Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 14

Ang Kasamaan ng Tao(A)

Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.

14 “Wala(B) namang Diyos!” ang sabi ng hangal sa kanyang sarili.
    Silang lahat ay masasama, kakila-kilabot ang kanilang mga gawa;
    walang gumagawa ng mabuti, wala nga, wala!

Nagmamasid si Yahweh mula sa itaas, sangkatauha'y kanyang sinisiyasat;
    tinitingnan kung may taong marunong pa,
    na sa kanya'y gumagalang at sumasamba.
Silang lahat ay naligaw ng landas,
    at naging masasama silang lahat;
walang gumagawa sa kanila ng tama,
    wala ni isa man, wala nga, wala!

Ang tanong ni Yahweh: “Di ba nila alam,
    itong masasama, lahat na ba'y mangmang?
Itong aking baya'y pinagnanakawan
    at akong si Yahweh ay ayaw dalanginan!”

Darating ang araw na sila'y matatakot, sapagkat kakampi ng Diyos ang mga sa kanya'y sumusunod.
Hadlangan man nila ang balak ng mga taong hamak,
    ngunit si Yahweh ang sa kanila'y mag-iingat.

Ang aking hinihiling nawa ay dumating,
    mula sa Zion, ang kaligtasan ng Israel.
Labis na magagalak ang bayang Israel,
    kapag muli silang pasaganain ni Yahweh.

Jeremias 4:13-21

Napaligiran ng mga Kaaway ang Juda

13 Masdan ninyo! Dumarating na parang mga ulap ang kaaway. Parang ipu-ipo ang kanilang mga karwaheng pandigma; mabilis pa sa agila ang kanilang mga kabayo. Matatalo tayo! Ito na ang ating wakas! 14 Talikdan mo na Jerusalem, ang iyong mga kasalanan, upang maligtas ka. Hanggang kailan ka mag-iisip ng masama?

15 Dumating ang mga tagapagbalita mula sa Dan at sa kabundukan ng Efraim, dala ang malagim na balita. 16 Upang bigyang babala ang mga bansa at sabihin sa mga taga-Jerusalem: “Dumarating na ang mga kaaway mula sa malayong lupain, at sumisigaw ng pakikidigma laban sa mga lunsod ng Juda!” 17 Paliligiran nila ang Jerusalem, parang bukid na ligid ng mga bantay; sapagkat ang mga tagaroon ay naghimagsik laban kay Yahweh. 18 Ikaw na rin, Juda, ang dapat sisihin sa parusang darating sa iyo dahil sa iyong mga kasalanan. Tatagos sa iyong buong katawan ang paghihirap ng iyong puso.

Nagdalamhati si Jeremias Dahil sa Kanyang mga Kababayan

19 Ang hapdi ay hindi ko halos matagalan!
Kumakabog ang aking dibdib!
Hindi ako mapalagay;
naririnig ko ang tunog ng mga trumpeta at ang sigaw ng digmaan.
20 Sunud-sunod ang mga kapahamakang dumarating sa bayan.
Bigla na lamang bumabagsak ang aming mga tolda
    at napupunit ang mga tabing.
21 Hanggang kailan magtatagal ang paglalaban
    at maririnig ang tunog ng mga trumpeta?

Jeremias 4:29-31

29 Sa yabag ng mangangabayo at mamamana,
    magtatakbuhan ang lahat;
ang ilan ay magtatago sa gubat;
    ang iba nama'y sa kabatuhan aakyat.
Lilisanin ng lahat ang kabayanan,
    at walang matitira isa man.
30 Jerusalem, ikaw ay hinatulan na!
    Bakit nakadamit ka pa ng matingkad na pula?
    Ano't nagsusuot ka pa ng mga alahas, at ang mga mata mo'y may pintang pampaganda?
Pagpapaganda mo'y wala nang saysay!
    Itinakwil ka na ng iyong mga kasintahan;
    at balak ka pa nilang patayin.
31 Narinig ko ang daing,
    gaya ng babaing malapit nang manganak.
Ito ang taghoy ng naghihingalong Jerusalem
    na nakadipa ang mga kamay:
“Ito na ang wakas ko,
    hayan na sila upang patayin ako!”

Juan 10:11-21

11 “Ako(A) ang mabuting pastol. Iniaalay ng mabuting pastol ang kanyang buhay para sa mga tupa. 12 Ang upahan ay tumatakas kapag may dumarating na asong-gubat. Iniiwan niya ang mga tupa, palibhasa'y hindi siya pastol at hindi kanya ang mga ito. Kaya't sinusunggaban ng asong-gubat ang mga ito at binubulabog. 13 Tumatakas siya, palibhasa'y upahan lamang at walang malasakit sa mga tupa. 14-15 Ako(B) nga ang mabuting pastol. Kung paanong kilala ako ng Ama at siya'y kilala ko, gayundin naman, kilala ko ang aking mga tupa at ako nama'y kilala nila. At iniaalay ko ang aking buhay para sa aking mga tupa. 16 Mayroon akong iba pang mga tupa na wala pa sa kulungang ito. Kinakailangang sila'y ipasok ko rin, at papakinggan nila ang aking tinig. Sa gayon, magkakaroon ng isang kawan na may isang pastol.

17 “Dahil dito'y minamahal ako ng Ama, sapagkat iniaalay ko ang aking buhay upang ito'y kunin kong muli. 18 Walang makakakuha ng aking buhay; kusa ko itong ibinibigay. Mayroon akong kapangyarihang ibigay ito at mayroon akong kapangyarihang kunin itong muli. Ang utos na ito'y tinanggap ko mula sa aking Ama.”

19 Dahil sa mga pananalitang ito, nagkabaha-bahagi muli ang mga Judio. 20 Marami sa kanila ang nagsabi, “Sinasapian siya ng demonyo! Nababaliw siya! Bakit kayo nakikinig sa kanya?” 21 Sinabi naman ng iba, “Hindi makakapagsalita nang ganoon ang isang sinasapian ng demonyo! Nakakapagpagaling ba ng bulag ang demonyo?”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.