Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Pananalig sa Kautusan ni Yahweh
(Zayin)
49 Ang pangako sa lingkod mo, sana'y iyong gunitain,
pag-asa ang idinulot ng pangako mo sa akin.
50 Sa gitna ng kahirapan, ang nadama ko ay aliw,
pagkat buhay ang natamo sa pangako mo sa akin.
51 Labis akong hinahamak nitong mga taong hambog,
ngunit di ko sinusuway ang bigay mong mga utos.
52 Bumabalik sa gunita ang payo mo noong araw,
ito, Yahweh, sa lingkod mo ang dulot ay kaaliwan.
53 Nag-aapoy ang galit ko sa tuwing nakikita ko,
yaong mga masasamang lumalabag sa batas mo.
54 Noong ako'y mapalayo sa sarili kong tahanan,
ang awiting nilikha ko ay tungkol sa kautusan.
55 Ang ngalan mo'y nasa isip kung kumagat na ang dilim,
Yahweh, aking sinisikap na utos mo'y laging sundin.
56 Nasasalig sa pagsunod ang tunay kong kagalakan,
kaya naman sinusunod ko ang iyong kautusan.
Ang Panalangin ni Jeremias
16 Nang maibigay na kay Baruc ang kasulatan ng pagkakabili, 17 si Jeremias ay nanalangin: “Panginoong Yahweh, nilikha mo ang langit at ang lupa sa pamamagitan ng iyong kapangyarihan. Walang bagay na mahirap para sa iyo. 18 Nagpamalas ka ng kagandahang-loob sa libu-libo ngunit pinaparusahan mo ang mga anak dahil sa kasalanan ng mga magulang. O dakila at makapangyarihang Diyos na ang pangala'y Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, 19 dakila ang iyong mga panukala at kahanga-hanga ang iyong mga gawa. Nakikita mo ang ginagawa ng lahat ng tao, at ginagantihan ang bawat isa ayon sa kanyang pamumuhay at gawa. 20 Gumawa ka ng mga tanda at kababalaghan sa Egipto, at hanggang ngayo'y patuloy kang gumagawa ng mga kababalaghan sa Israel at sa ibang mga bansa, kaya kilala na ngayon ang iyong pangalan sa lahat ng dako. 21 Inilabas mo sa Egipto ang iyong bayang Israel, kasabay ng mga tanda at kababalaghan; ikaw ang umakay sa kanila, sa pamamagitan ng iyong lakas at taglay na kapangyarihan. 22 Ibinigay mo sa kanila ang lupaing ito na mayaman at sagana sa lahat ng bagay, gaya ng ipinangako mo sa kanilang mga ninuno; 23 pinasok nila ito at sinakop. Ngunit hindi nila sinunod ang iyong utos o namuhay man ayon sa iyong kautusan. Hindi nila tinupad ang alinman sa mga utos, kaya nga ipinadala mo sa kanila ang lahat ng kapahamakang gaya nito. 24 Sasalakay na ang mga taga-Babilonia; marami ang masasawi sa labanan, sa gutom, at sa salot. Ang lunsod ay mahuhulog sa kamay ng kaaway. Matutupad na ang lahat ng iyong sinabi. 25 Ngunit ikaw ang nag-utos sa akin, Panginoong Yahweh, na bilhin ko sa harapan ng mga saksi ang bukirin, bagaman ang lunsod na ito ay naibigay na sa mga taga-Babilonia.”
26 At sinabi ni Yahweh kay Jeremias, 27 “Ako si Yahweh, ang Diyos ng lahat ng tao; walang bagay na mahirap para sa akin. 28 Kaya(A) nga, tandaan mo ang sinasabi ko: Ibibigay ko sa mga sundalo ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia ang lunsod na ito. 29 Ito'y papasukin ng hukbo niya at susunugin; kasamang matutupok ang mga bahay ng mga taong kinapopootan ko. Sapagkat ang mga bubungan nila'y ginamit na sunugan ng insenso para kay Baal, at dito rin ibinubuhos ang mga alak na handog sa ibang diyos.
30 “Buhat pa sa pasimula, wala nang ginawa ang Israel at ang Juda kundi puro kasamaan, kaya nagagalit ako sa kanilang ginagawa,” ang sabi ni Yahweh. 31 “Mula nang itayo ang lunsod na ito, lagi na lamang nila akong ginagalit, kaya wawasakin ko na ito. 32 Suklam na suklam na ako sa likong gawain ng mga taga-Israel at Juda, ng kanilang mga hari, mga pinuno, mga pari, mga propeta, at lahat ng naninirahan dito. 33 Ako'y tinalikuran nila; bagama't patuloy ko silang tinuruan, ayaw nilang makinig o tumanggap man ng payo. 34 Inilagay(B) pa nila ang kanilang mga kasuklam-suklam na diyus-diyosan sa aking Templo, at sa gayo'y dinumihan ito. 35 Gumawa(C) pa sila ng mga altar para kay Baal sa Libis ng Ben Hinom, at doon sinusunog bilang handog kay Molec ang kanilang mga anak. Hindi ko ito iniutos o inisip man lamang na ipagawa sa kanila upang magkasala ang Juda.”
Ang Mensahe para sa Iglesya sa Laodicea
14 “Isulat(A) mo sa anghel ng iglesya sa Laodicea:
“Ito ang sinasabi niya na ang pangalan ay Amen, ang tapat at tunay na saksi, at siyang pinagmulan ng lahat ng nilalang ng Diyos. 15 Alam ko ang mga ginagawa mo. Alam kong hindi ka malamig ni mainit. Mabuti pa sana kung ikaw ay malamig o mainit. 16 Ngunit dahil ikaw ay maligamgam, hindi mainit ni malamig, isusuka kita! 17 Sinasabi mong ikaw ay mayaman, sagana sa lahat ng bagay at wala nang kailangan pa, ngunit hindi mo nalalamang ikaw ay kawawa, kahabag-habag, dukha, bulag at hubad. 18 Kaya nga, ipinapayo kong bumili ka sa akin ng purong ginto upang ikaw ay maging tunay na mayaman. Bumili ka rin sa akin ng puting damit upang iyong isuot at matakpan ang nakakahiya mong kahubaran. Bumili ka rin sa akin ng gamot na ipapahid sa iyong mata upang ikaw ay makakita. 19 Sinasaway(B) ko't pinapalo ang lahat ng aking minamahal. Kaya't maging masigasig ka! Pagsisihan mo't talikuran ang iyong mga kasalanan. 20 Tingnan mo! Nakatayo ako at kumakatok sa pintuan. Kung diringgin ninuman ang aking tinig at bubuksan ang pinto, papasok ako at kakain akong kasalo niya. 21 Ang magtatagumpay ay bibigyan ko ng karapatang umupo na katabi ko sa aking trono, tulad ko na nagtagumpay at nakaupo ngayon katabi ng aking Ama sa kanyang trono.
22 “Ang lahat ng may pandinig ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesya!”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.