Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Hangad ng Taong Lumapit sa Piling ng Panginoon
42 Tulad ng usang sa tubig ng ilog ay nasasabik,
O Dios, ako sa inyoʼy nananabik.
2 Akoʼy nauuhaw sa inyo, Dios na buhay.
Kailan pa kaya ako makakatayo sa presensya nʼyo?
3 Araw-gabiʼy, luha ko lang ang pagkain ko,
habang sinasabi sa akin ng aking mga kaaway,
“Nasaan na ang Dios mo?”
4 Sumasama ang loob ko kapag naaalala ko na dati ay pinangungunahan ko ang maraming tao na pumupunta sa templo.
At kami ay nagdiriwang, sumisigaw sa kagalakan at nagpapasalamat sa inyo.
5 Bakit nga ba ako nalulungkot at nababagabag?
Dapat magtiwala ako sa inyo.
Pupurihin ko kayong muli, aking Dios at Tagapagligtas!
6-7 Nanghihina ang loob ko.
Akoʼy parang tinabunan nʼyo ng malalaking alon,
na umuugong na parang tubig sa talon.
Kaya dito ko muna kayo inaalala sa paligid ng Ilog ng Jordan at Hermon, sa Bundok ng Mizar.
8 Sa araw, Panginoon, ipinapakita nʼyo ang inyong pag-ibig.
Kaya sa gabi, umaawit ako ng aking dalangin sa inyo,
O Dios na nagbigay ng buhay ko.
9 O Dios, na aking batong kanlungan, akoʼy nagtatanong,
“Bakit nʼyo ako kinalimutan?
Bakit kinakailangan pang magdusa ako sa pang-aapi ng aking mga kaaway?”
10 Para bang tumatagos na sa aking mga buto ang pang-iinsulto ng aking mga kaaway.
Patuloy nilang sinasabi, “Nasaan na ang Dios mo?”
11 Bakit nga ba ako nalulungkot at nababagabag?
Dapat magtiwala ako sa inyo.
Pupurihin ko kayong muli, aking Dios at Tagapagligtas!
Ang Panalangin sa Panahon ng Kagipitan
43 Patunayan nʼyo, O Dios, na akoʼy walang kasalanan,
at akoʼy inyong ipagtanggol sa mga hindi matuwid.
Iligtas nʼyo ako sa mga mandaraya at sa masasama.
2 Kayo ang Dios na nag-iingat sa akin,
bakit nʼyo ako itinakwil?
Bakit kailangan pang magdusa ako sa pang-aapi ng aking mga kaaway?
3 Paliwanagan nʼyo ako at turuan ng inyong katotohanan,
upang akoʼy magabayan pabalik sa inyong templo sa banal na bundok.
4 Nang sa gayon, makalapit ako sa inyong altar, O Dios,
na nagpapagalak sa akin.
At sa pamamagitan ng pagtugtog ng alpa ay pupurihin ko kayo, O aking Dios.
5 Bakit nga ba ako nalulungkot at nababagabag?
Dapat magtiwala ako sa inyo.
Pupurihin ko kayong muli, aking Dios at Tagapagligtas!
Asawa para kay Isaac
24 Matandang matanda na si Abraham at pinagpala siya ng Panginoon sa lahat ng bagay. 2 Isang araw, kinausap niya ang tagapamahalang alipin[a] niya na nag-aasikaso ng lahat ng ari-arian niya, “Ilagay mo ang kamay mo sa pagitan ng dalawang hita[b] ko, 3 at sumumpa ka sa akin sa pangalan Panginoon, ang Dios ng kalangitan at ng lupa, na hindi ka pipili ng taga-rito sa Canaan, na kasama nating naninirahan dito, para mapangasawa ng anak kong si Isaac. 4 Pumunta ka sa lugar na pinanggalingan ko, at doon ka pumili ng babaeng mapapangasawa ng anak kong si Isaac, na mula sa mga kamag-anak ko.”
5 Pero nagtanong ang alipin, “Paano po kung ayaw sumama ng babae sa lugar na ito? Dadalhin ko na lang po ba si Isaac doon?”
6 Sumagot si Abraham, “Huwag mong dalhin si Isaac doon! 7 Dinala ako rito ng Panginoon, ang Dios ng kalangitan, mula sa sambahayan ng aking ama, sa lugar kung saan ako isinilang. At sumumpa siya na ibibigay niya ang lupaing ito ng Canaan sa mga lahi ko. Kaya lumakad ka dahil magpapadala ang Panginoon ng anghel niya na sasama sa iyo para makakita ka roon ng mapapangasawa ng anak ko. 8 Kapag hindi sumama sa iyo ang babae, wala kang pananagutan sa pagsumpa mong ito sa akin. Pero huwag mong dadalhin doon ang anak ko.” 9 Kaya inilagay ng alipin ang kamay niya sa pagitan ng dalawang hita ni Abraham na kanyang amo, at sumumpa siya na susundin ang iniutos sa kanya.
