Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 119:49-56

49 Alalahanin nʼyo ang inyong ipinangako sa akin na inyong lingkod,
    dahil ito ang nagbibigay sa akin ng pag-asa.
50 Ang inyong mga pangako ang siyang nagpapalakas,
    at umaaliw sa akin sa kahirapang aking dinaranas.
51 Palagi akong hinahamak ng mga hambog,
    ngunit hindi ako humihiwalay sa inyong kautusan.
52 Panginoon, inaalala ko ang inyong katarungang ibinigay noong una,
    at itoʼy nagbibigay sa akin ng kaaliwan.
53 Akoʼy galit na galit sa masasamang tao,
    na ayaw sumunod sa inyong kautusan.
54 Umaawit ako tungkol sa inyong mga tuntunin kahit saan man ako nanunuluyan.
55 Panginoon, sa gabi ay inaalala ko kayo at iniisip ko kung paano ko masusunod ang inyong kautusan.
56 Ito ang aking kagalakan: ang sumunod sa inyong mga tuntunin.

Jeremias 32:16-35

16 Pagkatapos kong maibigay ang kasulatan kay Baruc na anak ni Neria, nanalangin ako. 17 “O Panginoong Dios, nilikha nʼyo ang langit at lupa sa pamamagitan ng kapangyarihan ninyo. Walang anumang bagay na hindi nʼyo po magagawa. 18 Ipinapakita nʼyo ang pag-ibig nʼyo sa libu-libo, pero pinarurusahan nʼyo ang mga anak dahil sa kasalanan ng mga magulang nila. O kay dakila po ninyo O Dios, ang pangalan ninyo ay Panginoong Makapangyarihan. 19 Napakaganda po ng mga plano nʼyo at kahanga-hanga ang mga gawa ninyo. Nakikita nʼyo ang lahat ng ginagawa ng mga tao at ginagantihan nʼyo po sila ayon sa mga pag-uugali at gawa nila. 20 Gumawa kayo ng mga himala at mga kahanga-hangang bagay doon sa Egipto, at patuloy nʼyo po itong ginagawa hanggang dito sa Israel at sa ibang mga bansa. At sa pamamagitan nito, naging tanyag po kayo sa lahat ng dako. 21 Sa pamamagitan ng mga himala at mga kahanga-hangang bagay, at sa kapangyarihan nʼyo, natakot po ang mga taga-Egipto at pinalaya nʼyo ang mamamayan nʼyong mga Israelita sa Egipto. 22 Ibinigay po ninyo sa kanila ang maganda at masaganang lupain[a] na siyang ipinangako nʼyong ibibigay sa kanilang mga ninuno. 23 Naging kanila po ito pero hindi sila sumunod sa inyo o sa mga kautusan nʼyo, at hindi nila ginawa ang ipinapagawa nʼyo sa kanila. Kaya pinadalhan nʼyo sila ng kapahamakan. 24 At ngayon, tinatambakan ng lupa ng mga taga-Babilonia ang gilid ng pader ng Jerusalem para mapasok at maagaw nila ang lungsod At dahil sa digmaan, gutom, at sakit, marami pong namatay at naagaw ng mga taga-Babilonia ang lungsod ayon din po sa sinabi ninyo. 25 Ngunit sa kabila po ng lahat ng ito, O Panginoong Dios, sinugo nʼyo ako para bilhin ang bukid sa harap ng mga saksi kahit malapit nang maagaw ng mga taga-Babilonia ang lungsod na ito.”

26 Kaya sinabi ng Panginoon kay Jeremias, 27 “Ako ang Panginoon, ang Dios ng lahat ng tao. Mayroon bang bagay na hindi ko magagawa? 28 Kaya tandaan mo, ibibigay ko ang lungsod na ito sa mga taga-Babilonia at sa hari nilang si Nebucadnezar, at mapapasakanila ito. 29 Susunugin nila ito, lalo na ang mga bahay na ang mga bubungan ay sinusunugan ng mga insenso para kay Baal at hinahandugan ng mga handog na inumin para sa mga dios-diosan na labis kong ikinagalit.

30 “Mula pa noong una, wala nang ginawa ang mga taga-Israel at taga-Juda kundi puro kasamaan. Ginalit nila ako sa pamamagitan ng mga ginagawa nila. 31 Mula nang itayo ang lungsod na ito hanggang ngayon, ginagalit ako ng mga mamamayan nito. Kaya wawasakin ko na ito. 32 Ginagalit ako ng mga taga-Israel at taga-Juda dahil sa masasama nilang ginagawa. Lahat sila; ang kanilang mga hari at pinuno, mga pari at propeta, at ang mga taga-Jerusalem. 33 Lumayo sila sa akin kahit palagi ko silang tinuturuan. Ayaw nilang makinig at ayaw nilang magpaturo. 34 Dinungisan nila ang templo ko kung saan dinadakila ang pangalan ko. Inilagay nila roon ang mga dios-diosan nilang kasuklam-suklam. 35 Nagtayo sila ng mga sambahan para kay Baal sa Lambak ng Ben Hinom at doon din nila inihahandog ang kanilang mga anak kay Molec. Hindi ko sila inutusan ng ganoon. Ni hindi sumagi sa isipan ko na gagawin nila itong kasuklam-suklam na bagay na siyang naging dahilan ng pagkakasala ng mga taga-Juda.

Pahayag 3:14-22

Ang Sulat para sa Iglesya sa Laodicea

14 “Isulat mo ito para sa anghel na nagbabantay sa iglesya sa Laodicea:

“Ito ang mensahe ng tinatawag na Amen, ang tapat at tunay na saksi. Siya ang pinagmulan ng lahat ng nilalang ng Dios: 15-16 Alam ko ang mga ginagawa ninyo. Alam kong hindi kayo malamig o mainit. Gusto ko sanang malamig kayo o mainit. Ngunit dahil maligamgam kayo, isusuka ko kayo. 17 Sinasabi ninyo na mayaman kayo, sagana sa lahat ng bagay at wala nang pangangailangan. Ngunit hindi nʼyo alam na kaawa-awa kayo dahil mahirap kayo sa pananampalataya, bulag sa katotohanan at hubad sa paningin ng Dios. 18 Kaya pinapayuhan ko kayong bumili sa akin ng ginto na dinalisay sa apoy[a] upang maging totoong mayaman kayo. Bumili rin kayo sa akin ng puting damit upang matakpan ang nakakahiya ninyong kahubaran, at pati na rin ng gamot sa mata upang makita ninyo ang katotohanan. 19 Ang lahat ng minamahal ko ay tinutuwid ko at dinidisiplina. Kaya magsisi kayo at ituwid ang ugali ninyo. 20 Narito ako sa labas ng pintuan ninyo at kumakatok. Kung may makarinig sa akin at buksan ang pinto, papasok ako at magsasalo kami sa pagkain. 21 Ang magtatagumpay ay pauupuin ko sa tabi ng aking trono,[b] tulad ko na nagtagumpay at naupo sa tabi ng trono ng aking Ama.

22 “Kayong nakikinig, pag-isipan ninyong mabuti ang sinasabi ng Banal na Espiritu sa mga iglesya.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®