Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Panalangin para Tulungan ng Dios
60 O Dios, itinakwil nʼyo kami at pinabayaang malupig.
Nagalit kayo sa amin ngunit ngayon, manumbalik sana ang inyong kabutihan.
2 Niyanig nʼyo ang kalupaan at pinagbitak-bitak,
ngunit nakikiusap ako na ayusin nʼyo po dahil babagsak na ito.
3 Kami na mga mamamayan nʼyo ay labis-labis nʼyong pinahirapan.
Para nʼyo kaming nilasing sa alak, sumusuray-suray.
4 Ngunit, para sa aming mga may takot sa inyo, nagtaas kayo ng bandila bilang palatandaan
ng aming pagtitipon sa oras ng labanan.
5 Iligtas nʼyo kami sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan.
Pakinggan nʼyo kami,
upang kaming mga iniibig nʼyo ay maligtas.
6 O Dios, sinabi nʼyo roon sa inyong templo,
“Magtatagumpay ako! Hahatiin ko ang Shekem at ang kapatagan ng Sucot
para ipamigay sa aking mga mamamayan.
7 Sa akin ang Gilead at Manase,
ang Efraim ay gagawin kong tanggulan[a]
at ang Juda ang aking tagapamahala.[b]
8 Ang Moab ang aking utusan[c] at ang Edom ay sa akin din.[d]
Sisigaw ako ng tagumpay laban sa mga Filisteo.”
9 Sinong magdadala sa akin sa Edom
at sa bayan nito na napapalibutan ng pader?
10 Sino na ang makakatulong, O Dios, ngayong itinakwil nʼyo na kami?
Ni hindi na nga kayo sumasama sa aming mga kawal.
11 Tulungan nʼyo kami laban sa aming mga kaaway,
dahil ang tulong ng tao ay walang kabuluhan.
12 Sa tulong nʼyo, O Dios,
kami ay magtatagumpay
dahil tatalunin nʼyo ang aming mga kaaway.
Parurusahan ang Israel at ang Juda
12 Sinabi pa ng Panginoon, “Palagi akong pinagsisinungalingan at niloloko ng mga taga-Israel. Ang mga taga-Juda ay patuloy na lumalayo sa akin, ang Dios na banal at tapat.”
12 Ang mga taga-Israel[a] ay umaasa sa mga walang kwentang bagay. Buong araw nilang hinahabol ang mga bagay na nagdadala sa kanila sa kapahamakan. Lalo pa silang naging malupit at sinungaling. Nakikipagkasundo sila sa Asiria at sa Egipto, kung kaya nireregaluhan nila ang Egipto ng langis.
2 May mga paratang din ang Panginoon laban sa mga taga-Juda na lahi ni Jacob. Parurusahan niya sila ayon sa kanilang pag-uugali; gagantihan niya sila ayon sa kanilang mga ginawa. 3 Noong si Jacob na kanilang ninuno ay nasa tiyan pa lamang ng kanyang ina, nais na niyang lampasan ang kanyang kakambal.[b] At noong lumaki na siya, nakipagbuno siya sa Dios 4 sa pamamagitan ng anghel,[c] at nagtagumpay siya. Umiiyak siya habang nagmamakaawang pagpalain siya ng anghel. Nakita niya ang Dios sa Betel, at doon nakipag-usap ang Dios sa kanya.[d] 5 Siya ang Panginoong Dios na Makapangyarihan sa lahat. Panginoon ang kanyang pangalan.
6 Kaya kayong mga lahi ni Jacob, magbalik-loob na kayo sa Dios at ipakita ninyo ang pag-ibig at katarungan. At patuloy kayong magtiwala sa kanya.
Dagdag na Sumbat ng Panginoon sa Israel
7 Sinabi ng Panginoon, “Mahilig mandaya ang mga negosyante ninyo. Gumagamit sila ng mga timbangang may daya. 8 Nagyayabang pa kayong mga taga-Israel at sinasabing, ‘Nakapag-ipon kami ng kayamanan at napakayaman na namin ngayon. Walang makapagsasabing yumaman kami sa masamang paraan, dahil kasalanan ang gawin iyon.’ 9 Kaya ako, ang Panginoon ninyong Dios na naglabas sa inyo sa Egipto, ay nagsasabi: Patitirahin ko kayong muli sa mga kubol[e] gaya ng ginagawa ninyo noon sa panahon ng Pista ng Pagtatayo ng mga Kubol.[f]
10 “Nakipag-usap ako sa mga propeta at binigyan ko sila ng maraming pangitain. Sa pamamagitan nila, nagbabala ako sa inyo na mapapahamak kayo. 11 Pero patuloy pa rin ang mga taga-Gilead sa kanilang kasamaan, at sila ay naging walang kabuluhan. At ang mga taga-Gilgal naman ay naghahandog ng mga toro sa kanilang mga dios-diosan. Kaya gigibain ang kanilang mga altar at itoʼy magiging bunton ng mga bato na kinuha sa inararong bukirin.
12 “Tumakas si Jacob at pumunta sa Aram[g] at doon naglingkod bilang pastol para magkaasawa. 13 Sa pamamagitan ng propetang si Moises, inilabas ko kayong mga Israelita sa Egipto at inalagaan. 14 Dahil marami kayong pinatay, ginalit ninyo ako na inyong Panginoon. Kaya parurusahan ko kayo at pagbabayarin sa paglapastangan ninyo sa akin.”
Ang Mabuting Relasyon sa Kapwa
18 Mga babae, magpasakop kayo sa asawa nʼyo, dahil iyan ang nararapat gawin bilang mananampalataya sa Panginoon.
19 Mga lalaki, mahalin ninyo ang inyong asawa at huwag ninyo silang pagmamalupitan.
20 Mga anak, sundin ninyo ang mga magulang nʼyo sa lahat ng bagay, dahil kalugod-lugod ito sa Panginoon.
21 Mga magulang,[a] huwag kayong gumawa ng anumang bagay na ikasasama ng loob ng mga anak nʼyo para hindi sila panghinaan ng loob.
22 Mga alipin, sundin nʼyo sa lahat ng bagay ang mga amo nʼyo rito sa lupa. Hindi lang dahil nakatingin sila at nais ninyong malugod sila sa inyo, kundi gawin ninyo ito nang buong puso at may takot sa Panginoon. 23 Anuman ang gawin nʼyo, gawin nʼyo ito nang buong katapatan na parang ang Panginoon ang pinaglilingkuran nʼyo at hindi ang tao. 24 Alam naman ninyong may gantimpala kayong matatanggap sa Panginoon, dahil si Cristo na Panginoon natin ang siyang pinaglilingkuran ninyo. 25 Ang sinumang gumagawa ng masama ay parurusahan ayon sa kasalanan niya, dahil ang Dios ay walang pinapaboran.
4 Mga amo, maging mabuti at makatarungan kayo sa mga alipin ninyo. Alalahanin ninyong kayo rin ay mayroong amo sa langit.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®