Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 44

Dalangin para Iligtas ng Dios

44 O Dios, narinig namin mula sa aming mga ninuno
    ang tungkol sa mga ginawa nʼyo sa kanila noong kanilang kapanahunan.
Matagal nang panahon ang lumipas.
Ang mga bansang hindi naniniwala sa inyo
    ay pinalayas nʼyo sa kanilang mga lupain at pinarusahan,
    samantalang ang aming mga ninuno ay itinanim nʼyo roon at pinalago.
Nasakop nila ang lupain,
    hindi dahil sa kanilang mga armas.
    Nagtagumpay sila hindi dahil sa kanilang lakas,
    kundi sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan, pagpapala at kakayahan,
    dahil mahal nʼyo sila.

O Dios, kayo ang aking Hari na nagbigay ng tagumpay sa amin na lahi ni Jacob.
Sa pamamagitan nʼyo pinatumbaʼt tinapak-tapakan namin ang aming mga kaaway.
Hindi ako nagtitiwala sa aking espada at pana upang akoʼy magtagumpay,
dahil kayo ang nagpapatagumpay sa amin.
    Hinihiya nʼyo ang mga kumakalaban sa amin.
O Dios, kayo ang lagi naming ipinagmamalaki,
    at pupurihin namin kayo magpakailanman.

Ngunit ngayoʼy itinakwil nʼyo na kami at inilagay sa kahihiyan.
    Ang mga sundalo namin ay hindi nʼyo na sinasamahan.
10 Pinaatras nʼyo kami sa aming mga kaaway,
    at ang aming mga ari-arian ay kanilang sinamsam.
11 Pinabayaan nʼyong kami ay lapain na parang mga tupa.
    Pinangalat nʼyo kami sa mga bansa.
12 Kami na inyong mga mamamayan ay ipinagbili nʼyo sa kaunting halaga.
    Parang wala kaming kwenta sa inyo.
13 Ginawa nʼyo kaming kahiya-hiya;
    iniinsulto at pinagtatawanan kami ng aming mga kalapit na bansa.
14 Ginawa nʼyo kaming katawa-tawa sa mga bansa,
    at pailing-iling pa sila habang nang-iinsulto.
15 Akoʼy palaging inilalagay sa kahihiyan.
    Wala na akong mukhang maihaharap pa,
16 dahil sa pangungutya at insulto sa akin ng aking mga kaaway na gumaganti sa akin.

17 Ang lahat ng ito ay nangyari sa amin
    kahit na kami ay hindi nakalimot sa inyo,
    o lumabag man sa inyong kasunduan.
18 Hindi kami tumalikod sa inyo,
    at hindi kami lumihis sa inyong pamamaraan.
19 Ngunit kami ay inilugmok nʼyo at pinabayaan sa dakong madilim na tinitirhan ng mga asong-gubat.[a]
20 O Dios, kung kayo ay nakalimutan namin,
    at sa ibang dios, kami ay nanalangin,
21 hindi baʼt iyon ay malalaman nʼyo rin?
    Dahil alam nʼyo kahit ang mga lihim sa isip ng tao.
22 Ngunit dahil sa aming pananampalataya sa inyo,
    kami ay palaging nasa panganib ang aming buhay.
    Para kaming mga tupang kakatayin.

23 Sige na po, Panginoon! Kumilos na kayo!
    Huwag nʼyo kaming itakwil magpakailanman.
24 Bakit nʼyo kami binabalewala?
    Bakit hindi nʼyo pinapansin ang aming pagdurusa at ang pang-aapi sa amin?
25 Nagsibagsak na kami sa lupa at hindi na makabangon.
26 Sige na po, tulungan nʼyo na kami.
    Iligtas nʼyo na kami dahil sa inyong pagmamahal sa amin.

Hosea 2:14-3:5

14 “Pero masdan mo, dadalhin ko siya sa ilang at muling liligawan hanggang sa mapaibig ko siyang muli. 15 Pagbalik namin, ibabalik ko sa kanya ang mga ubasan niya, at ang Lambak ng Acor[a] ay gagawin kong daanan na magpapaalala ng magandang kinabukasan. At sasagutin niya ako katulad ng ginawa niya noong panahon ng kanyang kabataan, noong kinuha ko siya sa lupain ng Egipto.”

