Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 58

Mapapahamak ang Masasama

58 Kayong mga pinuno, matuwid ba ang paghatol ninyo sa mga tao?
Hindi! Dahil paggawa ng masama ang laging iniisip ninyo at namiminsala kayo sa iba saanman kayo naroroon.
Ang masasama ay lumalayo sa Dios
    at mula nang isilang ay nagsisinungaling na.
4-5 Para silang mga ahas na makamandag.
    Parang kobrang hindi nakikinig sa tinig ng mahuhusay na tagapagpaamo niya.
O Panginoong Dios, sirain nʼyo ang kanilang kakayahan sa pamiminsala
    na parang binabali nʼyo ang kanilang mga ngipin na parang pangil ng mga leon!
Mawala sana silang tulad ng tubig na natutuyo
    at gawin mo ring walang silbi ang kanilang mga armas.
Maging tulad sana sila ng kuhol na parang natutunaw habang gumagapang,
    o ng sanggol na patay nang ipinanganak, na hindi pa nakakita ng liwanag.

Mabilis silang tatangayin ng Dios,
    maging ang mga nabubuhay pa,
    mabilis pa sa pag-init ng palayok na inaapuyan ng malakas.
10 Magagalak ang mga matuwid kapag nakita na nilang pinaghigantihan ng Dios ang masasama, at dumanak na ang kanilang dugo.[a]
11 At sasabihin ng mga tao, “Tunay ngang may gantimpala ang matutuwid
    at mayroong Dios na humahatol sa mga tao sa mundo.”

Jeremias 3:1-14

“Kung ang isang babae ay hiniwalayan ng kanyang asawa at ang babaeng ito ay mag-asawang muli, hindi na siya dapat bawiin ng kanyang unang asawa, dahil magpaparumi ito nang lubos sa inyong lupain. Kayong mga taga-Israel ay namumuhay na parang isang babaeng bayaran. Marami kayong minamahal na mga dios-diosan. Sa kabila ng lahat ng ito, tatawagin ko pa rin kayo na magbalik sa akin. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.

“Tingnan ninyo ang matataas na lugar kung saan kayo sumasamba sa inyong mga dios-diosan. May mga lugar pa ba roon na hindi ninyo dinungisan? Pinarumi ninyo ang lupain dahil sa kasamaan ninyo. Para kayong babaeng bayaran na nakaupo sa tabi ng daan at naghihintay ng lalaki. Tulad din kayo ng isang mapagsamantalang tao[a] na naghihintay ng mabibiktima niya sa ilang. Iyan ang dahilan kung bakit hindi umuulan sa panahon ng tag-ulan. Pero sa kabila nito, matigas pa rin ang ulo ninyo gaya ng babaeng bayaran na hindi na nahihiya. At ngayon sinasabi ninyo sa akin, ‘Ama ko, kayo po ay kasama[b] ko mula noong bata pa ako. Palagi na lang ba kayong galit sa akin? Hanggang kailan pa po ba kayo magagalit sa akin?’ Ito ang sinasabi ninyo, pero ginagawa naman ninyo ang lahat ng masama na magagawa ninyo.”

Ginaya ng Juda ang Israel

Noong panahon ng paghahari ni Josia, sinabi sa akin ng Panginoon, “Nakita mo ba ang ginawa ng taksil na Israel? Sumamba siya sa mga dios-diosan sa bawat matataas na burol at sa ilalim ng bawat malalagong punongkahoy. Para siyang babaeng nangangalunya. Akala ko, pagkatapos niyang magawa ang lahat ng ito, babalik na siya sa akin, pero hindi siya bumalik. At nakita ito ng taksil niyang kapatid na walang iba kundi ang Juda. Hiniwalayan ko ang Israel at pinalayas dahil sa pangangalunya sa pamamagitan ng pagsamba sa mga dios-diosan. Pero sa kabila nito, nakita ko ang taksil niyang kapatid na Juda ay hindi man lang natakot. Nangalunya rin siya sa pamamagitan ng pagsamba sa mga dios-diosang bato at kahoy, kaya dinungisan niya ang lupain. Hindi siya nababahala sa pagsamba sa mga dios-diosan. 10 At ang pinakamasama pa, hindi taos-pusong bumalik sa akin ang taksil na Juda. Pakunwari lang siya na bumalik sa akin. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”

11 Pagkatapos, sinabi sa akin ng Panginoon, “Kahit hindi tapat sa akin ang Israel mas mabuti pa rin siya kaysa sa taksil na Juda. 12 Lumakad ka ngayon at sabihin mo ito sa Israel,[c]Ako, ang Panginoon ay nagsasabi: Israel na taksil, manumbalik ka, dahil mahabagin ako. Hindi na ako magagalit sa iyo kailanman. 13 Aminin mo lang ang iyong kasalanan na naghimagsik ka sa akin, ang Panginoon na iyong Dios, at sumunod ka sa ibang mga dios sa pamamagitan ng pagsamba sa kanila sa ilalim ng bawat malalagong punongkahoy. Aminin mo na hindi ka sumunod sa akin. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.’ ”

14 Sinabi pa ng Panginoon, “Magbalik na kayo, kayong mga suwail na mga anak, dahil akin kayo.[d] Kukunin ko ang isa o dalawa sa inyo mula sa bawat bayan o angkan at dadalhin sa Israel.[e]

Tito 1:1-9

Mula kay Pablo, na lingkod[a] ng Dios at apostol ni Jesu-Cristo. Sinugo ako ng Dios upang patibayin ang pananampalataya ng kanyang mga pinili, at ipaunawa sa kanila ang katotohanan tungkol sa uri ng buhay na katanggap-tanggap sa kanya. Ang pananampalataya at pang-unawang ito ang siyang nagbibigay sa atin ng pag-asa na makakamtan natin ang buhay na walang hanggan. Ang buhay na itoʼy ipinangako na ng Dios bago pa man niya likhain ang mundo, at hindi siya nagsisinungaling. At ngayon na ang panahon na itinakda niya upang maihayag ang kanyang salita tungkol sa buhay na ito. At sa akin ipinagkatiwala ng Dios na ating Tagapagligtas ang pangangaral ng salitang ito.

Mahal kong Tito, aking tunay na anak sa iisang pananampalataya:

Sumaiyo nawa ang biyaya at kapayapaang galing sa Dios Ama at sa ating Tagapagligtas na si Cristo Jesus.

Ang mga Gawain ni Tito sa Crete

Iniwan kita sa Crete upang tapusin ang mga gawaing hindi ko natapos, gaya ng bilin ko sa iyo na pumili ng mga mamumuno sa iglesya sa bawat bayan. Piliin mo ang may magandang reputasyon,[b] isa lang ang asawa, ang mga anak ay mananampalataya at hindi napaparatangang magulo o matigas ang ulo. Sapagkat kailangang maganda ang reputasyon ng isang namumuno bilang tagapangasiwa sa gawain ng Dios. Dapat ay hindi siya mayabang, hindi mainitin ang ulo, hindi lasenggo, hindi basagulero, at hindi gahaman sa pera. Sa halip ay dapat bukas ang kanyang tahanan sa kapwa, maibigin sa kabutihan, marunong magpasya kung ano ang nararapat,[c] matuwid, banal at marunong magpigil sa sarili. Dapat ay pinanghahawakan niyang mabuti ang mapagkakatiwalaang mensahe na itinuro sa kanya, upang maituro rin niya sa iba at maituwid ang mga sumasalungat dito.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®