Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Panalangin para sa Habang Buhay na Pagliligtas
71 Panginoon, sa inyo ako humihingi ng kalinga.
Huwag nʼyong pabayaang akoʼy mapahiya.
2 Tulungan nʼyo ako at iligtas sapagkat ikaw ay matuwid.
Dinggin nʼyo ako at iligtas.
3 Kayo ang aking maging batong kanlungan na lagi kong malalapitan.
Ipag-utos nʼyo na iligtas ako, dahil kayo ang aking matibay na batong pananggalang.
4 O Dios ko, iligtas nʼyo ako mula sa kamay ng masasama at malulupit na tao.
5 Kayo ang aking pag-asa, O Panginoong Dios.
Mula noong akoʼy bata pa, nagtiwala na ako sa inyo.
6 Mula nang akoʼy isilang, kasama na kita at akoʼy inyong iningatan.
Pupurihin ko kayo magpakailanman.
20 Walang halaga sa akin ang inihahandog nilang insenso kahit na galing pa ito sa Sheba, o ang mga pabangong mula pa sa malayong lugar. Hindi ko tatanggapin ang kanilang mga handog na sinusunog. Hindi ako natutuwa sa mga handog nila sa akin. 21 Kaya ako, ang Panginoon, ay maglalagay ng katitisuran sa dinadaanan ng mga taong ito. At dahil dito, babagsak ang mga ama at mga batang lalaki, pati ang mga magkaibigan at magkapitbahay.”
22 Ito pa ang sinasabi ng Panginoon, “Tingnan ninyo, may mga sundalong dumarating galing sa lupain sa hilaga, isang makapangyarihang bansa na galing sa malayong lupain[a] na handang sumalakay. 23 Ang dala nilang armas ay mga pana at mga sibat. Malulupit sila at walang habag. Ang ingay nila ay parang malalakas na alon habang nakasakay sila sa kanilang mga kabayo. Darating sila para salakayin kayo, mga taga-Jerusalem.”
24 Nabalitaan namin ang tungkol sa kanila at kami ay nanlupaypay. Takot at hirap ang naramdaman namin katulad ng paghihirap ng babaeng manganganak na. 25 Huwag na kayong lalabas para pumunta sa mga bukid o lumakad sa mga daan, dahil may mga kaaway kahit saan na handang pumatay. Nakakatakot sa ating paligid. 26 Mga kababayan, magsuot kayo ng damit na panluksa[b] at gumulong kayo sa abo para ipakita ang kalungkutan ninyo. Umiyak kayo na parang namatay ang kaisa-isa ninyong anak na lalaki. Sapagkat bigla tayong sasalakayin ng kaaway.
27 Sinabi sa akin ng Panginoon, “Ginawa kitang tulad ng tagasuri ng mga metal, para masuri mo ang pag-uugali ng aking mga mamamayan. 28 Silang lahat ay rebelde at matitigas ang ulo, kasintigas ng tanso at bakal. Nanlalait at nanloloko sila ng kanilang kapwa. 29 Pinapainit nang husto ang pugon para dalisayin ang pilak mula sa tinggang nakahalo rito, pero hindi rin lubusang nadalisay ang pilak. Ganyan din ang mga mamamayan ko, wala ring kabuluhan ang pagdalisay sa kanila, dahil hindi pa rin naaalis nang lubusan ang kasamaan nila. 30 Tatawagin silang, ‘Itinakwil na Pilak’ dahil itinakwil ko sila.”
Nangaral si Pablo sa Tesalonica
17 Dumaan sila sa Amfipolis at sa Apolonia hanggang sa nakarating sila sa Tesalonica. May sambahan ng mga Judio roon. 2 At ayon sa nakagawian ni Pablo, pumasok siya doon sa sambahan. At sa loob ng tatlong Araw ng Pamamahinga, nakipagdiskusyon siya sa mga tao roon. Ginamit niya ang Kasulatan 3 para patunayan sa kanila na ang Cristo ay kinakailangang magtiis at muling mabuhay. Sinabi ni Pablo, “Itong Jesus na aking ipinapahayag sa inyo ay ang Cristo.” 4 Ang iba sa kanilaʼy naniwala at sumama kina Pablo at Silas. Marami ring mga Griego na sumasamba sa Dios at mga kilalang babae ang sumama sa kanila.
5 Pero nainggit ang mga Judio kina Pablo at Silas. Kaya tinipon nila ang mga basagulerong tambay sa kanto. At nang marami na silang natipon, nagsimula silang manggulo sa buong lungsod. Nilusob nila ang bahay ni Jason sa paghahanap kina Pablo at Silas para iharap sila sa mga tao. 6 Pero nang hindi nila makita sina Pablo at Silas, hinuli nila si Jason at ang iba pang mga mananampalataya. Kinaladkad nila ang mga ito papunta sa mga opisyal ng lungsod, at sumigaw sila, “Ang mga taong itoʼy nagdadala ng gulo kahit saan sila pumunta dahil sa kanilang itinuturo. At ngayon, narito na sila sa ating lungsod. 7 Pinatuloy ni Jason sina Pablo at Silas sa kanyang bahay. Silang lahat ay kumakalaban sa mga kautusan ng Emperador, dahil sinasabi nilang may iba pang hari na ang pangalan ay Jesus.” 8 Nang marinig iyon ng mga tao at ng mga opisyal, nagkagulo sila. 9 Bago nila pinakawalan si Jason at ang kanyang mga kasama, pinagpiyansa muna sila.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®