sa inyong harapan at lubusang gumaling dahil sa kapangyarihan ng pangalan ni Jesu-Cristo na taga-Nazaret, na inyong ipinako sa krus ngunit muling binuhay ng Diyos. 11 Ang(A) Jesus na ito
‘Ang batong itinakwil ninyong mga tagapagtayo ng bahay,
ang siyang naging batong-panulukan.’
12 Sa kanya lamang matatagpuan ang kaligtasan, sapagkat walang ibang pangalan sa buong daigdig na ibinigay ng Diyos sa mga tao upang tayo ay maligtas.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.