Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Tumakas si Elias
19 Ngayon, sinabi ni Ahab sa asawa niyang si Jezebel ang lahat ng ginawa ni Elias, at kung paano nito pinagpapatay ang lahat ng propeta ni Baal. 2 Kaya nagpadala si Jezebel ng mensahe para kay Elias na nagsasabi, “Lubusan sana akong parusahan ng mga dios kung sa ganitong oras bukas ay hindi pa kita napapatay, tulad ng ginawa mo sa mga propeta.”
3 Natakot si Elias, kaya tumakas siya papunta sa Beersheba na sakop ng Juda, at iniwan niya roon ang utusan niya. 4 Pagkatapos, naglakad siya ng isang araw papuntang ilang. Nagpahinga siya at umupo sa ilalim ng punongkahoy at nanalangin na mamatay na lang sana siya. Sinabi niya, “Sobra na po ito Panginoon! Kunin na lang ninyo ang buhay ko, wala naman akong ipinagkaiba sa aking mga ninuno.”
5 Pagkatapos, humiga siya sa ilalim ng punongkahoy, at nakatulog.
Biglang may anghel na kumalabit sa kanya at sinabi, “Bumangon ka at kumain.” 6 Pagdilat niya, may nakita siyang tinapay sa ulunan niya, na niluto sa mainit na bato, at tubig na nakalagay sa sisidlan. Kumain siya at uminom, at nahigang muli. 7 Muling bumalik ang anghel ng Panginoon, kinalabit si Elias at sinabi, “Bumangon ka at kumain, dahil malayo pa ang iyong lalakbayin.”
8 Kaya bumangon si Elias, kumain, at uminom. Pinalakas siya ng kanyang kinain, at naglakbay siya sa loob ng 40 araw at 40 gabi, hanggang makarating siya sa Horeb,[a] ang bundok ng Dios. 9 Pumasok siya sa isang kweba at doon natulog kinagabihan.
Nakipag-usap ang Panginoon kay Elias
Ngayon, sinabi sa kanya ng Panginoon, “Ano ang ginagawa mo rito Elias?” 10 Sumagot siya, “O Panginoon, Dios na Makapangyarihan, tapat po akong naglilingkod sa inyo. Pero itinakwil ng mga Israelita ang kasunduan nila sa inyo, winasak nila ang mga altar ninyo, at pinagpapatay ang mga propeta ninyo. Ako na lang po ang natira, at pinagsisikapan din nila akong patayin.” 11 Nagsalita ang Panginoon, “Lumabas ka at tumayo sa ibabaw ng bundok sa aking presensya, dahil dadaan ako.” Pagkatapos, may dumaan na napakalakas na hangin, na bumitak sa mga bundok at dumurog sa mga bato, pero wala ang Panginoon sa hangin. Pagkatapos ng hangin, lumindol, pero wala rin ang Panginoon sa lindol. 12 Pagkatapos ng lindol, may apoy na dumating, pero wala pa rin ang Panginoon sa apoy. Pagkatapos ng apoy, may narinig siyang tinig na parang bulong. 13 Nang marinig ito ni Elias, nagtakip siya ng kanyang mukha gamit ang kanyang balabal, lumabas siya at tumayo sa bungad ng kweba. Biglang may tinig na nagsabi sa kanya, “Ano ang ginagawa mo rito, Elias?” 14 Sumagot siya, “O Panginoon, Dios na Makapangyarihan, tapat po akong naglilingkod sa inyo, pero itinakwil ng mga Israelita ang kasunduan nila sa inyo, winasak nila ang mga altar ninyo, at pinagpapatay ang mga propeta ninyo. Ako na lang po ang natitira, at pinagsisikapan din nila akong patayin.” 15 Nagsalita ang Panginoon sa kanya, “Bumalik ka sa iyong dinaanan, at pumunta sa ilang ng Damascus. Pagdating mo roon, pahiran mo ng langis si Hazael bilang pagkilala na siya na ang hari ng Aram.[b]
Ang Hangad ng Taong Lumapit sa Piling ng Panginoon
42 Tulad ng usang sa tubig ng ilog ay nasasabik,
O Dios, ako sa inyoʼy nananabik.
2 Akoʼy nauuhaw sa inyo, Dios na buhay.
Kailan pa kaya ako makakatayo sa presensya nʼyo?
3 Araw-gabiʼy, luha ko lang ang pagkain ko,
habang sinasabi sa akin ng aking mga kaaway,
“Nasaan na ang Dios mo?”
4 Sumasama ang loob ko kapag naaalala ko na dati ay pinangungunahan ko ang maraming tao na pumupunta sa templo.
At kami ay nagdiriwang, sumisigaw sa kagalakan at nagpapasalamat sa inyo.
5 Bakit nga ba ako nalulungkot at nababagabag?
Dapat magtiwala ako sa inyo.
Pupurihin ko kayong muli, aking Dios at Tagapagligtas!
6-7 Nanghihina ang loob ko.
Akoʼy parang tinabunan nʼyo ng malalaking alon,
na umuugong na parang tubig sa talon.
Kaya dito ko muna kayo inaalala sa paligid ng Ilog ng Jordan at Hermon, sa Bundok ng Mizar.
8 Sa araw, Panginoon, ipinapakita nʼyo ang inyong pag-ibig.
Kaya sa gabi, umaawit ako ng aking dalangin sa inyo,
O Dios na nagbigay ng buhay ko.
9 O Dios, na aking batong kanlungan, akoʼy nagtatanong,
“Bakit nʼyo ako kinalimutan?
Bakit kinakailangan pang magdusa ako sa pang-aapi ng aking mga kaaway?”
