Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Papuri sa Karunungan
8 Ang karunungan at pang-unawa ay katulad ng taong nangangaral. 2 Tumatayo siya sa matataas na lugar sa tabi ng daan, sa mga kanto, 3 sa mga pintuan ng lungsod at mga daanan. Nangangaral siya nang malakas,
4 “Kayong mga tao sa buong mundo, pakinggan ninyo ang aking panawagan.
22 Noong una pa, nilikha na ako ng Panginoon bago niya likhain ang lahat.
23-26 Nilikha na niya ako noong una pa man.
Naroon na ako nang wala pa ang mundo, ang mga dagat, mga bukal, mga bundok, mga burol, mga bukid at kahit pa ang mga alikabok.
27 Naroon na ako nang likhain niya ang langit,
maging nang likhain niya ang tagpuan ng langit at ng lupa.
28-29 Naroon din ako nang likhain niya ang mga ulap,
nang palabasin niya ang tubig sa mga bukal mula sa kailaliman,
nang ilagay niya ang hangganan ng mga dagat upang hindi ito umapaw,
at nang ilagay niya ang mga pundasyon ng mundo.
30 Katulad koʼy arkitekto, na nasa tabi ng Panginoon.
Ako ang kanyang kasiyahan sa araw-araw, at lagi naman akong masaya sa piling niya.
31 Natutuwa ako sa mundong nilikha niya at sa mga taong inilagay niya dito.
Ang Kadakilaan ng Dios ay Makikita sa Buong Sanlibutan
8 O Panginoon, aming Panginoon, ang kadakilaan ng inyong pangalan ay makikita sa buong mundo,
at ipinakita nʼyo ang inyong kaluwalhatian hanggang sa kalangitan.
2 Kahit mga bata at sanggol ay nagpupuri sa inyo,
kaya napapahiya at tumatahimik ang inyong mga kaaway.
3 Kapag tumitingala ako sa langit na inyong nilikha,
at aking pinagmamasdan ang buwan at mga bituin sa kanilang kinalalagyan,
4 akoʼy nagtatanong, ano ba ang tao upang inyong alalahanin?
Sino nga ba siya upang inyong kalingain?
5 Ginawa nʼyo kaming mababa ng kaunti sa mga anghel.
Ngunit pinarangalan nʼyo kami na parang mga hari.
6 Ipinamahala nʼyo sa amin ang inyong mga nilalang,
at ipinasailalim sa amin ang lahat ng bagay:
7 mga tupa, mga baka at lahat ng mga mababangis na hayop,
8 ang mga ibon sa himpapawid, mga isda sa dagat at lahat ng naroroon.
9 O Panginoon, aming Panginoon, ang kadakilaan ng inyong pangalan ay makikita sa buong mundo.
Mayroon na Tayong Magandang Relasyon sa Dios
5 Kaya ngayong itinuturing na tayong matuwid dahil sa pananampalataya natin sa ating Panginoong Jesu-Cristo, mayroon na tayong magandang relasyon sa Dios. 2 Sa pamamagitan ni Jesus at dahil sa ating pananampalataya, tinatamasa natin ngayon ang biyaya ng Dios at nagagalak tayo dahil sa ating pag-asa na makakabahagi tayo sa kadakilaan ng Dios. 3 At nagagalak din tayo kahit na dumaranas tayo ng mga paghihirap, dahil natututo tayong magtiis. 4 Alam natin na ang pagtitiis ay nagpapabuti sa ating pagkatao.[a] At kung mabuti ang ating pagkatao,[b] may pag-asa tayo na makakabahagi tayo sa kadakilaan ng Dios. 5 At hindi tayo mabibigo sa ating pag-asa dahil ipinadama ng Dios sa atin ang kanyang pagmamahal sa pamamagitan ng Banal na Espiritu na ibinigay niya sa atin.
12 “Marami pa sana akong sasabihin sa inyo, pero hindi nʼyo pa kayang intindihin sa ngayon. 13 Pero pagdating ng Banal na Espiritu na siyang tagapagturo ng katotohanan, tutulungan niya kayo para maintindihan nʼyo ang lahat ng katotohanan. Ang ituturo niya ay hindi galing sa kanya; sasabihin niya kung ano lang ang narinig niya at ipapahayag din niya sa inyo ang tungkol sa mga bagay na darating. 14 Pararangalan niya ako dahil sa akin manggagaling ang lahat ng ipapahayag niya sa inyo. 15 Ang lahat ng nasa Ama ay nasa akin, kaya sinabi kong sa akin manggagaling ang lahat ng ipapahayag niya sa inyo.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®