Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 107:1-9

Pagpupuri sa Kabutihan ng Dios

107 Magpasalamat kayo sa Panginoon, dahil siyaʼy mabuti;
    ang pag-ibig niyaʼy magpakailanman.
Sabihin ninyo ito, kayo na iniligtas niya sa kamay ng mga kaaway.
Dahil tinipon niya kayo mula sa silangan, kanluran, timog at hilaga.

May mga taong naglakbay sa ilang;
    hindi nila makita ang daan papuntang lundsod na maaari nilang tirhan.
Silaʼy nagutom at nauhaw at halos mamatay na.
Sa kanilang kahirapan, tumawag sila sa Panginoon,
    at iniligtas niya sila sa kagipitan.
At pinatnubayan niya sila papunta sa lungsod na matitirahan.
Kaya dapat silang magpasalamat sa Panginoon dahil sa pag-ibig niya at kahanga-hangang gawa sa mga tao.
Dahil pinaiinom niya ang mga nauuhaw,
    at pinakakain ang mga nagugutom.

Salmo 107:43

43 Ang mga bagay na itoʼy dapat ingatan sa puso ng mga taong marunong,
    at dapat din nilang isipin ang dakilang pag-ibig ng Panginoon.

Hosea 8

Pinarusahan ng Dios ang Israel Dahil sa Kanilang Pagsamba sa mga Dios-diosan

“Hipan ninyo ang trumpeta upang bigyang babala ang aking mga mamamayan, ang Israel na itinuturing kong tahanan,[a] na lulusubin sila ng kalaban na kasimbilis ng agila. Sapagkat sinira nila ang kasunduan ko sa kanila at nilabag nila ang aking Kautusan. Nagsusumamo sila sa akin, ‘Dios ng Israel, kinikilala ka namin.’ Pero itinakwil nila ang mabuti, kaya hahabulin sila ng kanilang kalaban. Pumili sila ng mga hari at mga opisyal na hindi ko pinili. Gumawa sila ng mga dios-diosan mula sa kanilang mga pilak at ginto, at ang mga ito ang nagdala sa kanila sa kapahamakan. Itinatakwil ko[b] ang dios-diosang baka ng mga taga-Samaria. Galit na galit ako sa kanila. Hanggang kailan sila mananatiling marumi? Ang dios-diosang baka ng Samaria ay ginawa lamang ng mga platero na taga-Israel. Hindi iyon Dios! Tiyak na dudurugin iyon.

“Para silang naghahasik ng hangin at nag-aani ng buhawi.[c] Para ring trigo na walang uhay, kaya walang makukuhang pagkain. At kung mamumunga man, taga-ibang bansa naman ang lalamon nito. Ang Israel ay parang nilamon ng ibang bansa. At ngayong nakikisalamuha na siya sa kanila, para na siyang kasangkapang walang silbi. Para siyang asnong-gubat na nag-iisa at naliligaw. Humingi siya ng tulong sa Asiria; binayaran niya[d] ang kanyang mga kakamping bansa para ipagtanggol siya. 10 Pero kahit na nagpasakop siya sa mga bansang iyon, titipunin ko ngayon ang kanyang mga mamamayan at parurusahan. At magsisimula na ang kanilang paghihirap sa pang-aapi ng isang hari at ng mga opisyal[e] niya. 11 Nagpagawa nga sila ng maraming altar para sa mga handog sa paglilinis, pero doon din sila gumawa ng kasalanan. 12 Marami akong ipinasulat na kautusan para sa kanila, pero ang mga itoʼy itinuring nilang para sa iba at hindi para sa kanila. 13 Naghahandog sila sa akin at kinakain nila ang karneng handog,[f] pero hindi ako nalulugod sa kanila. At ngayon aalalahanin ko ang kanilang kasamaan at parurusahan ko sila dahil sa kanilang mga kasalanan. Babalik sila sa Egipto. 14 Kinalimutan ng mga taga-Israel ang lumikha sa kanila. Sila at ang mga taga-Juda ay nagtayo ng mga palasyo[g] at maraming napapaderang bayan. Pero susunugin ko ang kanilang mga lungsod at ang matitibay na bahagi nito.”

Roma 11:33-36

Papuri sa Dios

33 Napakadakila ng kabutihan ng Dios! Napakalalim ng kanyang karunungan at kaalaman! Hindi natin kayang unawain ang kanyang mga pasya at pamamaraan! 34 Gaya nga ng sinasabi sa Kasulatan:

    “Sino kaya ang makakaunawa sa kaisipan ng Panginoon?
    Sino kaya ang makakapagpayo sa kanya?[a]
35 Sino kaya ang makakapagbigay ng anuman sa kanya
    para tumanaw siya ng utang na loob?”[b]

36 Sapagkat ang lahat ng bagay ay nanggaling sa kanya, at nilikha ang mga ito sa pamamagitan niya at para sa kanya. Purihin ang Dios magpakailanman! Amen.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®