Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Diyos ang Mag-iingat sa Atin
91 Siyang naghahangad ng pagkupkop ng Kataas-taasan,
at nananatili sa pagkalinga ng Makapangyarihan,
2 ay makakapagsabi kay Yahweh:
“Muog ka't kanlungan,
ikaw ang aking Diyos, ang Diyos na tangi kong pinagtiwalaan.”
3 Sa panganib at bitag ika'y kanyang ililigtas,
at kahit ano mang matinding salot ay di ka magdaranas.
4 Lulukuban ka niya sa lilim ng kanyang malapad na pakpak,
at sa kalinga niya ay palagi ka ngang nakakatiyak;
iingatan niya't ipagsasanggalang, pagkat siya'y matapat.
5 Pagsapit ng gabi, di ka matatakot sa anumang bagay,
maging sa gagawing biglaang paglusob ng mga kaaway.
6 Ni sa ano pa mang darating na salot pagkagat ng dilim,
sa pagpuksa'y wala kang takot, sa araw man dumating.
14 Ang sabi ng Diyos, “Ililigtas ko ang mga tapat sa akin,
at iingatan ko ang sinumang taong ako'y kikilanlin.
15 Kapag sila'y tumawag, laging handa ako na sila'y pakinggan,
aking sasamahan at kung may problema ay sasaklolohan;
aking ililigtas at ang bawat isa ay pararangalan.
16 Sila'y bibigyan ko't gagantimpalaan ng mahabang buhay,
at nakakatiyak, tatamuhin nila aking kaligtasan!”
23 “Ako ay Diyos na nasa lahat ng dako, at hindi nananatili sa iisang lugar lamang. 24 Walang(A) makakapagtago sa akin; makikita ko siya kahit saan siya pumunta. Sapagkat ako'y nasa lahat ng lugar sa langit at sa lupa. 25 Alam ko ang ginagawa ng mga propetang sinungaling; ginagamit nila ang aking pangalan at ipinamamalitang binigyan ko sila ng pangitain! 26 Kailan pa ba magbabago ang mga propetang ito na nangangaral ng kasinungalingan at nagpapahayag ng pandaraya ng kanilang mga puso? 27 Akala nila'y malilimot ako ng aking bayan dahil sa mga pangitaing sinasabi nila, gaya ng paglimot sa akin ng kanilang mga ninuno at naglingkod kay Baal. 28 Kung nanaginip ang isang propeta, dapat niyang sabihing ito'y panaginip lamang; ngunit kung narinig niya ang aking salita, ipahayag niya ito nang buong katapatan. Ano ang kaugnayan ng ipa sa trigo?” sabi ni Yahweh. 29 “Parang apoy ang aking salita at katulad ng martilyo na dumudurog sa malaking bato. 30 Ako'y laban sa mga propetang gumagamit ng salita ng ibang propeta at sinasabing iyon ang aking mensahe. 31 Ako'y laban sa mga propetang kumakatha ng sariling salita at pagkatapos ay sasabihing galing iyon kay Yahweh. 32 Ako'y laban sa mga propetang nagsasalaysay ng kasinungalingan upang dayain ang aking bayan. Hindi ko sila sinugo at wala silang kabutihang magagawa sa bayang ito.”
Patay Subalit Muling Binigyang-buhay
2 Noong(A) una'y patay kayo dahil sa inyong mga pagsuway at mga kasalanan. 2 Sinusunod ninyo noon ang masamang takbo ng mundong ito, at napailalim kayo sa pinuno ng mga kapangyarihan sa himpapawid, ang espiritung naghahari sa mga taong ayaw pasakop sa Diyos. 3 Ang totoo, tayong lahat ay dati ring namumuhay ayon sa pagnanasa ng ating laman, at sumusunod sa mga hilig ng katawan at pag-iisip. Kaya't sa ating likas na kalagayan, kabilang tayo sa mga taong kinapopootan ng Diyos.
4 Subalit napakasagana ng habag ng Diyos at napakadakila ng pag-ibig niya sa atin. 5 Tayo'y binuhay niyang kasama ni Cristo noong tayo'y mga patay pa dahil sa ating pagsuway. Naligtas nga kayo dahil sa kanyang kagandahang-loob. 6 Dahil sa ating pakikipag-isa kay Cristo Jesus, tayo'y muling binuhay na kasama niya upang mamunong kasama niya sa kalangitan. 7 Ginawa niya ito upang sa darating na mga panahon ay maipakita niya ang di-masukat na kasaganaan ng kanyang kagandahang-loob, sa kabutihan niya sa atin sa pamamagitan ni Cristo Jesus. 8 Sapagkat dahil sa kagandahang-loob ng Diyos kayo ay naligtas sa pamamagitan ng pananampalataya; at ito'y kaloob ng Diyos at hindi mula sa inyong sarili; 9 hindi ito bunga ng inyong mga gawa kaya't walang maipagmamalaki ang sinuman. 10 Kung ano tayo ngayon ay gawa ng Diyos, at sa pakikipag-isa natin kay Cristo Jesus ay nilikha niya tayo para sa mabubuting gawa na inihanda niya noong una pa man upang gawin natin.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.