Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 106:40-48

40 Kaya(A) naman muli, si Yahweh'y nagalit sa mga hinirang,
    siya ay nagdamdam sa ginawa nilang pawang kataksilan.
41 Sa bansang kaaway itong bayan niya'y ipinaubaya,
    sila ay nasakop at ang mga Hentil ay siyang namahala.
42 Inalipin sila at pinahirapan ng mga kaaway,
    pinasuko sila't ipinailalim sa kapangyarihan.
43 Hindi na miminsan, marami nang beses iniligtas sila,
    naghimagsik pa rin, kaya naman sila'y lalong nagkasala.
44 Gayunman, hindi rin tinitiis ng Diyos, kapag nananambitan,
    dinirinig niya't sa taglay na hirap kinahahabagan.
45 Dinirinig sila at inaalaala kanyang kasunduan,
    nahahabag siya dahilan sa wagas niyang pagmamahal.
46 Maging ang sumakop sa mga hinirang ay nangahabag din,
    sapagkat si Yahweh ang siyang nag-utos na iyon ang gawin.

47 Iligtas(B) mo kami, O Yahweh, aming Diyos, Panginoon namin,
    saanman naroon ang mga anak mo ay muling tipunin,
upang ang ngalan mo ay pasalamata't aming dakilain.

48 Purihin si Yahweh, ang Diyos ng Israel,
    purihin siya, ngayon at magpakailanman!
    Ang lahat ng tao ay magsabing, “Amen!”

    Purihin si Yahweh!

Jeremias 10:1-16

Ang Pagsamba sa Diyus-diyosan at ang Tunay na Pagsamba

10 Mga anak ni Israel, pakinggan ninyo ang ipinapasabi ni Yahweh. Ang sabi niya,

“Huwag ninyong tutularan ang ginagawa ng ibang mga bansa;
    o mabahala sa nakikitang mga tanda sa kalangitan,
    na labis nilang kinatatakutan.
Ang dinidiyos nila'y hindi maaasahan.
Isang punongkahoy na pinutol sa gubat,
    inanyuan ng mga dalubhasang kamay,
    at pinalamutian ng ginto at pilak.
Idinikit at pinakuan upang hindi mabuwal.
Ang mga diyus-diyosang ito'y tulad sa panakot ng ibon sa gitna ng bukid,
    hindi nakakapagsalita;
pinapasan pa sila
    sapagkat hindi nakakalakad.
Huwag kayong matakot sa kanila
    sapagkat hindi sila makakagawa ng masama,
    at wala ring magagawang mabuti.”

Wala nang ibang tulad mo, O Yahweh;
    ikaw ay makapangyarihan,
    walang kasindakila ang iyong pangalan.
Sino(A) ang hindi matatakot sa iyo, ikaw na Hari ng lahat ng bansa?
    Karapat-dapat lamang na ikaw ay katakutan.
Kahit na piliin ang lahat ng matatalino
    mula sa lahat ng bansa at mga kaharian,
    wala pa ring makakatulad sa iyo.
Silang lahat ay pawang hangal at mangmang.
    Ano ang maituturo sa kanila ng mga diyus-diyosang kahoy?
Ang kanilang diyus-diyosa'y binalutan ng pilak na galing sa Tarsis,
    at ng gintong mula sa Upaz,
    ginawang lahat ng mahuhusay na kamay;
pagkatapos ay binihisan ng kulay ube at pula
    na hinabi naman ng manghahabing sanay.
10 Ngunit ikaw, Yahweh, ang tunay na Diyos,
    ikaw ang Diyos na buháy,
    at ang Haring walang hanggan.
Nayayanig ang daigdig kapag ikaw ay nagagalit,
    at walang bansang makakatagal sa tindi ng iyong poot.

11 Sabihin ninyo sa mga diyus-diyosan: ang sinumang hindi makalikha ng langit at lupa ay dudurugin at lubusang mawawala sa ibabaw ng daigdig.[a]

Awit ng Pagpupuri sa Diyos

12 Nilikha ni Yahweh ang lupa sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan.
    Lumitaw ang daigdig dahil sa kanyang karunungan,
    at iniladlad niya ang langit sa bisa ng kanyang kaalaman.
13 Pagkarinig sa kanyang utos, umugong ang mga tubig sa kalangitan;
    napagsama-sama niya ang mga ulap mula sa lahat ng hangganan ng lupa.
Nagagawa niyang pakislapin ang kidlat sa gitna ng ulan,
    at nagpapaihip sa hangin mula sa kublihan nito.
14 Sa harapan niya ang bawat tao'y mistulang mangmang;
    malalagay sa kahihiyan bawat panday
    sapagkat ang ginawa nilang mga diyus-diyosan ay hindi totoo at walang buhay.
15 Sila'y walang silbi sapagkat likha lamang ng pandaraya;
    wawasakin silang lahat ni Yahweh.
16 Ngunit hindi ganito ang Diyos ni Jacob;
    siya ang maylikha ng lahat ng bagay;
    at pinili niya ang Israel upang maging kanyang bayan.
    Yahweh ang kanyang pangalan, ang Diyos na Makapangyarihan
    sa lahat.

1 Corinto 9:19-23

19 Malaya ako at di alipin ninuman; ngunit nagpaalipin ako sa lahat upang makahikayat ako ng mas marami sa Panginoon. 20 Sa piling ng mga Judio, ako'y namuhay tulad ng isang Judio upang mahikayat ko sila. Kahit hindi ako saklaw ng Kautusan, nagpailalim ako rito alang-alang sa mga nasa ilalim ng Kautusan, upang mailapit ko sila sa Diyos. 21 Sa piling naman ng mga Hentil, na hindi saklaw ng Kautusan, ako'y naging parang Hentil upang sila'y mahikayat ko rin. Subalit hindi ito nangangahulugang hindi ko sinusunod ang mga utos ng Diyos, sapagkat ako'y nasa ilalim ng kautusan ni Cristo. 22 Sa piling ng mahihina, ako'y naging parang mahina rin upang mahikayat ko sila. Ako'y nakibagay sa lahat ng tao upang sa lahat ng paraan ay makapagligtas ako ng kahit ilan man lamang.

23 Ginagawa ko ang lahat ng ito alang-alang sa Magandang Balita, upang makabahagi ako sa mga pagpapala nito.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.