Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 139:1-6

Lubos ang Kaalaman at Paglingap ng Diyos

Isang Awit na katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.

139 Ako'y iyong siniyasat, batid mo ang aking buhay,
    ang lahat kong lihim, Yahweh, ay tiyak mong nalalaman.
Ang lahat ng gawain ko, sa iyo ay hindi lingid,
    kahit ikaw ay malayo, batid mo ang aking isip.
Ako'y iyong nakikita, gumagawa o hindi man,
    ang lahat ng gawain ko'y pawang iyong nalalaman.
Di pa ako umiimik, yaong aking sasabihi'y
    alam mo nang lahat iyon, lahat ay di malilihim.
Ika'y laging kapiling ko, katabi ko oras-oras,
    ang likas mong kalakasan ang sa aki'y nag-iingat.
Nagtataka ang sarili't alam mo ang aking buhay,
    di ko kayang unawain iyang iyong karunungan.

Mga Awit 139:13-18

13 Ang anumang aking sangkap, ikaw, O Diyos, ang lumikha,
    sa tiyan ng aking ina'y hinugis mo akong bata.
14 Pinupuri kita, O Diyos, marapat kang katakutan,
    ang lahat ng gawain mo ay kahanga-hangang tunay;
    sa loob ng aking puso, lahat ito'y nakikintal.
15 Ang buto ko sa katawan noong iyon ay hugisin,
    sa loob ng bahay-bata doo'y iyong napapansin;
lumalaki ako roong sa iyo'y di nalilihim.
16     Ako'y iyong nakita na, hindi pa man isinilang,
batid mo kung ilang taon ang haba ng aking buhay;
    pagkat ito'y nakatitik sa aklat mo na talaan,
    matagal nang balangkas mong ikaw lamang ang may alam.
17 Tunay,(A) Yahweh, di ko kayang maabot ang iyong isip,
    ang dami ng iyong balak ay hindi ko nababatid;
18 kung ito ay bibilangin, ay sindami ng buhangin,
    sasaiyo pa rin ako kung umaga na magising.

Jeremias 17:14-27

Humingi ng Tulong kay Yahweh si Jeremias

14 Yahweh, pagalingin mo ako, at ako'y lubusang gagaling; sagipin mo ako, at ako'y ganap na maliligtas. Ikaw ang tangi kong pupurihin!

15 Sinasabi sa akin ng mga tao, “Nasaan ang mga banta ni Yahweh laban sa amin? Bakit hindi niya ito gawin ngayon?”

16 Hindi ko hiniling na parusahan mo sila, o ninais na sila'y mapahamak. Yahweh, nalalaman mo ang lahat ng ito; alam mo kung ano ang aking mga sinabi. 17 Huwag mo sana akong takutin; ikaw ang kublihan ko sa panahon ng kagipitan. 18 Biguin mo ang mga umuusig sa akin; ngunit huwag mo akong ilagay sa kahihiyan. Hasikan mo sila ng takot ngunit huwag mo akong tatakutin. Parusahan mo sila at sila'y iyong wasakin.

Paggalang sa Araw ng Pamamahinga

19 Sinabi sa akin ni Yahweh, “Pumunta ka at tumayo sa Pintuang-bayan na pinapasukan at nilalabasan ng mga hari ng Juda; pagkatapos, gayundin ang iyong gawin sa lahat ng pintuang-bayan sa Jerusalem. 20 Sabihin mo sa mga hari, sa lahat ng taga-Juda, sa sinumang nakatira sa Jerusalem, at sa pumapasok sa mga pintuang-bayang ito, na pakinggan ang sasabihin ko: 21 Kung(A) ayaw ninyong mapahamak, huwag kayong magbubuhat ng anuman kung Araw ng Pamamahinga; huwag kayong papasok sa pintuang-bayan ng Jerusalem na may dalang anuman sa araw na iyon. 22 Huwag(B) din kayong magbubuhat ng anuman mula sa inyong bahay at huwag kayong gagawa ng anumang trabaho sa Araw ng Pamamahinga; ito'y igalang ninyo bilang banal na araw, gaya ng iniutos ko sa inyong mga magulang. 23 Ngunit hindi sila nakinig sa akin o kaya'y sumunod, sa halip, nagmatigas pa sila. Ayaw nila akong sundin o paturo sa akin.

24 “Ngunit kung kayo'y makikinig sa akin, at hindi magdadala ng anuman pagpasok sa pintuang-bayan ng lunsod na ito kung Araw ng Pamamahinga; kung igagalang ninyo ang araw na ito bilang banal at hindi kayo gagawa ng anumang gawain, 25 makakapasok sa mga pintuang-bayan ng Jerusalem ang inyong mga hari at pinuno, at mauupo sa trono gaya ni David. Kasama ng mga taga-Juda at taga-Jerusalem, sasakay sila sa mga karwahe at mga kabayo, at laging mapupuno ng mga tao ang lunsod ng Jerusalem. 26 Darating ang mga tao mula sa bawat bayan sa Juda at sa mga nayon sa paligid ng Jerusalem; may darating mula sa lupain ng Benjamin, mula sa paanan ng mga bundok, mula sa kaburulan, at mula sa timog ng Juda. Magdadala sila sa aking Templo ng mga haing susunugin at mga handog na pagkaing butil at inumin, kamanyang, gayundin ng mga handog bilang pasasalamat. 27 Ngunit kailangang sumunod sila sa akin. Dapat nilang igalang ang Araw ng Pamamahinga, at huwag magbubuhat ng anuman sa araw na iyon pagpasok nila sa Jerusalem. Kung hindi, susunugin ko ang mga pintuang-bayan ng Jerusalem. Matutupok ang mga palasyo sa Jerusalem, at walang sinumang makakapatay sa sunog na ito.”

Mateo 10:34-42

Hindi Kapayapaan Kundi Tabak(A)

34 “Huwag ninyong isiping naparito ako upang magdala ng kapayapaan sa lupa; naparito ako upang magdala ng tabak, hindi kapayapaan. 35 Naparito(B) ako upang paglabanin ang anak na lalaki at ang kanyang ama, ang anak na babae at ang kanyang ina, at ang manugang na babae at ang kanyang biyenang babae. 36 At ang magiging kaaway ng isang tao ay kanya na rin mismong mga kasambahay.

37 “Ang umiibig sa kanyang ama o ina nang higit sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. Ang umiibig sa kanyang anak nang higit sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. 38 Ang(C) hindi nagpapasan ng kanyang krus at hindi sumusunod sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. 39 Ang(D) nagsisikap magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito; ngunit ang mawalan ng kanyang buhay alang-alang sa akin ay magkakamit nito.”

Mga Gantimpala(E)

40 “Ang(F) tumatanggap sa inyo ay tumatanggap sa akin, at ang tumatanggap sa akin ay tumatanggap sa nagsugo sa akin. 41 Ang tumatanggap sa isang propeta dahil sa ito'y propeta ay tatanggap ng gantimpalang nauukol sa propeta; at ang tumatanggap sa isang taong matuwid dahil sa ito'y matuwid ay tatanggap ng gantimpalang nauukol sa taong matuwid. 42 Tandaan ninyo: sinumang magbigay ng kahit isang basong malamig na tubig sa isa sa mga maliliit na ito dahil sa siya'y alagad ko, siya'y tiyak na tatanggap ng gantimpala.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.