Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 48

Ang Zion ang Bayan ng Dios

48 Dakila ang Panginoon na ating Dios,
    at karapat-dapat na papurihan sa kanyang bayan,
    ang kanyang banal na bundok.
Itoʼy mataas at maganda,
    at nagbibigay kagalakan sa buong mundo.
    Ang banal na bundok ng Zion ay ang bayan ng Makapangyarihang Hari.
Ang Dios ay nasa mga muog ng Jerusalem,
    at ipinakita niyang siya ang Tagapagligtas ng mga taga-Jerusalem.

Nagtipon-tipon ang mga hari upang sumalakay sa Jerusalem.
Ngunit noong nakita ng mga hari ang bayan,
    nagulat, natakot at nagsitakas sila.
Dahil sa takot, nanginig sila
    gaya ng babaeng nanganganak na namimilipit sa sakit.
Winasak sila ng Dios tulad ng mga barkong panglayag[a]
    na sinisira ng hanging amihan.

Noon, nabalitaan natin ang ginawa ng ating Dios,
    pero ngayon, tayo mismo ang nakakita sa ginawa niya sa kanyang bayan.
    Siya ang Panginoon ng hukbo ng kalangitan,
    at patatatagin niya ang kanyang bayan magpakailanman.

Sa loob ng inyong templo, O Dios,
    iniisip namin ang pag-ibig nʼyong matapat.
10 O Dios, dakila ang pangalan nʼyo,
    at pinupuri kayo ng mga tao sa buong mundo.
    Ang kapangyarihan nʼyo ay laging makatarungan.
11 Nagagalak ang mga mamamayan ng Zion,[b]
    at ng mga bayan ng Juda,
    dahil sa inyong makatarungang paghatol.

12 Mga mamamayan ng Dios,
    libutin ninyo ang Zion at bilangin ninyo ang mga tore nito.
13 Tingnan ninyong mabuti ang mga pader at ang mga tanggulan ng bayan na ito,
    upang masabi ninyo sa susunod na salinlahi,
14 “Siya ang Dios, ang Dios natin magpakailanman.
    Siya ang gagabay sa atin habang buhay.”

Ezekiel 11:14-25

14 Sinabi sa akin ng Panginoon, 15 “Anak ng tao, ang mga natitira sa Jerusalem ay nagsabi ng ganito tungkol sa kapwa nila Israelitang binihag. ‘Malayo sila sa Panginoon, kaya sa atin na ibinigay ng Panginoon ang lupaing ito.’

16 “Kaya sabihin mo sa mga kasamahan mong bihag na ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi ‘Kahit ipinabihag ko kayo at ipinangalat sa ibaʼt ibang bansa, kasama nʼyo pa rin ako sa mga lugar na iyon. 17 Kaya ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabing muli ko kayong titipunin mula sa mga bansa kung saan kayo nangalat at ibibigay kong muli sa inyo ang lupain ng Israel. 18 At sa inyong pagbabalik, alisin ninyo ang lahat ng kasuklam-suklam na dios-diosan. 19 Babaguhin ko ang inyong puso at pag-iisip nang hindi na kayo maging masuwayin kundi maging masunurin at tapat sa akin. 20 Tutuparin na ninyo ang mga utos koʼt mga tuntunin. Magiging mga mamamayan ko kayo at akoʼy magiging Dios ninyo. 21 Pero ang mga sumasamba sa mga kasuklam-suklam na dios-diosan ay parurusahan ko ayon sa mga ginawa nila. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.’ ”

22 Pagkatapos, lumipad ang mga kerubin kasama ang mga gulong sa gilid nila at ang makapangyarihang presensya ng Dios ng Israel ay nasa itaas nila. 23 At pumailanlang ito mula sa lungsod at bumaba sa bundok, sa silangan ng lungsod. 24 Pagkatapos, nakita ko sa pangitaing ibinigay sa akin ng Espiritu ng Dios, na ibinalik ako sa mga bihag doon sa Babilonia. Pagkatapos ay nawala ang pangitain. 25 At isinalaysay ko sa mga bihag ang lahat ng pangitain na ipinakita sa akin ng Panginoon.

1 Corinto 2:12-16

12 At ang Espiritu na ito ng Dios ang tinanggap nating mga mananampalataya, hindi ang espiritu ng mundong ito, upang maunawaan natin ang mga pagpapalang ibinigay sa atin ng Dios.

13 Kaya nga ipinangangaral namin ang mga bagay na ito sa pamamagitan ng mga salitang mula sa Banal na Espiritu at hindi mula sa karunungan ng tao. Ipinangangaral namin ang espiritwal na mga bagay sa mga taong pinananahanan ng Espiritu. 14 Ngunit sa taong hindi pinananahanan ng Espiritu ng Dios, hindi niya tinatanggap ang mga aral mula sa Espiritu, dahil para sa kanya itoʼy kamangmangan. At hindi niya ito nauunawaan, dahil ang mga bagay na itoʼy mauunawaan lamang sa tulong ng Espiritu. 15 Sa taong pinananahanan ng Espiritu, nauunawaan niya ang mga bagay na ito, ngunit hindi naman siya maunawaan ng mga tao na hindi pinananahanan ng Espiritu ng Dios. 16 Ayon nga sa sinasabi ng Kasulatan,

    “Sino ba ang nakakaalam ng isip ng Panginoon?
    Sino ba ang makakapagpayo sa kanya?”

Ngunit tayo, taglay natin ang pag-iisip ni Cristo, kaya nakakaunawa tayo.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®