Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Dios ang Hukom ng Lahat
94 Panginoon, kayo ang Dios na nagpaparusa.
Ipakita nʼyo na ang inyong katarungan.
2 Kayo ang humahatol sa lahat ng tao,
kaya sige na po Panginoon,
gantihan nʼyo na nang nararapat ang mayayabang.
3 Hanggang kailan magdiriwang ang masasama, Panginoon?
4 Silang lahat na gumagawa ng masama ay ubod ng yabang.
5 Inaapi nila ang mamamayang pag-aari ninyo, Panginoon.
6 Pinapatay nila ang mga biyuda at mga ulila, pati na ang mga dayuhan.[a]
7 Sinasabi nila, “Hindi makikita ng Panginoon ang ginagawa namin;
ni hindi ito mapapansin ng Dios ni Jacob.”
8 Kayong mga hangal at matitigas ang ulo, kailan ba kayo makakaunawa?
Unawain ninyo ito:
9 Ang Dios na gumawa ng ating mga tainga at mata, hindi ba nakakarinig o nakakakita?
10 Siya na nagpaparusa sa mga bansang hindi kumikilala sa kanya ay hindi ba magpaparusa sa inyo?
Siya na nagtuturo sa mga tao, wala bang nalalaman?
11 Alam ng Panginoon na ang iniisip ng mga tao ay walang kabuluhan.
12 O Panginoon, mapalad ang taong pinangangaralan nʼyo sa pamamagitan ng pagtuturo sa kanya ng inyong mga kautusan.
13 Tinuturuan nʼyo siya upang magkaroon siya ng kapayapaan sa oras ng kaguluhan hanggang sa oras na ang masasama ay inyong parusahan.
14 Dahil hindi nʼyo itatakwil, Panginoon, ang mamamayang pag-aari ninyo.
15 Darating ang araw na ang paghatol ay muling magiging makatarungan
at itoʼy susundin ng lahat ng namumuhay nang matuwid.
16 Walang tumutulong sa akin laban sa mga taong gumagawa ng kasamaan kundi kayo lang, Panginoon.
17 Kung hindi nʼyo ako tinulungan Panginoon, maaaring patay na ako ngayon.
18 Nang sabihin kong parang mamamatay na ako, ang inyong pag-ibig at awa Panginoon ang tumulong sa akin.
19 Kapag gulong-gulo ang isip ko, inaaliw nʼyo ako at akoʼy sumasaya.
20 Hindi kayo maaaring pumanig sa masasamang hukom[b] na gumagawa ng kasamaan sa pamamagitan ng[c] kautusan.
21 Sama-sama silang kumakalaban sa matutuwid at hinahatulan nila ng kamatayan ang walang kasalanan.
22 Ngunit kayo, Panginoon na aking Dios ay aking tagapagtanggol at batong kanlungan.
23 Parurusahan nʼyo sila dahil sa kanilang mga kasalanan.
Tiyak na lilipulin nʼyo sila, O Panginoon naming Dios.
Ang Matinding Tagtuyot sa Juda
14 Ito ang sinabi sa akin ng Panginoon tungkol sa mahabang tagtuyot: 2 “Nagluluksa ang Juda; ang mga lungsod niyaʼy nanlulupaypay. Nakaupo ang mga mamamayan niya sa lupa na umiiyak, at naririnig ang iyakan sa Jerusalem. 3 Inutusan ng mayayaman ang mga alipin nila na umigib ng tubig. Pumunta sila sa mga balon pero walang tubig doon. Kaya bumalik silang walang laman ang mga lalagyan, at nagtakip ng mga ulo dahil sa matinding hiya. 4 Nabitak ang lupa dahil walang ulan. At dahil sa hinagpis, tinakpan ng mga magbubukid ang mga ulo nila. 5 Kahit ang usa ay iniwanan ang anak niya na kasisilang pa lang dahil wala nang sariwang damo. 6 Ang mga asnong-gubat ay tumatayo sa mga burol at humihingal na parang asong-gubat.[a] Nanlalabo na ang kanilang paningin dahil sa kawalan ng pagkain.”
7 Sinabi ng mga tao, “O Panginoon, nagkasala po kami sa inyo. Palagi kaming lumalayo sa inyo kaya dapat lang kaming parusahan. Pero tulungan po ninyo kami ngayon, alang-alang sa karangalan ng pangalan ninyo. 8 O Panginoon, kayo po ang tanging pag-asa ng Israel, ang Tagapagligtas niya sa panahon ng kaguluhan. Bakit naging parang dayuhan kayo rito sa amin? Bakit po kayo parang manlalakbay na tumitigil lang ng isang gabi sa bansa namin? 9 Katulad rin po ba kayo ng taong walang magagawa at sundalong walang kakayahang magligtas? Kasama namin kayo, O Panginoon, at kami ay inyong mga mamamayan, kaya huwag nʼyo po kaming pababayaan.”
