Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Dalangin para Iligtas ng Dios
44 O Dios, narinig namin mula sa aming mga ninuno
ang tungkol sa mga ginawa nʼyo sa kanila noong kanilang kapanahunan.
Matagal nang panahon ang lumipas.
2 Ang mga bansang hindi naniniwala sa inyo
ay pinalayas nʼyo sa kanilang mga lupain at pinarusahan,
samantalang ang aming mga ninuno ay itinanim nʼyo roon at pinalago.
3 Nasakop nila ang lupain,
hindi dahil sa kanilang mga armas.
Nagtagumpay sila hindi dahil sa kanilang lakas,
kundi sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan, pagpapala at kakayahan,
dahil mahal nʼyo sila.
4 O Dios, kayo ang aking Hari na nagbigay ng tagumpay sa amin na lahi ni Jacob.
5 Sa pamamagitan nʼyo pinatumbaʼt tinapak-tapakan namin ang aming mga kaaway.
6 Hindi ako nagtitiwala sa aking espada at pana upang akoʼy magtagumpay,
7 dahil kayo ang nagpapatagumpay sa amin.
Hinihiya nʼyo ang mga kumakalaban sa amin.
8 O Dios, kayo ang lagi naming ipinagmamalaki,
at pupurihin namin kayo magpakailanman.
9 Ngunit ngayoʼy itinakwil nʼyo na kami at inilagay sa kahihiyan.
Ang mga sundalo namin ay hindi nʼyo na sinasamahan.
10 Pinaatras nʼyo kami sa aming mga kaaway,
at ang aming mga ari-arian ay kanilang sinamsam.
11 Pinabayaan nʼyong kami ay lapain na parang mga tupa.
Pinangalat nʼyo kami sa mga bansa.
12 Kami na inyong mga mamamayan ay ipinagbili nʼyo sa kaunting halaga.
Parang wala kaming kwenta sa inyo.
13 Ginawa nʼyo kaming kahiya-hiya;
iniinsulto at pinagtatawanan kami ng aming mga kalapit na bansa.
14 Ginawa nʼyo kaming katawa-tawa sa mga bansa,
at pailing-iling pa sila habang nang-iinsulto.
15 Akoʼy palaging inilalagay sa kahihiyan.
Wala na akong mukhang maihaharap pa,
16 dahil sa pangungutya at insulto sa akin ng aking mga kaaway na gumaganti sa akin.
17 Ang lahat ng ito ay nangyari sa amin
kahit na kami ay hindi nakalimot sa inyo,
o lumabag man sa inyong kasunduan.
18 Hindi kami tumalikod sa inyo,
at hindi kami lumihis sa inyong pamamaraan.
19 Ngunit kami ay inilugmok nʼyo at pinabayaan sa dakong madilim na tinitirhan ng mga asong-gubat.[a]
20 O Dios, kung kayo ay nakalimutan namin,
at sa ibang dios, kami ay nanalangin,
21 hindi baʼt iyon ay malalaman nʼyo rin?
Dahil alam nʼyo kahit ang mga lihim sa isip ng tao.
22 Ngunit dahil sa aming pananampalataya sa inyo,
kami ay palaging nasa panganib ang aming buhay.
Para kaming mga tupang kakatayin.
23 Sige na po, Panginoon! Kumilos na kayo!
Huwag nʼyo kaming itakwil magpakailanman.
24 Bakit nʼyo kami binabalewala?
Bakit hindi nʼyo pinapansin ang aming pagdurusa at ang pang-aapi sa amin?
25 Nagsibagsak na kami sa lupa at hindi na makabangon.
26 Sige na po, tulungan nʼyo na kami.
Iligtas nʼyo na kami dahil sa inyong pagmamahal sa amin.
Hindi Tapat ang Pagsisisi ng Israel
6 Nag-usap-usap ang mga taga-Israel. Sabi nila, “Halikayo! Magbalik-loob tayo sa Panginoon. Sinaktan niya tayo, kaya siya rin ang magpapagaling sa atin. 2 Para tayong mga patay na agad niyang bubuhayin. Hindi magtatagal,[a] at ibabangon niya tayo para mamuhay sa kanyang presensya. 3 Pagsikapan nating makilala ang Panginoon. Siyaʼy tiyak na darating, kasintiyak ng pagsikat ng araw. Darating siya na parang ulan na didilig sa mga lupain.”
4 Pero sinabi ng Panginoon, “O Israel[b] at Juda, ano ang gagawin ko sa inyo? Ang pag-ibig ninyo sa akin ay parang ambon o hamog sa umaga na madaling mawala. 5 Kaya nga binalaan ko kayo sa pamamagitan ng mga propeta na kayoʼy mapapahamak at mamamatay. Hahatulan ko kayo na kasimbilis ng kidlat. 6 Sapagkat hindi ang inyong mga handog ang nais ko, kundi ang inyong pagmamahal.[c] Mas nanaisin ko pang kilalanin ninyo ako kaysa sa mag-alay kayo ng mga handog na sinusunog. 7 Pero tulad ni Adan, sinira ninyo ang kasunduan natin. Nagtaksil kayo sa akin diyan sa inyong lugar.[d] 8 Ang bayan ng Gilead ay tirahan ng masasamang tao at mga mamamatay-tao. 9 Ang inyong mga pari ay parang mga tulisan na nag-aabang ng kanilang mabibiktima. Pumapatay sila sa daang patungo sa Shekem,[e] at gumagawa ng marami pang nakakahiyang gawain. 10 Mga taga-Israel, kakila-kilabot ang nakita ko sa inyo. Sumasamba kayo sa mga dios-diosan, kaya naging marumi[f] kayo.
Ang Israel at ang Magandang Balita
30 Ano ngayon ang masasabi natin tungkol dito? Ang mga hindi Judio na hindi nagsikap na maging matuwid ay itinuring ng Dios na matuwid nang dahil sa kanilang pananampalataya. 31 Pero ang mga Judio na nagsikap na maituring na matuwid sa pamamagitan ng pagsunod nila sa Kautusan ay nabigo. 32 Bakit sila nabigo? Sapagkat nagtiwala sila sa kanilang mga gawa at hindi sila sumampalataya kay Jesu-Cristo. Natisod sila sa “batong nakakatisod.” 33 Gaya nga ng sinabi ng Dios sa Kasulatan,
“Maglalagay ako sa Zion ng batong naging katitisuran sa mga tao, at nakakapagpadapa sa kanila.
Pero hindi mapapahiya ang mga sumasampalataya sa kanya.”[a]
10 Mga kapatid, ang nais ng aking puso at dalangin sa Dios ay ang kaligtasan ng aking mga kalahing Judio. 2 Ako na rin ang makakapagpatunay na masigasig sila sa kanilang paglilingkod sa Dios, kaya nga lang ay hindi ayon sa katotohanan. 3 Itoʼy sa dahilang hindi nila alam kung paano itinuturing ng Dios na matuwid ang isang tao. Nagsikap silang gumawa ng sariling pamamaraan sa halip na sundin nila ang pamamaraan ng Dios. 4 Sapagkat hindi nila alam na si Cristo ang hangganan ng Kautusan. Dahil sa kanyang ginawa, ang lahat ng sumasampalataya sa kanya ay itinuturing ng Dios na matuwid.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®