Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
1 Ang aklat na itoʼy tungkol sa ipinahayag ng Dios kay Isaias na anak ni Amoz. Tungkol ito sa Juda at Jerusalem noong magkakasunod na naghari sa Juda sina Uzia, Jotam, Ahaz, at Hezekia.
10 Kayong mga pinuno at mga mamamayan ng Jerusalem na katulad ng mga taga-Sodom at Gomora, pakinggan ninyo ang salita at kautusan ng Panginoon na ating Dios. 11 Sinabi niya, “Balewala sa akin ang napakarami ninyong handog. Sawang-sawa na ako sa inyong mga handog na sinusunog – ang mga tupa at ang mga taba ng mga pinatabang hayop. Hindi ako nalulugod sa dugo ng mga toro, tupa at mga kambing. 12 Sino ang nag-utos sa inyo na dalhin ang lahat ng ito kapag sumasamba kayo sa akin? Sino ang nag-utos sa inyong tumapak sa aking templo? 13 Tigilan nʼyo na ang pagdadala ng mga handog na walang silbi. Nasusuklam ako sa amoy ng mga insenso ninyo. Hindi ko na matiis ang mga pagtitipon nʼyo kapag Pista ng Pagsisimula ng Buwan at kapag Araw ng Pamamahinga, dahil kahit na nagtitipon kayo, gumagawa kayo ng kasamaan. 14 Nasusuklam ako sa inyong mga Pista ng Bagong Buwan at sa iba pa ninyong mga pista. Sobra-sobra na! Hindi ko na ito matiis!
15 “Kapag mananalangin kayo hindi ko kayo papansinin. Kahit paulit-ulit pa kayong manalangin hindi ko kayo pakikinggan dahil marami kayong pinatay na tao. 16 Linisin ninyo ang inyong sarili. Tigilan na ninyo ang paggawa ng kasamaan sa aking harapan. 17 Pag-aralan ninyong gumawa ng mabuti at pairalin ang katarungan. Sawayin ninyo ang mga nang-aapi[a] at ipagtanggol ninyo ang karapatan ng mga ulila at mga biyuda.”
18 Sinabi pa ng Panginoon, “Halikayoʼt pag-usapan natin ito. Kahit gaano man karumi ang inyong mga kasalanan, lilinisin ko iyan para maging malinis kayo. 19 Kung susunod lang kayo sa akin ay pagpapalain ko kayo.[b] 20 Pero kung patuloy kayong magrerebelde, tiyak na mamamatay kayo.”
Mangyayari nga ito dahil sinabi ng Panginoon.
Ang Tunay na Pagsamba
50 Ang Panginoong Dios na makapangyarihan ay nagsasalita at nananawagan sa lahat ng tao sa buong mundo.
2 Nagliliwanag siya mula sa Zion,
ang magandang lungsod na walang kapintasan.
3 Darating ang Dios at hindi lang siya basta mananahimik.
Sa unahan niyaʼy may apoy na nagngangalit,
at may bagyong ubod ng lakas sa kanyang paligid.
4 Tinawag niya ang buong langit at mundo para sumaksi
sa paghatol niya sa kanyang mga mamamayan.
5 Sinabi niya, “Tipunin sa aking harapan ang mga tapat kong pinili
na nakipagkasundo sa akin sa pamamagitan ng paghahandog.”
6 Inihahayag ng kalangitan na ang Dios ay matuwid,
dahil siya nga ang Dios na may karapatang mamuno at humatol.
7 Sinabi pa ng Dios, “Kayong mga mamamayan ko,
pakinggan ninyo ang aking sasabihin!
Ako ang Dios, na inyong Dios.
Sasaksi ako laban sa inyo, mga taga-Israel!
8 Hindi dahil sa inyong mga sinusunog na handog
na palagi ninyong iniaalay sa akin.
22 Pakinggan ninyo ito, kayong mga nakalimot sa Dios,
dahil kung hindi ay lilipulin ko kayo at walang makapagliligtas sa inyo.
23 Ang naghahandog sa akin ng pasasalamat ay pinaparangalan ako
at ang nag-iingat sa kanyang pag-uugali ay ililigtas ko.”
