Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Mapapahamak ang Masasama
58 Kayong mga pinuno, matuwid ba ang paghatol ninyo sa mga tao?
2 Hindi! Dahil paggawa ng masama ang laging iniisip ninyo at namiminsala kayo sa iba saanman kayo naroroon.
3 Ang masasama ay lumalayo sa Dios
at mula nang isilang ay nagsisinungaling na.
4-5 Para silang mga ahas na makamandag.
Parang kobrang hindi nakikinig sa tinig ng mahuhusay na tagapagpaamo niya.
6 O Panginoong Dios, sirain nʼyo ang kanilang kakayahan sa pamiminsala
na parang binabali nʼyo ang kanilang mga ngipin na parang pangil ng mga leon!
7 Mawala sana silang tulad ng tubig na natutuyo
at gawin mo ring walang silbi ang kanilang mga armas.
8 Maging tulad sana sila ng kuhol na parang natutunaw habang gumagapang,
o ng sanggol na patay nang ipinanganak, na hindi pa nakakita ng liwanag.
9 Mabilis silang tatangayin ng Dios,
maging ang mga nabubuhay pa,
mabilis pa sa pag-init ng palayok na inaapuyan ng malakas.
10 Magagalak ang mga matuwid kapag nakita na nilang pinaghigantihan ng Dios ang masasama, at dumanak na ang kanilang dugo.[a]
11 At sasabihin ng mga tao, “Tunay ngang may gantimpala ang matutuwid
at mayroong Dios na humahatol sa mga tao sa mundo.”
15 Pagkatapos, bibigyan ko kayo ng pinuno na gusto kong mamumuno sa inyo na may kaalaman at pang-unawa. 16 Ako, ang Panginoon ay nagsasabi na pagdating ng araw na marami na kayo sa lupaing iyon, hindi na ninyo hahanap-hanapin ang Kahon ng Kasunduan, ni iisipin o aalalahanin ito. At hindi na rin ninyo kailangang gumawa pa ng panibago nito. 17 Sa panahong iyon, tatawagin nʼyo ang Jerusalem na ‘Trono ng Panginoon.’ At ang lahat ng bansa ay magtitipon sa Jerusalem para parangalan ang pangalan ng Panginoon. Hindi na nila susundin ang nais ng matitigas at masasama nilang puso. 18 Sa panahong iyon, ang mga mamamayan ng Juda at ng Israel ay magkasamang babalik mula sa pagkabihag sa hilaga pauwi sa lupaing ibinigay ko sa mga magulang nila bilang mana. 19 Ako mismo ang nagsasabi, ‘Natutuwa ako na ituring kayong mga anak ko at bigyan ng magandang lupain na pinakamagandang pamana sa buong mundo.’ At akala koʼy tatawagin ninyo akong ‘Ama’ at hindi na kayo hihiwalay sa akin. 20 Pero kayong mga mamamayan ng Israel ay nagtaksil sa akin, tulad ng babaeng nagtaksil sa asawa niya. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.
21 “May naririnig na mga ingay sa itaas ng bundok. Nag-iiyakan at nagmamakaawa ang mga mamamayan ng Israel dahil naging masama ang kanilang pamumuhay at kinalimutan nila ako, ang Panginoon na kanilang Dios. 22 Kayong mga naliligaw kong anak, manumbalik kayo sa akin at itutuwid ko ang inyong kataksilan.
“Sumagot sila, ‘Opo, lalapit po kami sa inyo dahil kayo ang Panginoon naming Dios. 23 Talagang mali po ang pagsamba namin sa mga dios-diosan sa mga bundok. Sa inyo lamang ang kaligtasan ng Israel, Panginoon naming Dios. 24 Mula po sa kabataan namin, ang mga nakakahiyang dios-diosan ang nakinabang sa mga pinaghirapan ng mga ninuno namin ang mga hayop at anak nila. 25 Dapat nga po kaming magtago dahil sa hiya dahil kami at ang mga ninuno namin ay nagkasala sa inyo, Panginoon naming Dios. Mula sa kabataan namin hanggang ngayon, hindi po kami sumunod sa inyo.’ ”
Ang Talinghaga tungkol sa Malaking Handaan(A)
15 Nang marinig iyon ng isa sa mga nakaupo sa may mesa, sinabi niya kay Jesus, “Mapalad ang taong makakasalo sa handaan sa kaharian ng Dios!” 16 Kinuwentuhan siya ni Jesus ng ganito, “May isang taong naghanda ng isang malaking pagdiriwang, at marami ang inimbita niya. 17 Nang handa na ang lahat, inutusan niya ang mga alipin niya na sunduin ang mga inimbita at sabihin sa kanila, ‘Tayo na, handa na ang lahat.’ 18 Pero nagdahilan ang bawat naimbitahan. Sinabi ng isa, ‘Pasensya na. Nakabili ako ng lupa at kailangang puntahan ko at tingnan.’ 19 Sabi naman ng isa, ‘Nakabili ako ng sampung baka, at susubukan ko kung mabuting ipang-araro. Pasensya na.’ 20 At sinabi naman ng isa pa, ‘Bagong kasal ako, kaya hindi ako makakadalo.’ 21 Kaya umuwi ang alipin, at ibinalita ang lahat sa amo niya. Nagalit ang amo at nag-utos ulit sa alipin niya, ‘Sige, pumunta ka sa mga kalsada at mga eskinita ng bayan at dalhin mo rito ang mga mahihirap, mga lumpo, mga bulag at mga pilay.’ 22 Nang natupad iyon ng alipin, bumalik siya sa amo niya at sinabi, ‘Nagawa ko na po ang iniutos ninyo, pero maluwag pa.’ 23 Kaya sinabi ng amo niya, ‘Pumunta ka sa mga kalsada at mga daan sa labas ng bayan at pilitin mong pumarito ang mga tao para mapuno ng panauhin ang bahay ko. 24 Tinitiyak ko sa inyo, ni isa man sa mga una kong inimbita ay hindi makakatikim ng handa ko.’ ”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®