Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 77:1-2

Kagalakan sa Panahon ng Kahirapan

77 Tumawag ako nang malakas sa Dios.
    Tumawag ako sa kanya upang akoʼy kanyang mapakinggan.
Sa panahon ng kahirapan, nananalangin ako sa Panginoon.
    Pagsapit ng gabi nananalangin akong nakataas ang aking mga kamay, at hindi ako napapagod,
    ngunit wala pa rin akong kaaliwan.

Salmo 77:11-20

11 Panginoon, aalalahanin ko ang inyong mga gawa.
    Gugunitain ko ang mga himalang ginawa nʼyo noon.
12 Iisipin ko at pagbubulay-bulayan ang lahat ng inyong mga dakilang gawa.
13 O Dios, ibang-iba ang inyong mga pamamaraan.
    Wala nang ibang Dios na kasindakila ninyo.
14 Kayo ang Dios na gumagawa ng mga himala.
    Ipinapakita nʼyo sa mga tao ang inyong kapangyarihan.
15 Sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan iniligtas nʼyo ang inyong mga mamamayan na mula sa lahi nina Jacob at Jose.
16 Ang mga tubig, O Dios ay naging parang mga taong natakot at nanginig nang makita kayo.
17 Mula sa mga ulap ay bumuhos ang ulan,
    kumulog sa langit at kumidlat kung saan-saan.
18 Narinig ang kulog mula sa napakalakas na hangin;
    ang mga kidlat ay nagbigay-liwanag sa mundo, at nayanig ang buong daigdig.
19 Tinawid nʼyo ang karagatang may malalaking alon,
    ngunit kahit mga bakas ng paa nʼyo ay hindi nakita.
20 Sa pamamagitan nina Moises at Aaron,
    pinatnubayan nʼyo ang inyong mga mamamayan na parang mga tupa.

2 Hari 1:13-18

13 Nagpadala ang hari ng ikatlong opisyal kasama ang 50 tauhan. Pagdating ng opisyal kay Elias, lumuhod siya bilang paggalang, at nagmakaawa, “Lingkod ng Dios, mahabag ka sa akin at sa mga tauhan ko. Huwag mo kaming patayin na iyong mga lingkod. 14 Nalaman ko na sinunog mo ng apoy mula sa langit ang dalawang opisyal at ang mga tauhan nila. Pero mahabag kayo sa amin.”

15 Sinabi ng anghel ng Panginoon kay Elias, “Sumama ka sa kanya, huwag kang matakot.” Kaya sumama si Elias sa opisyal papunta sa hari.

16 Pagdating ni Elias sa hari, sinabi niya, “Ito ang sinasabi ng Panginoon: Bakit nagsugo ka ng mga mensahero para magtanong kay Baal Zebub, ang dios ng Ekron? Wala na bang Dios sa Israel na mapagtatanungan mo? Dahil sa ginawa mo, hindi ka na makakabangon sa higaan mo. Tiyak na mamamatay ka!”

17 Namatay nga ang hari ayon sa sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ni Elias. Dahil walang anak na lalaki si Ahazia, si Joram na kapatid niya ang pumalit sa kanya bilang hari. Naghari si Joram noong ikalawang taon ng paghahari ni Jehoram na anak ni Haring Jehoshafat ng Juda. 18 Ang iba pang mga salaysay tungkol sa paghahari ni Ahazia ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Israel.

2 Hari 2:3-5

May grupo ng mga propeta roon sa Betel na pumunta kay Eliseo at nagtanong, “Alam mo bang kukunin na ng Panginoon ang guro[a] mo sa araw na ito?” Sumagot si Eliseo, “Oo, alam ko, pero huwag na nating pag-usapan.”

Pagkatapos, sinabi ni Elias kay Eliseo, “Maiwan ka na lang dito, dahil pinapapunta ako ng Panginoon sa Jerico.” Sumagot si Eliseo, “Sumusumpa ako sa buhay na Panginoon at sa iyo, hindi kita iiwan.” Kaya pumunta sila sa Jerico.

Muli, may grupo ng mga propeta roon sa Jerico na pumunta kay Eliseo at nagtanong, “Alam mo bang kukunin na ng Panginoon ang guro mo sa araw na ito?” Sumagot si Eliseo, “Oo, alam ko, pero huwag na nating pag-usapan.”

Lucas 9:21-27

Ang Unang Pagpapahayag ni Jesus tungkol sa Kanyang Kamatayan(A)

21 Mahigpit na sinabihan ni Jesus ang mga tagasunod niya na huwag nilang ipaalam kahit kanino na siya ang Cristo. 22 Sinabi pa niya, “Ako na Anak ng Tao ay kailangang dumanas ng maraming paghihirap. Itatakwil ako ng mga pinuno ng mga Judio, ng mga namamahalang pari, at ng mga tagapagturo ng Kautusan. Ipapapatay nila ako, ngunit sa ikatlong araw ay muli akong mabubuhay.”

23 Pagkatapos, sinabi niya sa kanilang lahat, “Ang sinumang gustong sumunod sa akin ay hindi dapat inuuna ang sarili. At dapat ay handa siyang humarap kahit sa kamatayan[a] alang-alang sa pagsunod niya sa akin araw-araw. 24 Sapagkat ang taong naghahangad magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito. Ngunit ang taong nagnanais mag-alay ng kanyang buhay alang-alang sa akin ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan. 25 Ano ba ang mapapala ng isang tao kung mapasakanya man ang lahat ng bagay sa mundo pero mapapahamak naman ang buhay niya? Wala! 26 Kung ako at ang mga aral ko ay ikakahiya ninuman, ikakahiya ko rin siya kapag ako na Anak ng Tao ay pumarito na taglay ang aking kapangyarihan at ang kapangyarihan ng Ama at ng mga banal na anghel. 27 Sinasabi ko sa inyo ang totoo, may ilan sa inyo rito na hindi mamamatay hanggaʼt hindi nila nakikita ang paghahari ng Dios.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®