Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Kagalakan sa Panahon ng Kahirapan
77 Tumawag ako nang malakas sa Dios.
Tumawag ako sa kanya upang akoʼy kanyang mapakinggan.
2 Sa panahon ng kahirapan, nananalangin ako sa Panginoon.
Pagsapit ng gabi nananalangin akong nakataas ang aking mga kamay, at hindi ako napapagod,
ngunit wala pa rin akong kaaliwan.
11 Panginoon, aalalahanin ko ang inyong mga gawa.
Gugunitain ko ang mga himalang ginawa nʼyo noon.
12 Iisipin ko at pagbubulay-bulayan ang lahat ng inyong mga dakilang gawa.
13 O Dios, ibang-iba ang inyong mga pamamaraan.
Wala nang ibang Dios na kasindakila ninyo.
14 Kayo ang Dios na gumagawa ng mga himala.
Ipinapakita nʼyo sa mga tao ang inyong kapangyarihan.
15 Sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan iniligtas nʼyo ang inyong mga mamamayan na mula sa lahi nina Jacob at Jose.
16 Ang mga tubig, O Dios ay naging parang mga taong natakot at nanginig nang makita kayo.
17 Mula sa mga ulap ay bumuhos ang ulan,
kumulog sa langit at kumidlat kung saan-saan.
18 Narinig ang kulog mula sa napakalakas na hangin;
ang mga kidlat ay nagbigay-liwanag sa mundo, at nayanig ang buong daigdig.
19 Tinawid nʼyo ang karagatang may malalaking alon,
ngunit kahit mga bakas ng paa nʼyo ay hindi nakita.
20 Sa pamamagitan nina Moises at Aaron,
pinatnubayan nʼyo ang inyong mga mamamayan na parang mga tupa.
Si Elias at si Haring Ahazia
1 Nang mamatay si Ahab, nagrebelde ang Moab sa Israel.
2 Isang araw, nahulog si Ahazia mula sa bintanang may rehas sa itaas ng kwarto niya sa Samaria, at lubha siyang napinsala. Kaya nagsugo siya ng mga mensahero kay Baal Zebub, ang dios ng Ekron, para magtanong kung gagaling pa siya sa pagkakabaldado niya.
3 Samantala, sinabi ng anghel ng Panginoon kay Elias na taga-Tisbe, “Salubungin mo ang mga mensahero ng hari ng Samaria at tanungin mo sila: Bakit kayo pupunta kay Baal Zebub, ang dios ng Ekron? Wala na bang Dios sa Israel? 4 Kaya ngayon, sabihin ninyo kay Ahazia na ito ang sinasabi sa kanya, ng Panginoon, ‘Hindi ka na makakabangon sa higaan mo. Tiyak na mamamatay ka!’ ” Pagkatapos, umalis na si Elias.
5 Nang masabihan na ni Elias ang mga mensahero, bumalik ang mga ito sa hari. Tinanong sila ng hari, “Bakit kayo bumalik?” 6 Sumagot sila, “Sinalubong po kami ng isang tao at sinabi niya, ‘Bumalik kayo sa hari at sabihin ninyo ang sinabi ng Panginoon: Bakit nagpadala ka ng mga tao para magtanong kay Baal Zebub, ang dios ng Ekron? Wala na bang Dios sa Israel? Dahil sa ginawa mo, hindi ka na makakabangon sa higaan mo. Tiyak na mamamatay ka!’ ”
7 Tinanong sila ng hari, “Ano ang itsura ng taong sumalubong at nagsabi nito sa inyo?” 8 Sumagot sila, “Nakasuot po siya ng damit na yari sa balahibo ng hayop at nakasinturon na yari sa balat.” Sinabi ng hari, “Si Elias iyon na taga-Tisbe.” 9 Pagkatapos, pinapunta ng hari ang isang opisyal,[a] kasama ang 50 tauhan, para hulihin si Elias. Umakyat ang opisyal sa ibabaw ng burol kung saan nakaupo si Elias, at sinabi niya, “Lingkod ng Dios, sinabi ng hari na pumunta ka sa kanya.” 10 Sumagot si Elias sa opisyal, “Kung lingkod nga ako ng Dios, umulan sana ng apoy mula sa langit at sunugin ka pati ang 50 tauhan mo!” Dumating nga ang apoy at nasunog ang opisyal at ang 50 tauhan niya.
11 Muling nagpadala ang hari ng isang opisyal kasama ang 50 tauhan para hulihin si Elias. Sinabi ng opisyal kay Elias, “Lingkod ng Dios, sinabi ng hari na pumunta ka agad sa kanya!” 12 Sumagot si Elias, “Kung lingkod nga ako ng Dios, umulan sana ng apoy mula sa langit at sunugin ka pati ang 50 tauhan mo!” Dumating nga ang apoy ng Dios mula sa langit at nasunog ang opisyal at ang 50 tauhan niya.
Ang Pagmamalasakit ni Pablo sa mga Taga-Galacia
8 Noong hindi nʼyo pa kilala ang Dios, naging alipin kayo ng mga dios-diosan. 9 Ngunit ngayong kilala nʼyo na ang Dios (o mas mabuting sabihin na kinilala kayo ng Dios bilang mga anak) bakit bumabalik pa kayo sa walang bisa at mga walang kwentang panuntunan? Bakit gusto ninyong magpaaliping muli sa mga ito? 10 May pinapahalagahan pa kayong mga araw, buwan, panahon at mga taon! 11 Nag-aalala ako na baka nasayang lang ang lahat ng pagsisikap ko sa inyo.
12 Nakikiusap ako sa inyo mga kapatid, na tularan ninyo ako, dahil kahit isa akong Judio, tinalikuran ko ang pagsunod sa Kautusan ng mga Judio at naging katulad ninyong hindi Judio.
Wala kayong kasalanan sa akin. 13 Alam naman ninyo na ang pagkakasakit ko ang naging dahilan kaya ko naipangaral sa inyo ang Magandang Balita sa unang pagkakataon. 14 Kahit naging pagsubok sa inyo ang sakit ko, hindi nʼyo ako hinamak o itinakwil. Sa halip, tinanggap nʼyo pa nga ako na parang isang anghel ng Dios o parang ako na mismo si Jesu-Cristo. 15 Napakasaya natin noon. Ano ang nangyari? Ako mismo ang makakapagpatunay na kung maaari lang noon ay dinukit na ninyo ang inyong mga mata para ibigay sa akin. 16 Naging kaaway na ba ninyo ako dahil sinasabi ko ang katotohanan?
17 May mga tao riyan na nagpapakita ng pagmamalasakit sa inyo, pero hindi mabuti ang hangarin nila. Gusto lang nila akong siraan, para sila ang sundin ninyo. 18 Hindi masamang magpakita sila ng pagmamalasakit kahit wala ako sa piling nʼyo, bastaʼt mabuti lang ang hangarin nila. 19 Minamahal kong mga anak, hanggaʼt hindi nakikita sa inyo ang buhay ni Cristo, maghihirap akong parang isang babaeng nanganganak. 20 Kung maaari lang sana, makapunta na ako riyan at makausap kayo nang maayos dahil nag-aalala ako ng labis sa inyo!
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®