Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Dalangin para Iligtas ng Dios
44 O Dios, narinig namin mula sa aming mga ninuno
ang tungkol sa mga ginawa nʼyo sa kanila noong kanilang kapanahunan.
Matagal nang panahon ang lumipas.
2 Ang mga bansang hindi naniniwala sa inyo
ay pinalayas nʼyo sa kanilang mga lupain at pinarusahan,
samantalang ang aming mga ninuno ay itinanim nʼyo roon at pinalago.
3 Nasakop nila ang lupain,
hindi dahil sa kanilang mga armas.
Nagtagumpay sila hindi dahil sa kanilang lakas,
kundi sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan, pagpapala at kakayahan,
dahil mahal nʼyo sila.
4 O Dios, kayo ang aking Hari na nagbigay ng tagumpay sa amin na lahi ni Jacob.
5 Sa pamamagitan nʼyo pinatumbaʼt tinapak-tapakan namin ang aming mga kaaway.
6 Hindi ako nagtitiwala sa aking espada at pana upang akoʼy magtagumpay,
7 dahil kayo ang nagpapatagumpay sa amin.
Hinihiya nʼyo ang mga kumakalaban sa amin.
8 O Dios, kayo ang lagi naming ipinagmamalaki,
at pupurihin namin kayo magpakailanman.
9 Ngunit ngayoʼy itinakwil nʼyo na kami at inilagay sa kahihiyan.
Ang mga sundalo namin ay hindi nʼyo na sinasamahan.
10 Pinaatras nʼyo kami sa aming mga kaaway,
at ang aming mga ari-arian ay kanilang sinamsam.
11 Pinabayaan nʼyong kami ay lapain na parang mga tupa.
Pinangalat nʼyo kami sa mga bansa.
12 Kami na inyong mga mamamayan ay ipinagbili nʼyo sa kaunting halaga.
Parang wala kaming kwenta sa inyo.
13 Ginawa nʼyo kaming kahiya-hiya;
iniinsulto at pinagtatawanan kami ng aming mga kalapit na bansa.
14 Ginawa nʼyo kaming katawa-tawa sa mga bansa,
at pailing-iling pa sila habang nang-iinsulto.
15 Akoʼy palaging inilalagay sa kahihiyan.
Wala na akong mukhang maihaharap pa,
16 dahil sa pangungutya at insulto sa akin ng aking mga kaaway na gumaganti sa akin.
17 Ang lahat ng ito ay nangyari sa amin
kahit na kami ay hindi nakalimot sa inyo,
o lumabag man sa inyong kasunduan.
18 Hindi kami tumalikod sa inyo,
at hindi kami lumihis sa inyong pamamaraan.
19 Ngunit kami ay inilugmok nʼyo at pinabayaan sa dakong madilim na tinitirhan ng mga asong-gubat.[a]
20 O Dios, kung kayo ay nakalimutan namin,
at sa ibang dios, kami ay nanalangin,
21 hindi baʼt iyon ay malalaman nʼyo rin?
Dahil alam nʼyo kahit ang mga lihim sa isip ng tao.
22 Ngunit dahil sa aming pananampalataya sa inyo,
kami ay palaging nasa panganib ang aming buhay.
Para kaming mga tupang kakatayin.
23 Sige na po, Panginoon! Kumilos na kayo!
Huwag nʼyo kaming itakwil magpakailanman.
24 Bakit nʼyo kami binabalewala?
Bakit hindi nʼyo pinapansin ang aming pagdurusa at ang pang-aapi sa amin?
25 Nagsibagsak na kami sa lupa at hindi na makabangon.
26 Sige na po, tulungan nʼyo na kami.
Iligtas nʼyo na kami dahil sa inyong pagmamahal sa amin.
11 Kayo ring mga taga-Juda ay nakatakda nang parusahan.
“Gusto ko sanang ibalik ang mabuting kalagayan ng aking mga mamamayan.”