10 Ito ang sagot ng Panginoon sa mga tao: “Talagang gusto na ninyong lumayo sa akin; ang sarili lang ninyong kagustuhan ang inyong sinusunod. Kaya ayaw ko na kayong tanggapin bilang aking mga mamamayan. Hindi ko makakalimutan ang kasamaan ninyo at parurusahan ko kayo.”
17 “Jeremias, sabihin mo ito sa mga tao: Araw-gabi, walang tigil ang pag-iyak ko dahil malubha ang sugat ng mga mamamayan ko na aking itinuturing na birheng anak, at totoong nasasaktan ako. 18 Kung pupunta ako sa mga bukid at lungsod, nakikita ko ang mga bangkay ng mga namatay sa digmaan at taggutom. Ang mga propeta at pari ay patuloy sa gawain nila pero hindi nila alam kung ano ang ginagawa nila.”[a]
Lumapit ang mga Tao sa Panginoon
19 O Panginoon, talaga bang itinakwil nʼyo na ang Juda? Talaga bang galit po kayo sa Jerusalem?[b] Bakit nʼyo po kami pinarusahan ng ganito at parang wala na kaming pag-asang gumaling? Umasa po kaming bibigyan nʼyo kami ng kapayapaan, pero hindi naman ito dumating. Umasa po kaming mapapabuti ang kalagayan namin, pero takot ang dumating sa amin. 20 O Panginoon, kinikilala namin ang kasamaan namin, pati ang kasalanan ng mga ninuno namin. Nagkasala po kami sa inyo. 21 Huwag nʼyo po kaming itakwil, alang-alang sa karangalan ng pangalan ninyo. Huwag nʼyo pong ilagay sa kahihiyan ang marangal nʼyong trono. Alalahanin nʼyo po ang kasunduan nʼyo sa amin. Nawaʼy huwag nʼyo itong sirain. 22 Wala ni isang walang kwentang mga dios-diosan ng mga bansa ang makapagpapaulan o makapagpapaambon. Kahit ang langit mismo ay hindi makapagpapaulan. Kayo lang, Panginoon na aming Dios ang tanging makakagawa nito, kaya sa inyo po kami nagtitiwala.
Sinabi ni Jesus na Ikakaila Siya ni Pedro(A)
31 Sinabi ni Jesus kay Pedro. “Simon, makinig kang mabuti! Humingi ng pahintulot si Satanas sa Dios na subukin niya kayong lahat tulad ng pag-aalis ng ipa sa mga trigo. 32 Ngunit nanalangin ako para sa iyo, na huwag manghina ang iyong pananampalataya. At kapag nagbalik-loob ka na, palalakasin mo ang pananampalataya ng iyong mga kapatid.” 33 Sumagot si Simon, “Panginoon, handa po akong mabilanggo o mamatay na kasama ninyo.”
Ipinagkaila ni Pedro na Kilala Niya si Jesus(A)
54 Dinakip nila si Jesus at dinala sa bahay ng punong pari. Sumunod naman si Pedro pero nasa malayo siya. 55 Nagsiga sa gitna ng bakuran ang mga naroon at naupo sila sa paligid ng siga para magpainit. Nakiupo rin si Pedro sa kanila. 56 Nakita siya ng isang utusang babae sa tabi ng siga at tiningnang mabuti. Sinabi ng babae, “Kasamahan din ni Jesus ang lalaking ito!” 57 Pero itinanggi ito ni Pedro, “Babae, hindi ko siya kilala.” 58 Maya-maya, may nakakita na naman sa kanya at nagsabi, “Kasamahan ka rin nila, di ba?” “Aba, hindi!” sagot ni Pedro. 59 Pagkalipas ng isang oras, iginiit naman ng isa, “Totoong kasamahan din ni Jesus ang taong ito, dahil taga-Galilea rin siya.” 60 Pero sumagot si Pedro, “Hindi ko alam kung ano ang pinagsasabi mo!” At habang nagsasalita pa siya ay tumilaok ang manok. 61 Lumingon ang Panginoon at tiningnan si Pedro. Naalala ni Pedro ang sinabi ng Panginoon, “Bago tumilaok ang manok ngayong gabi, tatlong beses mong ikakaila na kilala mo ako.” 62 Kaya lumabas si Pedro at humagulgol.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®