Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
40 Kaya nagalit ang Panginoon sa kanyang mga mamamayan,
at silaʼy kanyang kinasuklaman.
41 Ipinaubaya niya sila sa mga bansang kanilang kaaway,
at sinakop sila ng mga bansang iyon.
42 Inapi sila at inalipin ng kanilang mga kaaway.
43 Maraming beses silang iniligtas ng Dios,
ngunit sinasadya nilang maghimagsik sa kanya,
kaya ibinagsak sila dahil sa kanilang kasalanan.
44 Ngunit kapag silaʼy tumatawag sa Dios, tinutulungan pa rin niya sila sa kanilang mga kahirapan.
45 Inaalaala ng Dios ang kanyang kasunduan sa kanila,
at dahil sa kanyang malaking pag-ibig sa kanila,
napawi ang kanyang galit.
46 Niloob niya na silaʼy kaawaan ng mga bumihag sa kanila.
47 Panginoon naming Dios iligtas nʼyo kami,
at muling tipunin sa aming lupain mula sa mga bansa,
upang makapagpasalamat kami at makapagbigay-puri sa inyong kabanalan.
48 Purihin ang Panginoon, ang Dios ng Israel, magpakailanman.
At ang lahat ay magsabing,
“Amen!”
Purihin ang Panginoon!
Ang Kapahamakang Darating
17 Mga taga-Jerusalem, tipunin na ninyo ang mga kagamitan at umalis, dahil malapit nang salakayin ang lungsod ninyo. 18 Sapagkat ito ang sinasabi ng Panginoon, “Makinig kayo! Paaalisin ko kayo sa lupaing ito. Pahihirapan ko kayo hanggang sa madama nʼyo ang galit ko.”
19 Sinabi ng mga taga-Jerusalem, “Nakakaawa tayo dahil sa kapahamakan natin. Malubha ang kalagayan natin, pero kailangan natin itong tiisin. 20 Wasak na ang mga tolda natin; nalagot na ang mga tali nito. Iniwan na tayo ng mga anak natin. Wala nang natira na muling magtatayo ng mga toldang tinitirhan natin.”
21 Nangyari ito sa atin dahil hangal ang mga pinuno natin. Hindi sila lumapit sa Panginoon para sumangguni. Kaya hindi sila nagtagumpay, at nangalat ang mga taong nasasakupan nila. 22 Pakinggan nʼyo ang malakas na ingay ng mga sundalo na dumarating mula sa hilaga! Wawasakin nila ang mga bayan ng Juda at magiging tirahan na lang ito ng mga asong-gubat.[a]
Ang Panalangin ni Jeremias
23 Panginoon, alam ko po na ang buhay ng tao ay hindi kanya. Hindi siya ang may hawak ng kinabukasan niya. 24 Ituwid nʼyo po kami[b] Panginoon, nang nararapat sa amin. Huwag nʼyo po itong gawin nang dahil sa inyong galit, baka wala ng matira sa amin. 25 Ipadama nʼyo po ang inyong galit sa mga bansang hindi kumikilala sa inyo at sa mga taong hindi dumudulog sa inyo. Sapagkat inubos po nila ang lahi ni Jacob at winasak ang mga tahanan nila.
Babala Laban sa mga Tagapagturo ng Kautusan(A)
45 Habang nakikinig kay Jesus ang mga tao, sinabi niya sa mga tagasunod niya, 46 “Mag-ingat kayo sa mga tagapagturo ng Kautusan. Mahilig silang lumibot na nakasuot ng espesyal na damit.[a] At gustong-gusto nilang batiin silaʼt igalang sa matataong lugar. Mahilig silang maupo sa mga upuang pandangal sa mga sambahan at mga handaan. 47 Dinadaya nila ang mga biyuda para makuha ang mga ari-arian ng mga ito, at pinagtatakpan nila ang mga ginagawa nila sa pamamagitan ng mahabang pagdarasal. Ang mga taong itoʼy tatanggap ng mas mabigat na parusa.”
Ang Kaloob ng Biyuda(B)
21 Pinagmamasdan ni Jesus ang mayayamang naghuhulog ng pera sa lalagyan ng mga kaloob sa templo. 2 Nakita rin niya ang isang mahirap na biyuda na naghulog ng dalawang pirasong barya. 3 Sinabi ni Jesus, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, mas malaki ang ibinigay ng biyudang iyon kaysa sa kanilang lahat. 4 Sapagkat silang lahat ay nagbigay galing sa sobra nilang pera, pero ang biyuda ay nagbigay sa kabila ng kanyang kahirapan. Ibinigay niya ang lahat ng ikabubuhay niya.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®