Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 14

Ang Kasamaan ng Tao

(Salmo 53)

14 “Walang Dios!”
    Iyan ang sinasabi ng mga hangal sa kanilang sarili.
    Masasama sila at kasuklam-suklam ang kanilang mga gawa.
    Ni isa sa kanila ay walang gumagawa ng mabuti.
Mula sa langit, tinitingnan ng Panginoon ang lahat ng tao,
    kung may nakakaunawa ng katotohanan at naghahanap sa kanya.
Ngunit ang lahat ay naligaw ng landas at pare-parehong nabulok ang pagkatao.
    Wala kahit isa man ang gumagawa ng mabuti.

Kailan kaya matututo ang masasamang tao?
    Sinasamantala nila ang aking mga kababayan para sa kanilang pansariling kapakanan.
    At hindi sila nananalangin sa Panginoon.
Ngunit darating ang araw na manginginig sila sa takot,
    dahil kakampihan ng Dios ang mga matuwid.
Sinisira ng masasamang tao ang mga plano ng mga dukha,
    ngunit ang Panginoon ang magiging kanlungan nila.
Dumating na sana ang Tagapagligtas ng Israel mula sa Zion!
    Magsasaya ang mga Israelita, ang mga mamamayan ng Panginoon,
    kapag naibalik na niya ang kanilang kasaganaan.

Jeremias 13:20-27

20 Tingnan nʼyo ang mga kaaway na dumarating mula sa hilaga. O Jerusalem, nasaan na ang iyong mga mamamayan na ipinagmamalaki mo, na ipinagkatiwala ko sa iyo para alagaan mo? 21 Ano ang mararamdaman mo kung ang kakampi mong bansa ang sumakop sa iyo? Hindi baʼt magdaramdam ka tulad ng isang babaeng manganganak na? 22 Kung tatanungin mo ang sarili mo kung bakit ka napahamak na parang babaeng pinunit ang damit at pinagsamantalahan, itoʼy dahil sa napakarami mong kasalanan. 23 Mapapalitan ba ng taong maitim[a] ang kulay ng balat niya? Maaalis ba ng leopardo ang mga batik sa katawan niya? Hindi! Ganyan din kayong mga taga-Jerusalem, hindi kayo makakagawa ng mabuti dahil ugali na ninyo ang gumawa ng masama.

24-25 Sinabi ng Panginoon, “Pangangalatin ko kayo katulad ng ipa na ipinapadpad ng hanging mula sa disyerto. Iyan ang kahihinatnan ninyo. Gagawin ko ito sa inyo dahil kinalimutan ninyo ako at nagtiwala kayo sa mga dios-diosan. 26 Ibibilad ko kayo sa kahihiyan gaya ng babaeng hinubaran. 27 Nakita ko ang mga ginawa ninyong kasuklam-suklam na pagsamba sa mga dios-diosan sa mga bundok at kapatagan. Tulad kayo ng babaeng bayaran na nag-aapoy ang pagnanasa, o ng mga nangangalunya at nakikiapid. Nakakaawa kayo, mga taga-Jerusalem! Hanggang kailan kayo mananatili sa karumihan?”

1 Timoteo 1:1-11

Mula kay Pablo na apostol ni Cristo Jesus ayon sa utos ng Dios na ating Tagapagligtas at ni Cristo Jesus na ating pag-asa.

Mahal kong Timoteo, tunay kong anak sa pananampalataya:

Sumaiyo nawa ang biyaya, awa at kapayapaang galing sa Dios Ama at kay Cristo Jesus na ating Panginoon.

Babala sa mga Maling Aral

Gaya ng ibinilin ko sa iyo noong papunta ako sa Macedonia, manatili ka muna riyan sa Efeso para patigilin ang ilang tao riyan na nagtuturo ng maling doktrina. Pagsabihan mo rin sila na huwag pag-aksayahan ng panahon ang mga walang kabuluhang alamat at ang pagsasaliksik sa kung sinu-sino ang mga ninuno nila. Nagdudulot lang ng pagtatalo-talo ang mga bagay na ito. Hindi ito makakatulong para malaman nila ang kalooban ng Dios. Malalaman lang natin ito sa pamamagitan ng pananampalataya. Ang layunin ng utos kong ito ay magmahalan sila. At magagawa lang nila ito kung malinis ang kanilang puso at konsensya, at kung tunay ang pananampalataya nila. May ilang tumalikod na sa mga bagay na ito, at bumaling sa walang kwentang pakikipagtalo. Gusto nilang maging tagapagturo ng Kautusan, pero hindi naman nila nauunawaan ang mga sinasabi nila, ni ang mga bagay na pilit nilang pinaniniwalaan.

Alam nating mabuti ang Kautusan kung ginagamit ito sa wastong paraan. Dapat nating alalahanin na hindi ibinigay ang Kautusan para sa mga matuwid kundi para sa mga lumalabag sa batas, suwail, ayaw kumilala sa Dios, makasalanan, walang hilig sa kabanalan, lapastangan, pumapatay sa sariling magulang, at mga mamamatay-tao. 10 Ang Kautusan ay ibinigay din para sa mga gumagawa ng sekswal na imoralidad, mga nakikipagtalik sa kapwa lalaki, kidnaper, sinungaling at tumetestigo nang hindi totoo, at sa sinumang sumasalungat sa tamang aral 11 na naaayon sa Magandang Balita ng[a] dakila at mapagpalang Dios. Ipinagkatiwala sa akin Ang Magandang Balitang ito para ipahayag.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®