Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Palaging Tama ang Ginagawa ng Dios
7 Panginoon kong Dios, nanganganlong ako sa inyo.
Iligtas nʼyo ako sa mga umuusig sa akin.
2 Baka patayin nila ako,
katulad ng pagluray ng leon sa kanyang mga biktima,
kung walang magliligtas sa akin.
3 Panginoon kong Dios, kung talagang ginawa ko ang mga kasalanang ito –
4 kung ginantihan ko nga ng masama ang ginawang mabuti ng aking kaibigan,
o kung sinamsam ko ang mga ari-arian ng aking mga kaaway nang walang dahilan,
5 hayaan nʼyong usigin ako ng aking mga kaaway at talunin.
Hayaan nʼyong tapakan nila ako hanggang sa mamatay, at pabayaan sa lupa ang aking bangkay.
6 Sige na po, O Panginoon kong Dios,
ipakita nʼyo ang inyong galit sa aking mga kaaway,
dahil nais nʼyo rin ang katarungan.
7 Tipunin nʼyo ang lahat ng bansa sa palibot nʼyo,
at pamahalaan nʼyo sila mula sa langit.
8 Kayo Panginoon ang humahatol sa lahat ng tao.
Patunayan nʼyo sa kanila na mali ang kanilang mga paratang laban sa akin,
dahil alam nʼyo na akoʼy matuwid,
at namumuhay nang wasto.
9 Pigilan nʼyo ang kasamaang ginagawa ng mga tao,
at pagpalain nʼyo ang mga matuwid,
dahil kayo ay Dios na matuwid,
at sinisiyasat nʼyo ang aming mga pusoʼt isipan.
10 Kayo, O Dios, ang nag-iingat sa akin.
Inililigtas nʼyo ang mga namumuhay nang matuwid.
11 Kayo ang matuwid na hukom, at sa araw-araw ay ipinapakita nʼyo ang inyong galit sa masasama.
12-13 Kung ayaw nilang magsisi sa kanilang mga kasalanan,
ikaw namaʼy nakahandang silaʼy parusahan.
Katulad nʼyo ay isang sundalong nakahanda na ang mga nakamamatay na sandata.
Nahasa na niya ang kanyang espada,
at nakaumang na ang palasong nagbabaga.
14 Mapag-isip sila ng gulo at kasamaan,
kaya nakakapanloko sila ng kapwa.
15-16 Pero sila mismo ang mapapahamak sa kanilang binabalak na panggugulo at karahasan.
Ang katulad nila ay humuhukay ng bitag para mahulog ang iba,
pero sila rin ang mahuhulog sa hinukay nila.
17 Pinasasalamatan ko kayo Panginoon, dahil matuwid kayo.
Aawitan ko kayo ng mga papuri, Kataas-taasang Dios.
6 “Ako ang nagpadala sa inyo ng taggutom sa lahat ng inyong mga lungsod at bayan; pero hindi pa rin kayo nanumbalik sa akin. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.
7 “Ako rin ang pumigil sa ulan sa loob ng tatlong buwan bago dumating ang anihan. Pinauulan ko sa isang bayan pero sa iba ay hindi. Pinauulan ko sa isang bukirin pero ang ibang bukirin ay tigang. 8 Dahil sa panghihina, pasuray-suray kayong naghahanap ng maiinom. Palipat-lipat kayo sa mga bayan sa paghahanap ng tubig, pero walang makuhang sapat. Pero hindi pa rin kayo nanumbalik sa akin. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.
9 “Sinira ko nang maraming beses ang inyong mga pananim sa pamamagitan ng mainit na hangin at ng mga peste. Sinalakay ng mga balang ang inyong mga puno ng igos at olibo. Pero hindi pa rin kayo nanumbalik sa akin. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.
10 “Pinadalhan ko rin kayo ng mga salot katulad ng mga ipinadala ko sa Egipto noon. Ipinapatay ko ang inyong mga binata sa digmaan at ipinabihag ang inyong mga kabayo. Pinahirapan ko rin kayo sa baho ng mga patay sa inyong mga kampo. Pero hindi pa rin kayo nanumbalik sa akin. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.
11 “Nilipol ko ang iba sa inyo katulad ng ginawa ko sa Sodom at Gomora. At ang ilan sa inyo na nakaligtas ay parang panggatong na inagaw sa apoy. Pero hindi pa rin kayo nanumbalik sa akin. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.
12 “Kaya muli kong gagawin ang mga parusang ito sa inyo na mga taga-Israel. At dahil gagawin ko ito, humanda kayo sa pagharap sa akin na inyong Dios!”
13 Ang Dios ang lumikha ng mga bundok at ng hangin,[a] at siya rin ang nagpapalipas ng araw para maging gabi. Ipinapaalam niya sa tao ang kanyang mga plano at siya ang namamahala sa buong mundo. Ang kanyang pangalan ay Panginoon, ang Dios na Makapangyarihan.
Magmahalan Tayo
11 Ito ang aral na narinig ninyo nang sumampalataya kayo: Dapat tayong magmahalan. 12 Huwag nating tularan si Cain, na kampon ng diyablo kaya pinatay niya ang kanyang kapatid. At bakit niya pinatay ang kanyang kapatid? Sapagkat masama ang mga gawa niya, at matuwid naman ang mga gawa ng kanyang kapatid. 13 Kaya huwag kayong magtaka, mga kapatid, kung galit sa inyo ang mga makamundo. 14 Alam nating inilipat na tayo sa buhay na walang hanggan mula sa kamatayan dahil minamahal natin ang ating mga kapatid. Ang sinumang hindi nagmamahal sa kanyang kapwa ay nananatili sa kamatayan. 15 Ang sinumang napopoot sa kanyang kapatid ay isang mamamatay-tao, at alam ninyo na walang mamamatay-tao ang may buhay na walang hanggan. 16 Sa ganitong paraan natin nalalaman ang tunay na pag-ibig: ibinigay ni Jesu-Cristo ang kanyang buhay para sa atin. Kaya dapat din nating ialay ang ating buhay para sa ating mga kapatid. 17 Kung mayroon man sa atin ang nasa mabuting pamumuhay at nakikita ang isang kapatid na nangangailangan ngunit hindi naman niya ito tinutulungan, masasabi ba natin na sumasakanya ang pag-ibig ng Dios?
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®