16 Sinabi ng Panginoon sa mga Israelita, “Sa araw na iyon ng inyong pagbabalik sa akin, tatawagin ninyo ako na inyong asawa at hindi na ninyo ako tatawaging Baal.[b] 17 Hindi ko na hahayaang banggitin ninyo ang mga pangalan ni Baal. 18 Sa araw na iyon, makikipagkasundo ako sa lahat ng uri ng hayop na huwag nila kayong sasaktan. Aalisin ko sa lupain ng Israel ang lahat ng sandata tulad ng mga pana at espada. At dahil wala nang digmaan, matutulog kayong ligtas at payapa.

19 “Ituturing ko kayong asawa magpakailanman. Gagawin ko sa inyo ang matuwid at tama. Mamahalin ko kayo at kaaawaan. 20 Itatalaga ko sa inyo ang aking sarili nang buong katapatan, at kikilalanin na ninyo ako bilang Panginoon. 21 Sa araw na iyon, sasagutin ko ang mga dalangin ninyo. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito. Magpapadala ako ng ulan upang tumubo sa lupa 22 ang mga trigo, ubas, at mga olibo para sa inyo na tinatawag na Jezreel.[c] 23 Patitirahin ko kayo sa inyong lupain bilang mga mamamayan ko. Kaaawaan ko kayong tinatawag na Lo Ruhama,[d] at tatawagin ko kayong aking mga mamamayan kayong tinatawag na Lo Ami.[e] At sasabihin ninyo na ako ang inyong Dios.”

Si Hoseas at ang Kanyang Asawa

Sinabi ng Panginoon sa akin, “Umalis ka at ipakita mong muli ang pagmamahal mo sa iyong asawa kahit na nangangalunya siya. Mahalin mo siya katulad ng pagmamahal ko sa mga mamamayan ng Israel kahit na sumasamba sila sa ibang mga dios at gustong maghandog sa kanila ng mga tinapay na may mga pasas.”

Kaya binili ko siya[f] sa halagang 15 pirasong pilak at apat na sakong sebada.[g] At sinabi ko sa kanya, “Makisama ka sa akin ng mahabang panahon, at huwag ka nang sumiping sa ibang lalaki. Kahit ako ay hindi muna sisiping sa iyo.” Nangangahulugan ito na sa mahabang panahon ang mga Israelita ay mawawalan ng hari, pinuno, mga handog, alaalang bato, espesyal na damit[h] sa panghuhula, at mga dios-diosan. Pero sa bandang huli, magbabalik-loob silang muli sa Panginoon nilang Dios at sa lahi ni David na kanilang hari. Buong paggalang silang lalapit sa Panginoon dahil sa kanyang kabutihan.

Colosas 2:16-3:1

16 Kaya nga, huwag na kayong padadala sa mga tao na nagsasabi sa inyo kung ano ang hindi dapat kainin o inumin, o kung ano ang dapat gawin tuwing kapistahan, Pista ng Pagsisimula ng Buwan, o Araw ng Pamamahinga. 17 Anino lang ang mga ito ng inaasahan noon na darating, at si Cristo ang katuparan nito. 18 Huwag kayong padadaya sa mga taong humihikayat na kailangan ninyong pagkaitan ang sarili nʼyo at sambahin ang mga anghel. Pinaninindigan nila ang mga ito dahil sa mga pangitain nila na pagyayabang lang, walang kabuluhan, at gawa-gawa lang ng makamundo nilang pag-iisip. 19 Wala silang kaugnayan kay Cristo na siyang ulo natin. Siya ang nag-uugnay-ugnay at nag-aalaga sa atin na kanyang katawan sa pamamagitan ng mga magkakaugnay na bahagi nito. Sa ganoon, lumalago tayo nang naaayon sa Dios.

Ang Bagong Buhay Kay Cristo

20 Namatay kayong kasama ni Cristo, at pinalaya sa mga walang kabuluhang pamamaraan ng mundo, kaya bakit namumuhay pa rin kayo na parang mga makamundo? Bakit sumusunod pa rin kayo sa mga tuntuning tulad ng, 21 “Huwag hahawak nito,” “Huwag titikim niyon,” “Huwag hihipo niyan”? 22 Ang mga itoʼy batay lang sa utos at turo ng tao tungkol sa mga bagay na nawawala pagkatapos kainin o inumin. 23 Sa unang tingin, parang may karunungan ang mga ganitong katuruan tungkol sa gusto nilang pagsamba, pagpapakumbaba, at pagpapahirap sa sariling katawan. Pero ang totoo, wala namang naitutulong ang mga ito sa pagpipigil sa masasamang hilig ng laman.

Binuhay kayong muli kasama ni Cristo, kaya sikapin ninyong makamtan ang mga bagay na nasa langit kung saan naroon si Cristo na nakaupo sa kanan ng Dios.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®