7 “Gusto ko sanang pagalingin ang mga taga-Israel. Pero ang nakikita ko sa kanila[a] ay ang kanilang mga kasamaan. Nandaraya sila, pinapasok ang mga bahay para nakawan, at nanghoholdap sa mga daan. 2 Hindi nila naiisip na hindi ko nakakalimutan ang kanilang mga kasamaan. Hanggang ngayon ay nakatali pa sila sa kanilang mga kasalanan at nakikita kong lahat ito. 3 Napapasaya nila ang kanilang hari at mga pinuno sa kanilang kasamaan at kasinungalingan. 4 Lahat silaʼy mga taksil.[b] Para silang mainit na pugon na ang apoy ay hindi na kailangang paningasin ng panadero mula sa oras ng pagmamasa ng harina hanggang sa itoʼy umalsa. 5 Nang dumating ang kaarawan[c] ng kanilang[d] hari, nilasing nila ang mga opisyal nito. At pati ang hari ay nakipag-inuman na rin sa kanyang mga mapanghusga na mga opisyal. 6 At habang papalapit sila sa hari at sa kanyang mga opisyal para patayin, nagniningas ang kanilang galit na parang mainit na pugon. Bago pa sila sumalakay, magdamag ang kanilang pagtitimpi ng kanilang galit, kaya kinaumagahan para na itong nagniningas na apoy. 7 Galit na galit silang lahat na para ngang nagniningas na pugon. Kaya pinatay nila ang kanilang mga pinuno. Bumagsak lahat ang kanilang mga hari, pero wala ni isa man sa kanila ang humingi ng tulong sa akin.
8 “Nakikisalamuha ang Israel[e] sa ibang bansa. Silaʼy walang pakinabang tulad ng nilutong manipis na tinapay na nakalimutang baligtarin.[f] 9 Inuubos ng mga taga-ibang bansa ang kanilang kakayahan, pero hindi nila ito namamalayan; katulad sila ng isang tao na pumuputi na ang buhok pero hindi niya ito napapansin. 10 Ang kanilang pagmamataas ay nagpapatunay na dapat silang parusahan. Pero kahit nangyayari ang lahat ng ito sa kanila, hindi pa rin sila nagbalik-loob at lumapit sa akin na kanilang Dios. 11 Para silang kalapati na kaydaling lokohin at walang pang-unawa. Humingi sila ng tulong sa Egipto at Asiria. 12 Pero habang pumaparoon sila, pipigilan[g] ko sila na parang ibon na nahuli sa lambat at hinila pababa. Parurusahan ko sila ayon sa aking sinabi sa kanilang pagtitipon. 13 Nakakaawa sila dahil lumayo sila sa akin. Lilipulin ko sila dahil naghimagsik sila sa akin. Gusto ko sana silang iligtas, pero nagsalita sila ng kasinungalingan tungkol sa akin. 14 Hindi tapat ang kanilang pagtawag sa akin. Umiiyak sila sa kanilang mga higaan at sinasaktan ang sarili[h] habang humihingi ng pagkain at inumin sa mga dios-diosan. 15 Dinisiplina ko sila upang maging matatag, pero nagbalak pa rin sila ng masama laban sa akin. 16 Lumapit sila sa mga bagay na walang kabuluhan.[i] Para silang panang baluktot na walang silbi. Mamamatay sa digmaan ang kanilang mga pinuno dahil wala silang galang kapag nagsasalita. At dahil dito, kukutyain sila ng mga taga-Egipto.
Mahalin Ninyo ang Inyong Kaaway(A)
43 “Narinig ninyo na sinabi noong una, ‘Mahalin mo ang iyong kaibigan, at kapootan mo ang iyong kaaway.’ 44 Ngunit sinasabi ko sa inyo na mahalin ninyo ang inyong mga kaaway at ipanalangin ninyo ang mga umuusig sa inyo. 45 Kung gagawin ninyo ito, magiging tunay na anak kayo ng inyong Amang nasa langit. Sapagkat hindi lang sa mabubuting tao niya pinapasikat ang araw kundi pati na rin sa masasama. At hindi lang ang matutuwid ang binibigyan niya ng ulan kundi pati na rin ang mga hindi matuwid. 46 Kung ang mamahalin lang ninyo ay ang mga nagmamahal sa inyo, anong gantimpala ang matatanggap ninyo mula sa Dios? Hindi baʼt ginagawa rin iyan ng mga maniningil ng buwis na itinuturing na masasama? 47 At kung ang binabati lang ninyo ay ang mga kaibigan[a] ninyo, ano ang ginawa ninyo na nakakahigit sa iba? Hindi baʼt ginagawa rin iyan ng mga taong hindi kumikilala sa Dios? 48 Kaya dapat kayong maging ganap,[b] tulad ng inyong Amang nasa langit.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®