Mga Dakilang Halimbawa ng Pananampalataya
11 Ang pananampalataya ay ang katiyakan na matatanggap natin ang mga bagay na inaasahan natin. At ito ay ang pagiging sigurado sa mga bagay na hindi natin nakikita. 2 Dahil sa pananampalataya ng mga ninuno natin, kinalugdan sila ng Dios. 3 Dahil sa pananampalataya, alam natin na ang sanlibutan ay ginawa ng Dios sa pamamagitan ng kanyang salita. Kaya ang mga bagay na nakikita natin ay galing sa mga hindi nakikita.
8 Dahil sa pananampalataya, sinunod ni Abraham ang utos ng Dios na pumunta sa lugar na ipinangako sa kanya. Umalis siya sa bayan niya kahit hindi niya alam kung saan siya pupunta. 9 Dahil din sa pananampalataya, nanirahan si Abraham sa lupaing ipinangako sa kanya ng Dios kahit na sa tolda lang siya tumira na parang isang dayuhan. Tumira rin sa tolda ang anak niya na si Isaac at apong si Jacob, na mga tagapagmana rin ng pangako ng Dios. 10 Sapagkat ang talagang inaasahan ni Abraham ay isang lungsod na may matibay na pundasyon, na ang Dios mismo ang nagplano at nagtayo.
11 Dahil sa pananampalataya, nagkaanak si Abraham kahit na matanda na siya at baog ang asawa niyang si Sara, dahil naniwala si Abraham na tutuparin ng Dios ang pangako niya na magkakaanak si Sara. 12 Kaya mula kay Abraham, na wala nang pag-asang magkaanak pa,[a] nagmula ang isang lahi na kasindami ng mga bituin sa langit at buhangin sa dalampasigan.
13 Ang lahat ng taong itoʼy namatay na sumasampalataya. Hindi man nila natanggap ang mga pangako ng Dios noong nabubuhay pa sila, natitiyak naman nilang darating ang araw na matatanggap nila ang kanilang hinihintay. Itinuring nilang mga dayuhan ang sarili nila at naninirahan lang sa mundong ito. 14 Ang mga taong may ganitong pananaw ay nagpapahiwatig na naghahanap sila ng sariling bayan. 15 Kung ang bayang iniwan nila ang iniisip nila, may pagkakataon pa silang makabalik. 16 Ngunit hinahangad nila ang mas mabuting lugar, at itoʼy walang iba kundi ang lungsod na nasa langit. Kaya hindi ikinakahiya ng Dios na siyaʼy tawagin nilang Dios, dahil ipinaghanda niya sila ng isang lungsod.
Kayamanan sa Langit(A)
32 “Kayong mga tagasunod ko ay kaunti lang.[a] Ngunit huwag kayong matakot, dahil ipinagkaloob ng inyong Ama na maghari kayong kasama niya. 33 Ipagbili ninyo ang mga ari-arian ninyo at ipamigay ang pera sa mga mahihirap, upang makaipon kayo ng kayamanan sa langit. Doon, ang maiipon ninyong kayamanan ay hindi maluluma o mauubos, sapagkat doon ay walang makakalapit na magnanakaw o makakapanirang insekto. 34 Sapagkat kung nasaan ang kayamanan ninyo, naroon din ang puso ninyo.”
Ang Mapagkakatiwalaang mga Utusan
35-36 Sinabi pa ni Jesus sa kanila, “Maging handa kayo palagi sa pagbabalik ng inyong Panginoon, katulad ng mga aliping naghihintay sa pag-uwi ng kanilang amo mula sa kasalan. Nakahanda sila at nakasindi ang mga ilawan nila, upang sa pagdating at pagkatok ng amo nila ay mabubuksan nila agad ang pinto. 37 Mapalad ang mga aliping madadatnan ng amo nila na gising at nagbabantay sa kanyang pag-uwi. Sinasabi ko sa inyo ang totoo, maghahanda ang amo nila para pagsilbihan sila. Sila ay pauupuin niya sa kanyang mesa at pagsisilbihan habang kumakain sila. 38 Mapalad ang mga aliping iyon kung madadatnan sila ng amo nila na handa kahit anong oras – hatinggabi man o madaling-araw. 39 Tandaan ninyo ito: kung alam ng isang tao kung anong oras darating ang magnanakaw, hindi niya hahayaang pasukin nito ang bahay niya. 40 Kayo man ay dapat maging handa, dahil ako, na Anak ng Tao, ay darating sa oras na hindi ninyo inaasahan.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®