Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Dios ang Hukom
75 O Dios, nagpapasalamat kami sa inyo.
Nagpapasalamat kami dahil malapit kayo sa amin.
Ipinapahayag ng mga tao ang inyong mga kahanga-hangang ginawa.
2 Sinabi nʼyo O Dios, “May itinakda akong panahon ng paghatol at hahatol ako nang may katuwiran.”
3 Kapag yumanig ang mundo at ang mga taoʼy magkagulo sa takot,
ako ang magpapatibay ng pundasyon ng mundo.
4 Sinasabi ko sa mga hambog, “Huwag kayong magyabang”
at sa masasama, “Huwag ninyong ipagmalaki ang inyong kakayahan.
5 Tigilan nʼyo na ang pagmamalaki na kayo ay nanalo at magpakumbaba na kayo.”
6 Dahil ang tagumpay ng taoʼy hindi nagmumula sa kung saan-saan,[a]
7 kundi sa Dios lamang.
Siya ang humahatol;
kung sino ang ibababa at kung sino ang itataas.
8 Dahil ang Panginoon ang humahawak ng kopa na puno ng bumubulang matapang na alak na nagpapahiwatig ng kanyang galit.
Ibinubuhos niya ito at ipinaiinom sa masasama hanggang sa huling patak.
9 Ngunit ako, walang tigil kong ipahahayag ang tungkol sa Dios ni Jacob,
aawit ako ng mga papuri para sa kanya.
10 Aalisin niya[b] ang kakayahan ng masasama,[c]
ngunit dadagdagan niya ang kapangyarihan ng matutuwid.
15 Nang makita ito ng grupo ng mga propeta na galing sa Jerico, sinabi nila, “Ang kapangyarihan ni Elias ay sumasakanya.” Kaya sinalubong nila si Eliseo at yumukod sila bilang paggalang sa kanya. 16 Sinabi nila, “May kasama kaming 50 malalakas na tao. Hayaan mong hanapin nila ang guro mo. Baka dinala lang siya ng Espiritu ng Panginoon sa isang bundok o sa isang lambak.” Sumagot si Eliseo, “Huwag na ninyo silang paalisin.” 17 Pero nagpumilit sila hanggang sa nahiya na lang siya na tumanggi. Sinabi niya, “Sige, paalisin ninyo sila.” Kaya pinaalis nila ang 50 tao at sa loob ng tatlong araw ay hinanap nila si Elias, pero hindi nila ito nakita. 18 Pagbalik nila kay Eliseo, na nasa Jerico pa, sinabi ni Eliseo sa kanila, “Hindi baʼt sinabi ko sa inyo na huwag na kayong umalis?”
Ang mga Himala na Ginawa ni Eliseo
19 Ang mga tao sa lungsod ng Jerico ay nagsabi kay Eliseo, “Ginoo, nakita naman po ninyo na mabuti ang kinatatayuan ng aming lugar, pero marumi ang tubig at hindi tinutubuan ng pananim ang lupa.”[a] 20 Sinabi ni Eliseo, “Dalhan ninyo ako ng bagong mangkok at lagyan ito ng asin.” Kaya siyaʼy dinalhan nila nito. 21 Pumunta siya sa bukal at inihagis doon ang asin at sinabi, “Ito ang sinasabi ng Panginoon: Lilinis ang tubig na ito. At mula ngayon, hindi na ito magiging sanhi ng kamatayan o hindi pagtubo ng mga pananim.”[b] 22 Mula noon, naging malinis na ang tubig, ayon sa sinabi ni Eliseo na mangyayari.
7 Mga minamahal, hindi bago ang ibinibigay kong utos na magmahalan kayo, kundi dati na. Ang utos na ito ay walang iba kundi ang mensaheng narinig at tinanggap ninyo mula nang sumampalataya kayo. 8 Ngunit masasabi rin natin na ang utos na itoʼy bago, dahil lumilipas na ang kadiliman at nagliliwanag na ang tunay na ilaw. At ang katotohanang ito ay nakita sa buhay ni Cristo at maging sa inyo. 9 Ang sinumang nagsasabing siyaʼy nasa liwanag ngunit napopoot naman sa kanyang kapatid ay nasa kadiliman pa rin. 10 Ang sinumang nagmamahal sa kanyang kapatid ay namumuhay sa liwanag, at walang anuman sa buhay niya ang magiging dahilan ng pagkakasala ng kanyang kapwa. 11 Ngunit ang sinumang napopoot sa kanyang kapatid ay nasa kadiliman. Lumalakad siya sa kadiliman at hindi niya alam ang kanyang patutunguhan dahil binulag siya ng kadilimang ito.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®