Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 82

Pinagsabihan ng Dios ang mga Namumuno

82 Pinamumunuan ng Dios ang pagtitipon ng kanyang mga mamamayan.
    Sa gitna ng mga hukom[a] siya ang humahatol sa kanila.
Sinabi niya sa kanila, “Hanggang kailan kayo hahatol ng hindi tama?
    Hanggang kailan ninyo papaboran ang masasama?
Bigyan ninyo ng katarungan ang mga dukha at ulila.
    Ipagtanggol ninyo ang karapatan ng mga nangangailangan at inaapi.
Iligtas ninyo ang mahihina at mga nangangailangan mula sa kamay ng masasamang tao!
Wala silang nalalaman! Hindi sila nakakaintindi!
    Wala silang pag-asa, namumuhay sila sa kadiliman at niyayanig nila ang pundasyon ng mundo.
Sinabi ko na sa inyo na kayo ay mga dios, mga anak ng Kataas-taasang Dios.
Ngunit gaya ng ibang mga namumuno ay babagsak kayo, at gaya ng ibang tao ay mamamatay din kayo.”
Sige na, O Dios, hatulan nʼyo na ang lahat ng bansa sa mundo, sapagkat sila namaʼy sa inyo.

Amos 2:12-3:8

12 Pero ano ang ginawa ninyo? Pinainom ninyo ng alak ang mga Nazareo[a] at pinagbawalan ninyo ang mga propeta na sabihin ang ipinapasabi ko. 13 Kaya makinig kayo! Pahihirapan ko kayo katulad ng kariton na hindi na halos makausad dahil sa bigat ng karga. 14 Kaya kahit na ang mabilis tumakbo sa inyo ay hindi makakatakas, ang malalakas ay manghihina, at ang mga sundalo ay hindi maililigtas ang kanilang sarili. 15 Kahit na ang mga sundalong namamana sa labanan ay uurong. Ang mga sundalong mabilis tumakbo ay hindi makakatakas, at silang mga nakasakay sa kabayo ay hindi rin makakaligtas. 16 Sa araw na iyon, kahit ang pinakamatapang na sundalo ay tatakas na nakahubad. Ako, ang Panginoon, ang nagsabi nito.”

Kayong mga taga-Israel, na ang mga ninuno ay inilabas ng Panginoon sa Egipto, pakinggan ninyo ang sasabihin niya laban sa inyo: Sa lahat ng bansa sa buong mundo, kayo lamang ang aking pinili na maging mga mamamayan ko. Kaya parurusahan ko kayo dahil sa lahat ng inyong mga kasalanan.

Itinalaga ng Dios ang Gawain ng mga Propeta

Maaari bang magsama sa paglalakbay ang dalawang tao kung hindi sila magkasundo? Umaatungal ba ang leon sa kagubatan kung wala siyang mabibiktima? Aatungal ba siya sa loob ng kanyang yungib kung wala siyang nahuli? Mahuhuli ba ang ibon kung walang pain na inilagay sa bitag? At iigkas ba ang bitag kung walang nahuli? Hindi baʼt nanginginig sa takot ang mga tao sa tuwing patutunugin ang trumpeta na nagpapahiwatig na may paparating na kaaway? Mangyayari ba ang kapahamakan sa isang lungsod kung hindi ito pinahintulutan ng Panginoon?

Sa katunayan, hindi gumagawa ng anuman ang Panginoong Dios na hindi muna niya ipinababatid sa kanyang mga lingkod na propeta.

Sino ang hindi matatakot kung umaatungal na ang leon? Sino kaya ang hindi magpapahayag ng mensahe ng Panginoong Dios kung ang Panginoong Dios na mismo ang nagsasalita sa kanya?

Juan 3:16-21

16 “Sapagkat ganito ang pag-ibig ng Dios sa mga tao sa sanlibutan: Ibinigay niya ang kanyang Bugtong[a] na Anak, upang ang sinumang sumasampalataya sa kanya ay hindi mapahamak kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan. 17 Sapagkat hindi sinugo ng Dios ang kanyang Anak dito sa mundo upang hatulan ng parusa ang mga tao, kundi upang iligtas sila. 18 Ang sumasampalataya sa kanya ay hindi hahatulan ng kaparusahan, ngunit ang hindi sumasampalataya ay hinatulan na, dahil hindi siya sumampalataya sa kaisa-isang Anak ng Dios. 19 Hinatulan sila dahil dumating ang Anak ng Dios bilang ilaw dito sa mundo, ngunit mas ginusto nilang manatili sa dilim kaysa sa lumapit sa kanya na nagbibigay-liwanag, dahil masama ang mga ginagawa nila. 20 Ang taong gumagawa ng masama ay ayaw sa liwanag at hindi lumalapit sa liwanag, dahil ayaw niyang malantad ang kanyang mga gawa. 21 Ngunit ang namumuhay sa katotohanan ay lumalapit sa liwanag, upang malaman ng lahat na ang mabubuti niyang gawa ay nagawa niya sa tulong ng Dios.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®