Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 42

Ang Hangad ng Taong Lumapit sa Piling ng Panginoon

42 Tulad ng usang sa tubig ng ilog ay nasasabik,
    O Dios, ako sa inyoʼy nananabik.
Akoʼy nauuhaw sa inyo, Dios na buhay.
    Kailan pa kaya ako makakatayo sa presensya nʼyo?
Araw-gabiʼy, luha ko lang ang pagkain ko,
    habang sinasabi sa akin ng aking mga kaaway,
    “Nasaan na ang Dios mo?”
Sumasama ang loob ko kapag naaalala ko na dati ay pinangungunahan ko ang maraming tao na pumupunta sa templo.
    At kami ay nagdiriwang, sumisigaw sa kagalakan at nagpapasalamat sa inyo.

Bakit nga ba ako nalulungkot at nababagabag?
    Dapat magtiwala ako sa inyo.
    Pupurihin ko kayong muli, aking Dios at Tagapagligtas!
6-7 Nanghihina ang loob ko.
    Akoʼy parang tinabunan nʼyo ng malalaking alon,
    na umuugong na parang tubig sa talon.
    Kaya dito ko muna kayo inaalala sa paligid ng Ilog ng Jordan at Hermon, sa Bundok ng Mizar.
Sa araw, Panginoon, ipinapakita nʼyo ang inyong pag-ibig.
    Kaya sa gabi, umaawit ako ng aking dalangin sa inyo,
    O Dios na nagbigay ng buhay ko.
O Dios, na aking batong kanlungan, akoʼy nagtatanong,
    “Bakit nʼyo ako kinalimutan?
    Bakit kinakailangan pang magdusa ako sa pang-aapi ng aking mga kaaway?”
10 Para bang tumatagos na sa aking mga buto ang pang-iinsulto ng aking mga kaaway.
    Patuloy nilang sinasabi, “Nasaan na ang Dios mo?”
11 Bakit nga ba ako nalulungkot at nababagabag?
    Dapat magtiwala ako sa inyo.
    Pupurihin ko kayong muli, aking Dios at Tagapagligtas!

Salmo 43

Ang Panalangin sa Panahon ng Kagipitan

43 Patunayan nʼyo, O Dios, na akoʼy walang kasalanan,
    at akoʼy inyong ipagtanggol sa mga hindi matuwid.
    Iligtas nʼyo ako sa mga mandaraya at sa masasama.
Kayo ang Dios na nag-iingat sa akin,
    bakit nʼyo ako itinakwil?
    Bakit kailangan pang magdusa ako sa pang-aapi ng aking mga kaaway?
Paliwanagan nʼyo ako at turuan ng inyong katotohanan,
    upang akoʼy magabayan pabalik sa inyong templo sa banal na bundok.
Nang sa gayon, makalapit ako sa inyong altar, O Dios,
    na nagpapagalak sa akin.
    At sa pamamagitan ng pagtugtog ng alpa ay pupurihin ko kayo, O aking Dios.
Bakit nga ba ako nalulungkot at nababagabag?
    Dapat magtiwala ako sa inyo.
    Pupurihin ko kayong muli, aking Dios at Tagapagligtas!

Kawikaan 11:3-13

Ang pamumuhay nang may katapatan ang gagabay sa taong matuwid, ngunit ang taong mandaraya ay mapapahamak dahil hindi tama ang kanyang pamumuhay.
Ang kayamanan ay hindi makakatulong sa araw ng paghuhukom, ngunit ang matuwid na pamumuhay ay magliligtas sa iyo sa kamatayan.
Ang matuwid at walang kapintasang pamumuhay ay makapagpapagaan ng buhay, ngunit ang masamang pamumuhay ay maghahatid ng kapahamakan.
Ang pamumuhay ng taong matuwid ang magliligtas sa kanya, ngunit ang hangad ng taong mandaraya ang magpapahamak sa kanya.
Kapag namatay ang taong masama, pag-asa niyaʼy mawawala, at ang kanyang mga inaasahan ay mawawalan ng kabuluhan.
Inililigtas ng Dios sa kahirapan ang matuwid, ngunit ang masama ay kanyang pinapabayaan.
Sinisira ng hindi makadios ang kapwa niya sa pamamagitan ng kanyang mga salita. Ang taong matuwid ay maililigtas ng kanyang kaalaman.
10 Kapag ang matuwid ay pinagpapala, mga taoʼy sumisigaw sa tuwa. At kapag ang masama ay napapahamak ganoon din ang kanilang ginagawa.
11 Umuunlad ang isang bayan sa pagpapala ng mga mamamayang matuwid, subalit nawawasak ito sa pamamagitan ng salita ng masama.
12 Ang taong walang pang-unawa ay kinukutya ang kapwa, ngunit ang taong may pang-unawa ay hindi nangungutya.
13 Ang mga taong madaldal ay nagsisiwalat ng sikreto ng iba, ngunit ang taong mapagkakatiwalaan ay nakakapagtago ng sikreto ng iba.

Mateo 9:27-34

Pinagaling ni Jesus ang Dalawang Bulag

27 Pagkaalis ni Jesus sa lugar na iyon, sumunod sa kanya ang dalawang bulag na sumisigaw, “Anak ni David,[a] maawa po kayo sa amin!” 28 Pagdating ni Jesus sa bahay na kanyang tutuluyan, lumapit sa kanya ang mga bulag na lalaki. Tinanong sila ni Jesus, “Naniniwala ba kayo na kaya ko kayong pagalingin?” Sumagot sila, “Opo, Panginoon.” 29 At hinipo ni Jesus ang mga mata nila, at sinabi, “Mangyari sa inyo ang ayon sa inyong pananampalataya.” 30 At nakakita nga ang dalawa. Mahigpit silang pinagbilinan ni Jesus na huwag nila itong sasabihin kaninuman. 31 Pero umalis ang dalawa at ibinalita nila sa buong lugar na iyon ang ginawa sa kanila ni Jesus.

Pinagaling ni Jesus ang Isang Pipi

32 Habang paalis na sina Jesus, dinala sa kanya ang isang lalaking pipi na sinasaniban ng masamang espiritu. 33 Pinalayas ni Jesus ang masamang espiritu, at nakapagsalita ang pipi. Namangha ang mga tao at sinabi, “Kailanman ay hindi pa nangyari ang ganito sa buong Israel.” 34 Pero sinabi ng mga Pariseo, “Ang pinuno ng masasamang espiritu ang nagbigay sa kanya ng kapangyarihang magpalayas ng masasamang espiritu.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®