Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
4 Pakinggan nʼyo ang mensahe ng Panginoon, kayong mga mamamayan ng Israel na lahi ni Jacob. 5 Ito ang sinabi niya, “Anong kasalanan ang nakita ng mga ninuno nʼyo sa akin at tinalikuran nila ako? Sumusunod sila sa walang kwentang mga dios-diosan, kaya sila rin ay naging walang kabuluhan. 6 Hindi na nila ako hinanap kahit na ako ang naglabas sa kanila sa Egipto at nanguna sa kanila sa ilang na walang tanim – ang lupang tuyo, may mga hukay, mapanganib at walang tumitira o dumadaan. 7 Mula rooʼy dinala ko sila sa magandang lupain para makinabang sa kasaganaan ng ani nito. Pero nang naroon na kayo, dinungisan nʼyo ang lupain ko at ginawa itong kasuklam-suklam. 8 Kahit ang mga pari ay hindi ako hinanap. Ang mga nagtuturo ng kautusan ay hindi ako kilala.[a] Ang mga pinuno ay naghimagsik laban sa akin. At ang mga propeta ay nagpahayag sa pangalan ni Baal at sumunod sa walang kwentang mga dios-diosan. 9 Kaya susumbatan ko silang muli, pati ang magiging angkan ninyo. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.
10 “Tumawid kayo sa kanluran, sa mga isla ng Kitim, at magsugo kayo ng magmamasid ng mabuti sa silangan, sa lupain ng Kedar, at tingnan kung may nangyaring tulad nito: 11 May bansa bang nagpalit ng kanilang dios, kahit na hindi ito mga tunay na dios? Pero ako, ang dakilang Dios, ay ipinagpalit ng aking mga mamamayan sa mga dios na walang kabuluhan. 12 Nangilabot ang buong kalangitan sa ginawa nila; at nayanig ito sa laki ng pagkagulat. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.
13 “Gumawa ang mga mamamayan ko ng dalawang kasalanan: Itinakwil nila ako, ang bukal na nagbibigay-buhay, at sumamba sila sa ibang mga dios, na para bang naghukay sila ng lalagyan ng tubig na natutuyo.
Papuri sa Kabutihan ng Dios
81 Umawit kayo nang may galak sa Dios na nagbibigay sa atin ng kalakasan.
Sumigaw kayo nang may tuwa sa Dios ni Jacob!
10 Ako ang Panginoon na inyong Dios. Ako ang naglabas sa inyo sa lupain ng Egipto.
Humingi kayo sa akin at ibibigay ko sa inyo ang mga pangangailangan ninyo.
11 Ngunit kayong mga Israelita na aking mga mamamayan, hindi kayo nakinig at sumunod sa akin.
12 Kaya hinayaan ko kayo sa katigasan ng inyong ulo[a] at ginawa ninyo ang inyong gusto.
13 Kung nakinig lang sana kayo sa akin at sumunod sa aking mga pamamaraan,
14 kaagad ko sanang nilupig at pinarusahan ang inyong mga kaaway.
15 Ang mga napopoot sa akin ay yuyukod sa takot.
Ang kaparusahan nila ay walang katapusan.
16 Ngunit kayo na aking mga mamamayan,
pakakainin ko kayo ng pinakamainam na bunga ng trigo at pulot hanggang sa mabusog kayo.”
Ang Paglilingkod na Nakalulugod sa Dios
13 Magpatuloy kayo sa pag-iibigan bilang magkakapatid kay Cristo. 2 Huwag ninyong kalimutang patuluyin ang mga dayuhan sa tahanan ninyo. May mga taong gumawa niyan noon, at hindi nila alam na mga anghel na pala ang mga bisita nila. 3 Damayan ninyo ang mga kapatid na nasa bilangguan na parang nakabilanggo rin kayong kasama nila, at damayan din ninyo ang mga kapatid na pinagmamalupitan na para bang dumaranas din kayo ng ganoon.
4 Dapat ninyong pahalagahan ang pag-aasawa, at dapat ninyong iwasan ang pangangalunya. Sapagkat hahatulan ng Dios ang mga nangangalunya at ang mga imoral.
5 Iwasan nʼyo ang pagiging sakim sa salapi. Maging kontento kayo sa anumang nasa inyo, sapagkat sinabi ng Dios, “Hinding-hindi ko kayo iiwan o pababayaan man.”[a] 6 Kaya buong pagtitiwalang masasabi natin,
“Ang Panginoon ang tumutulong sa akin, kaya hindi ako matatakot. Ano ang magagawa ng tao laban sa akin?”[b]
7 Alalahanin nʼyo ang mga dating namuno sa inyo na nagbahagi sa inyo ng salita ng Dios. Isipin nʼyo kung paano silang namuhay at namatay na may pananampalataya. Sila ang tularan ninyo. 8 Si Jesu-Cristo ay hindi nagbabago. Kung ano siya noon, ganoon din siya ngayon at magpakailanman.
15 Kaya patuloy tayong maghandog ng papuri sa Dios sa pamamagitan ni Jesus. Itoʼy ang mga handog na nagmumula sa mga labi natin at nagpapahayag ng pagkilala natin sa kanya. 16 At huwag nating kalimutan ang paggawa ng mabuti at pagtulong sa iba, dahil ang ganitong uri ng handog ay kalugod-lugod sa Dios.
Pinagaling ni Jesus ang Lalaking Minamanas
14 Isang Araw ng Pamamahinga, inanyayahan si Jesus na kumain sa bahay ng isang pinuno ng mga Pariseo. Minamanmanan siyang mabuti ng mga taong kumokontra sa kanya.
Matutong Magpakababa
7 Napansin ni Jesus na ang mga bisita sa handaan ay nag-uunahan sa mga upuang pandangal, kaya pinangaralan niya ang mga ito, 8 “Kapag inimbita ka sa isang kasalan, huwag mong pipiliin ang upuang pandangal, dahil baka may inimbitang mas marangal pa kaysa sa iyo. 9 At lalapitan ka ng nag-imbita sa iyo at sasabihin niya, ‘Ibigay mo sa taong ito ang upuan mo.’ Kaya mapapahiya ka at uupo na lang sa upuan ng mga karaniwang tao. 10 Ang dapat mong gawin kapag naimbitahan ka ay piliin ang upuan para sa mga karaniwang tao, para pagdating ng nag-imbita sa iyo, sasabihin niya, ‘Kaibigan, doon ka maupo sa upuang pandangal.’ Sa ganoon ay mapaparangalan ka sa harap ng lahat ng panauhin. 11 Sapagkat ang nagpapakataas ng kanyang sarili ay ibababa, at ang nagpapakababa ay itataas.” 12 Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa nag-imbita sa kanya, “Kung maghahanda ka, huwag lang ang mga kaibigan, kapatid, kamag-anak, at mayayamang kapitbahay ang imbitahin mo, dahil baka imbitahin ka rin nila, at sa ganooʼy nasuklian ka na sa ginawa mo. 13 Kaya kung maghahanda ka, imbitahin mo rin ang mga mahihirap, mga lumpo, mga pilay at mga bulag. 14 Sa ganoon ay pagpapalain ka, dahil kahit hindi ka nila masusuklian, ang Dios ang magsusukli sa iyo sa araw ng muling pagkabuhay ng mga matuwid.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®