Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Papuri sa Kabutihan ng Dios
81 Umawit kayo nang may galak sa Dios na nagbibigay sa atin ng kalakasan.
Sumigaw kayo nang may tuwa sa Dios ni Jacob!
10 Ako ang Panginoon na inyong Dios. Ako ang naglabas sa inyo sa lupain ng Egipto.
Humingi kayo sa akin at ibibigay ko sa inyo ang mga pangangailangan ninyo.
11 Ngunit kayong mga Israelita na aking mga mamamayan, hindi kayo nakinig at sumunod sa akin.
12 Kaya hinayaan ko kayo sa katigasan ng inyong ulo[a] at ginawa ninyo ang inyong gusto.
13 Kung nakinig lang sana kayo sa akin at sumunod sa aking mga pamamaraan,
14 kaagad ko sanang nilupig at pinarusahan ang inyong mga kaaway.
15 Ang mga napopoot sa akin ay yuyukod sa takot.
Ang kaparusahan nila ay walang katapusan.
16 Ngunit kayo na aking mga mamamayan,
pakakainin ko kayo ng pinakamainam na bunga ng trigo at pulot hanggang sa mabusog kayo.”
Itinakwil ng Israel ang Panginoon
2 Sinabi sa akin ng Panginoon, 2 “Puntahan mo ang mga taga-Jerusalem at sabihin mo ito sa kanila: ‘Natatandaan ko ang katapatan at pagmamahal nʼyo sa akin noon na katulad ng babaeng bagong kasal. Sinundan nʼyo ako kahit sa ilang na walang tumutubong mga tanim. 3 Kayong mga Israelita ay ibinukod para sa akin. Para kayong pinakaunang bunga na ibinigay sa akin. Pinarusahan ko ang mga nanakit sa inyo, at napahamak sila. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.’ ”
14 Ang Israel ay hindi ipinanganak na alipin. Bakit binibiktima siya ng mga kaaway? 15 Ang mga kaaway niya ay parang mga leon na umuungal sa kanya. Sinira nila ang kanyang lupain, sinunog ang mga bayan at hindi na ito tinitirhan. 16 Ang mga taga-Memfis at mga taga-Tapanhes ang nagwasak sa kanya.[a]
17 “Kayong mga Israelita na rin ang nagdala ng kapahamakang ito sa sarili ninyo. Sapagkat itinakwil nʼyo ako, ang Panginoon na inyong Dios, akong pumatnubay sa paglalakbay ninyo. 18 Ngayon, ano ang napala ninyo sa inyong paglapit sa Egipto at Asiria? Bakit kayo pumupunta sa Ilog ng Nilo[b] at Ilog ng Eufrates? 19 Parurusahan ko kayo dahil sa kasamaan at pagtakwil nʼyo sa akin. Isipin nʼyo kung gaano kasama at kapait ang ginawa nʼyong pagtakwil at paglapastangan sa Panginoon na inyong Dios. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.
20 “Noong inalipin kayo, para kayong bakang nakapamatok, o mga bilanggong nakakadena. Pero nang mapalaya ko na kayo, ayaw naman ninyong maglingkod sa akin. Sa halip, sumamba kayo sa mga dios-diosan sa bawat matataas na burol at sa ilalim ng bawat malalagong punongkahoy. Katulad kayo ng babaeng bayaran. 21 Para kayong isang pinakamabuting klase ng ubas na aking itinanim. Pero bakit lumabas kayong bulok at walang kabuluhang ubas? 22 Maligo man kayo at magsabon nang magsabon, makikita ko pa rin ang dumi ng mga kasalanan ninyo. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.
Ang Kahilingan ng Ina nina Santiago at Juan(A)
20 Lumapit kay Jesus ang asawa ni Zebedee, kasama ang dalawang anak niyang lalaki. Lumuhod siya kay Jesus dahil may gusto siyang hilingin. 21 Tinanong siya ni Jesus, “Ano ang gusto mo?” Sumagot siya, “Kung maaari po sana, kapag naghahari na kayo, paupuin nʼyo ang dalawa kong anak sa tabi nʼyo; isa sa kanan at isa sa kaliwa.” 22 Pero sinagot sila ni Jesus, “Hindi ninyo alam kung ano ang hinihingi ninyo. Kaya ba ninyong tiisin ang mga pagdurusang titiisin ko?”[a] Sumagot sila, “Opo, kaya namin.” 23 Sinabi ni Jesus, “Maaaring kaya nga ninyong tiisin. Ngunit hindi ako ang pumipili kung sino ang uupo sa kanan o sa kaliwa ko. Ang mga lugar na iyon ay para lang sa mga pinaglaanan ng aking Ama.”
24 Nang malaman ng sampung tagasunod kung ano ang hiningi ng magkapatid, nagalit sila sa kanila. 25 Kaya tinawag silang lahat ni Jesus at sinabi, “Alam ninyong ang mga pinuno ng mga bansa ay may kapangyarihan sa mga taong nasasakupan nila, at kahit anong gustuhin nila ay nasusunod. 26 Ngunit hindi dapat ganyan ang umiral sa inyo. Sa halip, ang sinuman sa inyo na gustong maging dakila ay dapat maging lingkod ninyo. 27 At ang sinuman sa inyo na gustong maging pinuno ay dapat maging alipin ninyo. 28 Maging ako na Anak ng Tao ay naparito sa mundo, hindi upang paglingkuran kundi upang maglingkod at magbigay ng aking buhay para maligtas ang maraming tao.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®