10 Pagkatapos, kumuha ang alipin ng sampung kamelyo at mga mamahaling regalo mula sa amo niyang si Abraham. Lumakad siya agad papunta sa Aram Naharaim,[c] ang bayan na tinitirhan ni Nahor. 11 Pagdating ng alipin sa bayan, pinaluhod niya ang mga kamelyo malapit sa balon sa labas ng bayan. Dapit-hapon noon at oras na ng pag-igib ng mga kababaihan.
12 Nanalangin ang alipin, “Panginoon, Dios ng amo kong si Abraham, nawaʼy magtagumpay po ako sa pakay ko rito, at ipakita nʼyo ang kabutihan ninyo sa aking amo. 13 Nakatayo po ako sa tabi ng balon habang umiigib ang mga babae sa bayan na ito. 14 Kung hihingi po ako ng tubig na nasa banga ng isang dalaga, at pumayag siyang painumin ako pati ang mga kamelyo ko, nawaʼy siya na po ang babaeng pinili ninyong maging asawa ng lingkod ninyong si Isaac. Sa ganito ko po malalaman ang pagpapakita nʼyo ng inyong kabutihan sa amo kong si Abraham.”
15 Hindi pa siya natatapos sa pananalangin, dumating si Rebeka na may pasan-pasan na banga sa balikat niya. Si Rebeka ay anak ni Betuel na anak nina Nahor at Milca. Si Nahor ay kapatid ni Abraham. 16 Magandang dalaga si Rebeka at birhen pa. Bumaba siya papunta sa balon at nilagyan niya ng tubig ang kanyang banga. Pagkatapos, umakyat siya para umuwi.
17 Nagmamadali ang alipin sa pagsalubong sa kanya at sinabi, “Pwede mo ba akong painumin sa banga mo kahit kaunti lang.”
18 Sumagot si Rebeka, “Sige Ginoo, uminom ka.” Mula sa balikat niya, ibinaba niya agad ang banga at hinawakan ito habang umiinom ang alipin.
19 Pagkatapos niyang painumin ang alipin, sinabi niya, “Iigib naman ako para sa mga kamelyo mo hanggang sa makainom silang lahat.” 20 Dali-dali niyang ibinuhos ang tubig sa inuman ng mga hayop at bumalik siya sa balon para muling umigib. At patuloy siya sa pag-igib hanggang sa makainom ang lahat ng kamelyo. 21 Habang nakamasid ang alipin kay Rebeka, iniisip niya kung iyon na ang sagot ng Panginoon sa panalangin niya sa pagpunta niya sa lugar na iyon.
Ang mga Judio at ang Kautusan
17 Sinasabi ninyo na mga Judio kayo, nagtitiwala kayo sa Kautusan at ipinagmamalaki ang inyong kaugnayan sa Dios. 18 Alam ninyo kung ano ang kalooban ng Dios at alam din ninyo kung ano ang dapat gawin, dahil itinuro ito sa inyo sa Kautusan. 19 Ipinapalagay ninyong tagaakay kayo ng mga bulag sa katotohanan, ilaw sa mga taong nasa kadiliman, 20 at tagapagturo sa mga kulang ng pang-unawa at mga bata pa sa mga bagay tungkol sa Dios. Ganito nga ang palagay ninyo sa inyong sarili, dahil naniniwala kayo na sa pamamagitan ng Kautusan ay nakamit na ninyo ang lahat ng kaalaman at katotohanan. 21 Tinuturuan ninyo ang iba, pero bakit hindi ninyo maturuan ang inyong sarili? Nangangaral kayong huwag magnakaw, pero kayo mismoʼy nagnanakaw. 22 Sinasabi ninyong huwag mangalunya, pero kayo mismo ay nangangalunya. Kinasusuklaman ninyo ang mga dios-diosang sinasamba ng mga hindi Judio, pero ninanakawan naman ninyo ang kanilang mga templo. 23 Nagmamalaki kayo na nasa inyo ang Kautusan ng Dios, pero ginagawa ninyong kahiya-hiya ang Dios dahil sa paglabag ninyo sa Kautusan. 24 Sinasabi sa Kasulatan, “Dahil sa inyo, nilalapastangan ng mga hindi Judio ang pangalan ng Dios.”[a]
25 Nagtitiwala kayo na kayo ang mga taong pinili ng Dios dahil kayoʼy tuli. May halaga lang ang pagiging tuli kung sinusunod ninyo ang Kautusan. Pero kung nilalabag naman ninyo ang Kautusan, para na rin kayong mga hindi tuli. 26 At kung sinusunod naman ng isang hindi tuli ang Kautusan, ituturing siya ng Dios na para na ring tuli. 27 Kahit na kayo ay mga Judio at tuli, papatunayan ng mga hindi Judio na dapat kayong parusahan. Sapagkat kahit na hindi sila tuli at wala sa kanila ang Kautusan, sinusunod naman nila ito, samantalang kayong mga may hawak ng Kautusan ay lumalabag dito. 28 Ang pagka-Judio ng isang tao ay hindi dahil sa Judio ang kanyang mga magulang at tuli siya sa laman. 29 Ang tunay na Judio ay ang taong nabago[b] ang puso sa pamamagitan ng Espiritu, at hindi dahil tuli siya ayon sa Kautusan. Ang ganyang tao ay pinupuri ng Dios kahit hindi pinupuri ng tao.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®