10 Para bang tumatagos na sa aking mga buto ang pang-iinsulto ng aking mga kaaway.
Patuloy nilang sinasabi, “Nasaan na ang Dios mo?”
11 Bakit nga ba ako nalulungkot at nababagabag?
Dapat magtiwala ako sa inyo.
Pupurihin ko kayong muli, aking Dios at Tagapagligtas!
Ang Panalangin sa Panahon ng Kagipitan
43 Patunayan nʼyo, O Dios, na akoʼy walang kasalanan,
at akoʼy inyong ipagtanggol sa mga hindi matuwid.
Iligtas nʼyo ako sa mga mandaraya at sa masasama.
2 Kayo ang Dios na nag-iingat sa akin,
bakit nʼyo ako itinakwil?
Bakit kailangan pang magdusa ako sa pang-aapi ng aking mga kaaway?
3 Paliwanagan nʼyo ako at turuan ng inyong katotohanan,
upang akoʼy magabayan pabalik sa inyong templo sa banal na bundok.
4 Nang sa gayon, makalapit ako sa inyong altar, O Dios,
na nagpapagalak sa akin.
At sa pamamagitan ng pagtugtog ng alpa ay pupurihin ko kayo, O aking Dios.
5 Bakit nga ba ako nalulungkot at nababagabag?
Dapat magtiwala ako sa inyo.
Pupurihin ko kayong muli, aking Dios at Tagapagligtas!
23 Noong hindi pa dumarating itong tinatawag na pananampalataya kay Cristo, para tayong mga bilanggo. Binilanggo tayo ng kautusan hanggang sa araw na inihayag ang kaligtasan natin sa pamamagitan ng pananampalataya. 24 Ang Kautusan ay naging tagapag-alaga natin hanggang sa dumating si Cristo, para sa pamamagitan ng pananampalataya sa kanya ay maituring tayong matuwid. 25 At ngayong may pananampalataya na, wala na tayo sa patnubay ng Kautusan na tagapag-alaga.
Mga Anak ng Dios sa Pananampalataya
26 Kayong lahat ay mga anak ng Dios dahil sa pananampalataya ninyo kay Cristo Jesus. 27 Sapagkat binautismuhan kayo sa pakikipag-isa ninyo kay Cristo[a] at namumuhay kayong katulad niya. 28 Ngayon, wala nang pagkakaiba ang Judio sa hindi Judio, ang alipin sa malaya, ang lalaki sa babae. Kayong lahat ay iisa na dahil kayoʼy nakay Cristo na. 29 At dahil kayoʼy kay Cristo na, kabilang na kayo sa lahi ni Abraham at mga tagapagmana ng mga ipinangako ng Dios sa kanya.
Pinagaling ni Jesus ang Taong Sinaniban ng Masamang Espiritu(A)
26 Nagpatuloy sila sa paglalayag hanggang sa makarating sila sa lupain ng mga Geraseno[a] na katapat ng Galilea. 27 Pagkababa ni Jesus sa bangka, sinalubong siya ng isang lalaking taga-roon na sinasaniban ng masasamang espiritu. Matagal na itong walang suot na damit at ayaw tumira sa bahay kundi sa mga kwebang libingan. 28 Nang makita niya si Jesus, sumigaw siya at lumuhod sa harapan ni Jesus. At sinabi niya nang malakas, “Ano ang pakialam mo sa akin, Jesus na Anak ng Kataas-taasang Dios? Nakikiusap ako sa iyo, huwag mo akong pahirapan!” 29 Sinabi niya ito dahil inutusan ni Jesus na lumabas ang masamang espiritu sa kanya. Matagal na siyang sinasaniban nito. At kahit tinatalian siya ng kadena sa kamay at paa at binabantayan, nilalagot niya ang kadena, at pinapapunta siya ng demonyo sa ilang. 30 Tinanong siya ni Jesus, “Ano ang pangalan mo?” Sagot niya, “Kawan,” dahil maraming masamang espiritu ang pumasok sa kanya. 31 Nagmakaawa ang masasamang espiritu kay Jesus na huwag silang papuntahin sa kailaliman at parusahan doon. 32 Sa di-kalayuan ay may malaking kawan ng mga baboy na nanginginain sa gilid ng burol. Nagmakaawa ang masasamang espiritu kay Jesus na payagan silang pumasok sa mga baboy, at pinayagan naman sila ni Jesus. 33 Kaya lumabas ang masasamang espiritu sa lalaki at pumasok sa mga baboy. Nagtakbuhan ang mga baboy pababa ng burol, nagtuloy-tuloy sa lawa at nalunod.
34 Nang makita iyon ng mga tagapag-alaga ng mga baboy, tumakbo sila patungo sa bayan at sa mga karatig nayon at ipinamalita ang nangyari. 35 Kaya pumunta roon ang mga tao para tingnan ang nangyari. Pagdating nila kay Jesus, nakita nila ang taong sinaniban dati ng masasamang espiritu na nakaupo sa paanan ni Jesus, nakadamit at matino na ang pag-iisip. At natakot ang mga tao. 36 Ikinuwento sa kanila ng mga nakakita kung paano gumaling ang lalaking sinaniban ng masasamang espiritu. 37 Nakiusap ang lahat ng Geraseno[b] kay Jesus na umalis sa kanilang bayan dahil takot na takot sila. Kaya muling sumakay si Jesus sa bangka upang bumalik sa pinanggalingan niya. 38 Nakiusap sa kanya ang lalaking gumaling na isama siya. Pero hindi pumayag si Jesus. Sinabi niya, 39 “Umuwi ka na sa inyo at sabihin mo sa kanila ang ginawa sa iyo ng Dios.” Umuwi nga ang lalaki at ipinamalita sa buong bayan ang ginawa sa kanya ni Jesus.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®